Facebook

“SACRED COW AT SPOILED BRAT” SA HARAP NI GENERAL NARTATEZ JR!

KUNG nais ni PNP Region 4A Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mabago ang imahe ng kapulisan na kanyang pinamumunuan mula sa pagiging “malambot, walang asim, walang arrive , katulad ng pananaw ni Senador Bato Dela Rosa kay PNP Chief, Rodolfo Azurin Jr. ay kailangang patunayan nitong walang “sacred cow” na iligalistang naghahari sa limang lalawigan ng rehiyong nasa ilalim ng kanyang hurisdiksyon.

Sa mas malawak pang perspektibo, kung sa isang bahay ay kailangan ipakita ng heneral na walang “spoiled brat” na anak sa kanyang tahanan, walang panganay o bunso, dapat ay pantay-pantay ang pagtrato sa lahat nitong mga supling.

Hindi literal na isang anak ang ating tinutukoy, kundi mga ilegalistang hinding-hindi masawata sa paggawa ng katarantaduhan sa CALABARZON area kahit anumang pagbabala sa kanila ni General Nartatez Jr.

Malinaw ang mensahe ng magiting at tapat sa tungkuling PNP top brass pagkaupong-pagkaupo pa lamang nito sa pwesto na “No Take Policy” ang buong pwersa ng pulisya ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) sa naniningkalag na vice operator sa rehiyon kabilang na ang mga STL con-jueteng, pergalan (perya-sugalan), paihi o buriki maintainer at iba pang kriminal.

Ngunit sa kabalintunaan marami pa rin sa hepe ng kapulisan ni RD Nartatez Jr. at posibleng maging ang ilan nitong PNP provincial director ang sumusuway sa kanyang direktiba.

Bilang halimbawa na lamang ay ang bayan ng Padre Garcia, sa lalawigan ng Batangas, paano maipaliliwanag ng hepe ng pulisya dito na sinunod nito si General Nartatez Jr. gayong halos 24/7 ang operasyon ng saklaan doon kasabay ng araw-araw ding jueteng o STL bookies operation sa lahat na barangay ng bayang pinamumunuan ni Mayora Celsa Braga-Rivera.

Kung totoo mang ilang buwan na ring “NoTake” si Gen. Nartatez Jr., ngunit nakatitiyak ba siya na ang hepe ng Padre Garcia at si Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Pedro Soliba ay “No Take” din at di nakikinabang sa protection money na ipinamumudmod ng isang Celemen, enkargado ng mga gambling operator sa nasabing bayan sa tanggapan ng Padre Garcia PNP at Batangas PNP Police Office?

Ipinagmamalaki pa ni Celemen na may libreng pakain pa ang kanyang bangkero mula sa almusal, meryenda hanggang hapunan araw-araw sa halos lahat na opisyales at miyembro ng kapulisan sa naturang munisipalidad, kaya paano mapasusubalian na sina hepe at PD ay sumusunod sa atas ni PBG Nartatez Jr. na “No Take Policy” ang kanyang mga pulis?

Tila yata mahirap na ipaliwanag kung bakit mistulang binabahugang baboy sa labangan ng amo ni Celemen ang ilang mga kagawad ng kapulisan ng Padre Garcia, di kaya ang kapalit nito ay ang malayang pag-ooperate ng mga big boss ni Celemen sa sakla den na nasa harapan lamang ng PGMCI Bank sa Poblacion Padre Garcia.

Katabi lamang ng nasabing saklaan ang rebisahan ng STL bookies na kumukopo ng kubransa ng STL bookies sa lahat na barangay ng Padre Garcia at pinatatakbo din ng sindikatong kinaaniban ni Celemen sa Malvar Street, sa nasabi ding munisipalidad.

Noong si ex-PNP Bgen. Eliseo DC Cruz pa ang nanunungkulang R4A Director ay di nakaporma ang saklaan at pajueteng ng mga amo ni Celemen lalo na nang ipa-raid nito sa mga elemento ng Regional Special Operation Unit (RSOU) ang mga nasabing gambling joints.

Ilang STL bookies kubrador ang naaresto at napakasuhan ni Gen. Cruz sa anti-gambling operation at tuluyang naipasara ang mga nabanggit na gambling den.

Ang ipinagtataka ng mga taga-Padre Garcia ay kung bakit nang mapalitan si General Cruz ni PBG Nartatez Jr. at sa kabila pa ng babala nito na huwag tatanggap ng suhol, tongpats o intelhencia ang kanyang mga pulis ay saka naman lalong nag-full blast ang sakla at STL bookies operation sa nabanggit na munisipalidad?

Sa kapanahunan din ni PBGen. Cruz – (ngayon ay PMajor General na) bilang R4A Director ay napaka-sugid ng mga elemento ng RSOU sa kampanya kontra-sugal at droga ngunit halatang bigla ang mga itong naging pangkal at nanlamig sa kanilang pagtatrabaho nang maluklok na sa pwesto si PBG Nartatetz Jr?

Para tuloy may napupuna tayong mali sa patakaran at liderato ni Gen. Nartatez Jr. pagkat kung kelan na nagdeklara itong “No Take Policy” ay saka naman panay at kuntodo kabig ng ilan nitong PDs, police chief at iba pa nitong opisyales sa mga vice operator?

Sang-ayon sa mga anti-crime at vice crusader at ating mga KASIKRETA puro lang dada ngunit kulang naman sa gawa si Gen. Nartaez Jr. at wala rin itong ipinagkaiba kay PNP Chief Rodolfo Azurin Jr?

Palibhasay malambot daw si PNP Chief Azurin Jr. kaya malambot din si Gen. Nartatez Jr. resulta nito ay lantaran din ang pasakla nina Estole at Aying sa halos lahat na 72 barangay ng Lipa City habang nganga lamang si Mayor Eric Africa at nganga din lamang dito si Police Chief LtCol. Ariel Azurin.

May katwirang punahin ng mga anti-crime at vice crusader si LtCol. Azurin na di nito pribilihiyo ang magtamad-tamaran at magpabaya sa kanyang sinumpaang tungkulin porke’t kamag-anak nito si PNP Chief Azurin Jr.

Kailangang panatilihin nito ang kaayusan at kapayapaan sa kanyang hurisdiksyon at maging modelo ito ng iba pang mga hepe ng kapulisan sa buong bansa bilang isang malapit na kamag-anakan nga ng PNP top honcho.

Hindi pa nga nasusulusyunan nitong si Azurin ang reklamo sa operasyon ng paihi, patulo o burikian ng isang Kap Dan sa Lipa City ay heto na naman ang problema ng mga mamayan nito sa perwisyong mga saklaan nina Estole at Aying?

Paano nga ba namang di mapepeste ang mga residente ng Lipa City kung sa gitna ng kanilang mahimbing na pagtulog ay gugulantangin sila ng sigawan ng mga drug addict na mananaya sa mga saklaan nina Estole at Aying na may permiso pa ng mga kapitan ng barangay para mag-operate.

Ganito rin ang sitwasyon sa inerereklamong mga saklaan sa mga Brgy. Sta Ana, Sta Clara, San Roque, San Rafael at iba pang barangay sa Sto. Tomas City, Batangas.

Pagkat isang Marasigan ang nagpapatakbo ng mga saklaan doon ay dedma lamang ito ni Mayor Marasigan at maging ng police Chief ng nasabing siyudad,

Kung gayon, ano bang pinaggagagawa ng intelligence chief at operative ni Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Pedro Soliba, kung ultimong operasyon lang ng saklaan sa mga nasabing bayan at siyudad gayundin ang walang humpay na inerereklamong drug con STL con jueteng operation sa Tanauan City ay di nga masupil?

Huwag sanang matulad si Col. Soliba kay Cavite PNP OIC PD P/Col. Christopher Olazo na mistulang kinekenkoy ng sakla operator na si Tagoy na dahil sakalam ay parang ligal ang pagpapasakla sa mga bayan nina Tanza Mayor Yuri Pacumio, Indang Mayor Perfecto Fidel at GMA Mayor Maricel Torres, pawang sa lalawigan ng Cavite.

Di na yata mawawala ang mga “sacred cow, spoiled brat” sa kanya-kanyang liderato ng PNP R4-A, ano say mo Gen. Nartatez Jr., sir?

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp# 09664066144

The post “SACRED COW AT SPOILED BRAT” SA HARAP NI GENERAL NARTATEZ JR! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“SACRED COW AT SPOILED BRAT” SA HARAP NI GENERAL NARTATEZ JR! “SACRED COW AT SPOILED BRAT” SA HARAP NI GENERAL NARTATEZ JR! Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 21, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.