HALOS pitong buwan ng nagmamaneho ang tsuper ng Malacanan subalit ‘di malaman kung anong ruta ang takbuhin nito. Hindi nagmamaneho ng jeep, taxi o Grab, ngunit sa galing sa pagpapaikot higit sa mga sinasabi, pwedeng masabing mahusay na tsuper ang mama. Hindi kailangan ang waze o mapa kung saan ang punta basta’t sabihin kung saan ang tungo, tiyak ligaw kung saan.
Ngunit kapansin pansin na mas ibig ang pasada sa labas ng bansa sa halip na ruta sa kagalingan ng bayan o dahil ma-traffic sa bansa lalo sa kaMaynilaan. Sa pitong buwan na pamamasada marami ang viajeng ginawa sa labas ng bansa o tawag na opisyal-pasyal. Marami ang umiibig sa pamamasadang ginagawa ngunit hindi si Mang Juan at balana. Sa pinaka huling viaje ginawa, napuno ang sasakyan ng mga konduktor na magbibitbit ng salaping mula sa nakaw na yaman ng ama na nakalagak sa mga bangko sa bansang niliparan.
Ang kagandahan, ‘di alintana ang malaking gastusin sa krudo maging sa garaheng tinigilan, pagkain ng mga pahinante maging ang mga pasalubong. Tila kain bubog si Mang Juan sa pasadang ginawa, wala ng boundary pudpod pa ang lukbutan dahil sa gasolinang gamit at walang balik sa bayan ang pasadang naganap. Ano Mang Juan kaya pa?
Sa totoo lang, sa pitong buwan na pasada ni Boy Pektus hindi kumita ang operator o si Mang Juan at puro labas puhunan ang ginawa sa halip na maka boundary sa tsuper na mahusay sa paikot-ikot. Sa pasadang ginawa sa ibang bayan puro tulak sa puhunan si Mang Juan, dahil hanggang sa ngayon walang negosyong pumasok sa bansa. At puro pangako lang ang bitbit mula sa mga nakausap sa pagdating sa bansa, at hanggang doon lang. Sabi ng ilang kasamahang tsuper ‘di madiskarte sa pasahero si Boy Pektus dahil viajeng ubos gasolina ang alam.
Hindi marunong mamili ng o dumampot ng pasaherong may pambayad sakay. Sa dami ng balalay na nalilito sa mga mamumuhunan nababasa na ‘di dapat mag negosyo sa bansa sa dami ng dapat kausapin. Ang masakit, nagmamadali si Boy Pektus na makausap ang mga big boss ng mga financial institutions na pinaglagakan ng perang nanakaw ng amang diktador na minsang tumao sa Balite ng Malacanan. Tiyak na lumipas ang ilang buwan o panahon magbababa o ibaba ang makina ng sasakyan para makondisyon para sa susunod na viaje.
Sa pasada ni Boy Pektus sa unang mga buwan may mga bumababa at sumasakay, nariyan na bumaba ang Kalihim ng Pagbabalita. Hindi kinaya ang init ng viaje at napadaan sa lubak na dahilan ng pagtigil sa pamamasada. Sa pagbaba ng kalihim, marami ang nangapa sa rutang dadaanan dahil nagpahiwatig ang operator na kailangang magbago ruta sa ilang viaje na nagdulot ng pagpapalit ng konduktor.
Dahil nais ng operator ng maayos na pasada, nag pababa ito ng ilang konduktor na nakapaningil na ng bayad sa mga pasahero na nais sumakay ngunit hindi masabi kung magtutuloy sa patunguhan. At dahil nagkabukuhan sa bayad ng mga sumakay na ibig masama sa viaje, hayun pinaalis ang konduktor na si BicRod na unang katiwala ng paniningil sa mga pasaherong pumapara upang sumakay.
Sa pagbaba ni BicRod, dumami ang pagtigil ng viaje o pasada dahil sa mga detour na dinaanan at kailangang magbaba upang bumuti ang takbo ng sasakyan. Sa pagkakatuklas ng mga balakid sa pasada, tila nahirapan si Boy Pektus at kailangang harapin ang mga pagkukumpuni lalo sa pasada sa kagawarang pinamumunuan. Hindi naging maganda ang daloy ng pasada sa sasakyang pinamunuan at nasabing nagsarili kuno si Baste na isang batikang konduktor sa timpla ng kape at tila napakatamis. Dahil sumobra ang nailagay na asukal, hayun bumaba ang mama at sinilip na nagsasarili at may boundering hindi na naintriga. Balak singilin ang konduktor, ngunit batid ng tsuper ang ginawa at hinayaan na lang na bumaba at lumakad palayo. Ngunit naging mabigat ang pasada ng tsuper sa kagawaran dahil ‘di na lang asukal ang usapin, kasama na ang pagtaas presyo ng maraming bilihin higit ang sibuyas at ngayon pati ang itlog.
Sa viajeng ginagawa, tila kinailangan ng isang batikang konduktor sa viaje upang mabawasan ang detour na magpapagaan sa pamamasada ng tsuper. Hinugot ng tsuper ang batikang konduktor na maaasahan sa pag-aayos ng ruta sa pasada. Subalit sa dami ng kalat na kailangang asikasuhin dahil sa duming iniwan ng nakaraang punong konduktor, humahaba ang pag-aaral sa mga pasaherong nakapagbayad na. At kung makitang hindi kaaya-aya ang kalidad ng pasahero pinababa ito kahit nakabayad sa viajeng pupuntahan. Sayang ang bayad ng mga sumakay ngunit kailangang maglinis para sa mabilis na pasada para sa bayan.
Sa totoo lang hindi mabilang ang dami ng mga sakay na nakabayad na ‘di nabigyan ng ticket at kailangan alamin kung may kakayahan ito upang magpatuloy sa viajeng nais. Matagal pa ang viaje ngunit sandamukal na ang pinababa dahil sa hindi nito kaya ang mahabang pasada. At sa pagkakataong ito, tila naiinis ang ilan at pilit na sinasabing tapos na sila sa pagsalang sa pagsisiyasat at ticket na lang ang kailangan. Sa totoo pa rin, ang paglilinis ng mga dapat kasama sa viaje ang nagpapabagal sa pagsisilbi sa bayan. Maraming kailangan serbisyong dapat na naihatid subalit hindi tumatakbo ang sasakyan sa tamang tulin.
Maraming detour ang iniiwasan ng konduktor mekaniko ng pasada na nag-aayos ay tila kasing bilis ni Rod Runner sa bagal kung pagkukumpuni ang usapan. Iniisa-isa ang bawat pasahero ng matiyak na sa mahabang viaje, hindi kakatok ang makina ng sasakyan, At tulad ng tunay na mekaniko, hindi nakikinig dito ang tsuper at sige lang ang takbo. Sa susunod na lang ang pagkukumpuni kung masira ang sasakyan o napuno si Mang Juan sa galit dahil sa pasadang ‘di umaabot na serbisyo. Sa katunayan puno na si Mang Juan sa mahal ng mga bilihin na ‘di naman ito ang ipinangako ng tsuper na pinili. Ang pangakong pagbaba ng bilihing bigas na tunay na kabalintunaan sa kaganapan ang kayang palagpasin ngunit ang pagtaas ng iba pang bilihin maging ng pamasahe’y tila wala na sa lugar.
Tanggap na may dadaanang mga detour ngunit ang ipagpatuloy ang viaje ng wala sa wisyo’y kalabisan at kailangang kalusin. Oo’ nagpalit ng mga taong titimon sa pangangailangan ng bayan. Nais ni Mang Juan na mabago ang takbo ng buhay sa araw-araw lalo’t hindi sapat ang serbisyong umaabot sa bayan. Bigayan direksyon ang pasada ng ‘di mapariwara ang takbo ng kabuhayan. Umaasa na sa darating na araw, hindi lang ang kakalsadahan ang kinukumpuni higit ang tsuper at ang sasakyan na magdadala sa maunlad na kinabukasan ng bayan.
Ang tuunang ayusin ang pangangailangan ng bayan bago ayusin ang sarili. Boy Pektus nakamit na ang nais, ang ama’y nailagay na sa ibig ng tigilan, unti-unti naibabalik ang mga yaman na dapat sa bayan ngunit sa tingin ninyo’y inyong pag-aari. Baka nais ayusin ang serbisyo sa bayan ng hindi naganap ang kinakatakutan. Bawasan ang viaje sa labas ng ruta ng makita ang kailangan ng bayan. Sa ngayon, kinukumpuni ang Marcos Hi-way, kaliwa’t kanang detour para sa serbisyong bayan, may aasahan ba si Mang Juan na kaginhawahan?
Maraming Salamat po!!!
The post DETOUR NG MARCOS HI-WAY appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: