DAHIL sa pagpapalaya kay Gigi Reyes, ang dating makapangyarihang chief of staff ni JPE na tinawag na “ika-dalawampu’t limang senador,” walang matwid na hindi palayain si Leila de Lima, ang kinikilalang bilanggo ng budhi sa makabagong panahon. Hindi siya dapat manatili sa piitan dahil sa mga walang batayang sakdal laban sa kanya. Marapat na pabilisin ang proseso upang malaman kung totoong may kasalanan o wala sa batas at lipunan si Leila de Lima.
Marapat aprubahan ng Korte Suprema ang panukalang “Writ of Kalayaan” upang maalis ang pagmamalabis sa poder at palayain ang mga bilanggo na matagal na nagdurusa dahil sa kawalan at kakulangan ng pagdinig sa kani-kanilang mga asunto sa hukuman. Ipinanukala ni Senior Associate Justice Marvic Leonen ang Writ of Kalayaan. Sa isang hiwalay na concurring opinion, sinabi ni Leonen na kailangan ibigay ang Korte Suprema ang Writ of Kalayaan upang lumuwag ang labis na masikip na mga piitan dahil sa dumadaming bilang ng mga bilanggo na hindi sumailalim sa proseso ng batas.
Nananatili sa piitan ang maraming bilanggo dahil hindi nadidinig ang kani-kanilang asunto sa husgado. Malaking bilang sa kanila ang mahirap at walang pambayad sa mga manananggol na maaaring kumatawan sa kanila sa husgado. Malaking bilang ng mga bilanggo ang lumampas na ang pagkakabilanggo kung ihahambing sa panahon ng parusa ng mga kasalanan at krimen na ibinibintang sa kanila. Dahil wala silang kinatawan sa husgado, walang umaasikaso sa kanila.
Minsan inireklamo ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang ganitong sitwasyon ng mga bilanggo sa isang madamdaming diskurso sa harap ng mga manananggol na kasapi sa Manila Integrated Bar, isang organisasyon ng mga abogado sa siyudad ng Maynila. Pinulot ni Leonen ang ideya at ipinanukala niya ang Writ of Kalayaan bilang pagsunod sa karapatan ng mga akusado na sumailalim sa mabilis na pagdinig (right to speedy trial) sa ilalim ng Saligang Batas.
Remedyo ito ng husgado upang mapalaya ang maraming bilanggo na pinagkaitan ng karapatan sa mabilis na pagdinig sa kani-kanilang mga asunto. Itinuturing na karapatan pantao ang madinig ang mga reklamo laban sa kanila sa hukuman. Bahagi ito ng konsepto ng katarungan panlipunan (social justice).
Naging matingkad ang isyu ng Writ of Kalayaan dahil sa desisyon ng Korte Suprema na palayain noong nakaraang Martes si Gigi Reyes, ang dating chief of staff ni JPE. Nabilanggo siya ng mahigit siyam na taon dahil sa bintang na pandarambong kaugnay sa iskandalong P10 bilyon na PDAF. Ngunit bahagyang umusad ang sakdal laban sa kanya.
Nagpetisyon sa Korte Suprema ng habeas corpus ang kanyang manananggol na si Estelito Mendoza, ang kinikilalang abogado ng mga mayayaman at makapangyarihan. Kinilala ng kataas-taasang hukuman ang petisyon at pinalaya si Gigi Reyes. Gayunpaman, iniutos ng Korte Suprema ang patuloy na pagdinig sa asunto laban kay Reyes kahit pinalaya siya.
Kinilala ng batikang abogado na si Antonio La Vina ang paglaya ni Reyes. Maaaring magamit ang mga doktrina sa batas sa asunto ni Reyes sa sakdal laban kay Leila de Lima na nananatili sa piitan sa halos anim na taon kahit na umurong na ilang saksi sa kanilang mga naunang pahayag na nagdidiin kay de Lima sa salang drug trafficking.
Maari rin gamitin ng mga ibang bilanggo ang doktrina sa kasi ni Reyes, aniya. Sinabi ni La Viña na panahon na upang pagtibayin ng Korte Suprema ang panukala na Writ of Kalayaan upang lumuwag ang mga piitan sa buong bansa.
***
TOTOONG nakakagulat ang mungkahi ng isang lider negosyante na doblehin ang minimum wage sa bansa. Kung nais pabilisin ang economic recovery at pasiglahin ang kalakalan sa bansa, bakit hindi P1,000 ang pinakamababang sahod? Ito ang panukala ni Rene Romero, isa sa mga prominenteng negosyante na kabilang sa Pampanga Chamber of Commerce and Industry, ang ang pangunahing organisasyon ng mga mangangalakal sa Pampanga.
Nalaman ko ito noong dumalo ako noong Huwebes sa pulong balitaan ng Kapampangan in Media Inc. (KAMI) sa Clark Economic Zone in Angeles City. Binigyan ako ng print copy ng, PUNTO!, ang pahayagan sa Pampanga na mayroong nakakapukaw na headline: “2023: Transition to Full Discovery.”
Tinalakay ng headline story ang posibilidad ng pambansang ekonomiya na bumangon at lumakas mula sa pananaw ni Romero na siyang pangulo ng Romac Group of Companies. Sa kanyang tingin, malaking problema ang tumataas na halaga ng mga bilihin, o inflation, ang seguridad sa pagkain, at lumalalang pagdurusa ng paggawa.
“Walang mangyayari sa kasalukuyang minimum wage na P450 kada araw kung ang isang kilo ng sibuyas ay nagkakahalaga ng P600 hanggang P700, aniya. Kaya marapat na itaas at doblehin ang minimum wage, aniya.
Sinabi ni Romero sa pahayagan: “While there are some who expressed fears that businesses may close shop with such a daily wage rate, there are some who have proven resiliency not only to adapt but even excel even in increases in daily wages, even in times of disasters.”
***
MGA PILING SALITA: “The scales of justice have finally evened out upon the release from ‘vexatious restraint’ of Atty. Gigi Reyes, almost eight years after her principal, former Senate President Juan Ponce Enrile, was released from prison for ‘humanitarian reasons.'” – Edcel Lagman, mambabatas, lider oposisyon
“This nation can be raped again.” – Alan Robles, netizen, mamamahayag, kritiko
“Gago! Anong someone from your family had to enter politics ang pinagsasasabi mo? Halos buong pamilya mo ay nasa pulitika. Hirap kayong kalimutan na your corrupt family was kicked out of power. ” – Joel Cochico, netizen, kritiko
“Noong nakisakay lang si Kris Aquino sa presidential helicopter halos ipako na nila sa krus. Ngayong kasama si Dawn Zulueta at Irene Marcos sa Switzerland courtesy of taxpayers’ money, sabi ng pulangaws ok lang kasi mayaman naman sila? Double standards yarn?” – Mac Zamora, netizen, social critic
***
MUKHANG tapos na ang pamamayagpag ng Gonzaga sisters sa showbiz. Mukhang tapos na ang kanilang showbiz career. Hindi sila tinatanggap sa magkabilang panig. Hindi pinapasok ang kanilang pelikula o concert. Mukhang hindi na kikita kahit ano pa ang dala nila. Mukhang mabigat ang kanilang kapalaran sa showbiz.
Maigi na magpahinga muna ang magkapatid. Hanggang maaari, huwag na muna magpakita sa publiko. Kailangan nila huwag magpakita sa susunod na lima o anim na taon. Hayaan nilang humupa ang galit sa kanila ng mga mamamayan. Saka na lang sila muling namayagpag.
Ganyang talaga ang showbiz. Hindi nakakasiguro ang sinuman. Kung may iba silang kakayahan, bakit hindi na lang sila tumakbo sa puwesto? Kahit konsehala ng isang liblib na bayan o komunidad. Baka manalo sila.
The post ‘WRIT OF KALAYAAN’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: