Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na patuloy na palakasin ang pagbabakuna laban sa COVID-19 upang higit pang mapalobo ang ekonomiya lalo’t iniulat ng Philippine Statistics Authority ang kahanga-hangang 7.6% paglago ng gross domestic product (GDP) sa ikatlong quarter ng taong ito na lagpas sa pagtatantiya.
Sa isang pahayag, umaasa si Go na patuloy na lalago ang ekonomiya ng bansa sa kasalukuyang rate nito na naglalagay sa Pilipinas sa posisyon na ikalawa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Southeast Asia.
“We hope that we will sustain this remarkably fast acceleration of our economy, now the second fastest in Southeast Asia, especially as we recover from the pandemic,” sabi ni Go.
Gayunpaman, sinabi ni Go na ang economic performance ng bansa ay hindi isang “magdamag na himala” kaya umaasa siya na maipagpapatuloy pa itong mapalakas ng kasalukuyang administrasyon.
“I hope that we will continue to sustain the many gains achieved by the previous Duterte administration and the current Marcos administration as we march towards full and inclusive recovery soon,” ani Go.
Ang nasabing GDP rate ay mas mataas sa median estimate na 6.1% mula sa mga survey o pagtataya na isinagawa ng BusinessWorld at Bloomberg kasama ng mga ekonomista.
Mas mabilis din ito sa 7.5% growth na nairekord sa ikalawang quarter ng taon. Ang ekonomiya ay lumago ng 8.2% noong unang quarter.
Ang 7.6% na paglago ay pangunahing iniugnay sa sektor ng serbisyo.
Kabilang sa iba pang kontribyutor ang wholesale at retail trade, mga aktibidad sa pananalapi at insurance, at konstruksiyon.
Lahat ng pangunahing sektor ng ekonomiya, tulad ng agriculture, forestry at fishing at industriya ay nagposte ng positibong paglago.
Binanggit ang sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan na ang mataas na paglago ng GDP ay dulot ng mas niluwagang pagkilos ng mga tao at protocols sa paglalakbay, muling iginiit ni Go, bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ang pangangailangang higit pang paigtingin ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Ito ay upang ganap nang mabuksan ang marami pang mga sektor ng ekonomiya.
“Dapat bakunado para mas protektado! Kung mas maraming bakunado, mas ligtas ang mga tao at mas maraming hanapbuhay para sa mga Pilipino,” sabi ni Go.
Higit dito, hinimok niya na gawing prayoridad ng gobyerno ang pagtiyak na ang paglago ng ekonomiya ng bansa ay para sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino at walang magugutom o maiiwan tungo sa ganap na pagbangon ng bansa.
The post Sen. Go: Vax effort paigtingin para ekonomiya lumago pa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: