Facebook

ABUSADO ANG ALTAI MINING

TULOY ang operasyon ng pagmimina ng isinusukang Altai Philippines Mining Corp. sa matulaing isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon. Kahit may order mula sa DENR na suspendido ng walang takdang panahon ang operasyon ng Altai Mining, hindi ito tumitigil sa pangunguha ng nickel ores sa Sibuyan. Napansin ito ng bumisitang Senador Risa Hontiveros sa isang post sa social media.

Pumunta kamakailan si Risa at kasama ang kanyang legislative staff sa Sibuyan upang tingnan ang sitwasyon doon. Ayon sa kanyang kampo, nakunan nila ng video ang pagmimina ng Altai Mining bilang ebidensiya, o patunay na tuloy na operasyon ng Altai Mining sa isla. Handa nilang iharap ang video kahit saang forum, kasama na ang imbestigasyon ng Senado.

Mukhang hindi pinakinggan ng Altai Mining ang DENR. Mukhang sa media ang suspensyon pero hindi sa tunay na buhay. Mukhang malakas ang Altai Mining sa mga nasa poder. Mukhang may kapit, sa maikli.

“I saw it myself,” ani Risa. “They’re conducting movements inside. Nakuhanan namin [sila] ng video,” aniya. “Ayon sa mga residente, ‘yong exploration nila (Alta Mining), ongoing pa rin,” dagdag Risa sa kanyang post.

Ayon sa aming kaututang dila sa isla (ako’y taga Odiongan), mukhang tinakot ang mga residente na mga pulis na tinawag mula sa PNP Provincial Command upang magmanman sa Sibuyan. Kahit suspendido, hinayaan ng mga pulis na ilabas ang trak trak na mga nickel ores na namina ng kontrobersyal na Altai Mining.

Dinala sa pansamantalang pantalan ng isla ang mga nickel ores at inilulan sa mga barko upang iluwas sa China. Pag-aari ng pamilya Gatchalian ang Altai Mining at ang subcontractor na Atlantic Dynamo na siyang bumubungkal at nagbaligtad sa mga lupain sa paanan ng Mt. Guiting Guiting sa Sibuyan.

Ipinabububuwag ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pantalan dahil walang itong permit. Ang PPA ang may kapangyarihan na subaybayan ang lahat ng daungan at pantalan sa buong bansa. Sinuspindi ng DENR ang operasyon ng Altai Mining dahil pinutol nito ang mga puno sa isla ng walang pahintulot.

Tumingkad ngayon ang pangangailangan na humingi ng remedyong legal mula sa husgado ang mga residente. Kailangan na magharap ang mga abogado ng mga residente ng petisyon sa Korte Suprema o Court of Appeals para sa madaliang pagpapalabas ng Writ of Kalikasan.

Isang remedyong legal ang Writ of Kalikasan upang itigil ang anumang proyekto, pampubliko o pribado, na maaaring magbigay ng masamang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan at kaligiran. Ayon sa Konstitusyon ng 1987, may karapatan ang bawat mamamayan na magkaroon ng malinis na kaligiran upang pangalagaan ang kalusugan.

Maaaring humingi ng Writ of Kalikasan sa pangamba na maaring masira ang kaligiran, partikular ang mga bukirin at ilog ng Sibuyan sa patuloy na operasyon ng Altai Mining. Kinilala ang Sibuyan sa magandang kaligiran kung saan mayroon “biodiversity” dahil sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman. Kung masira ang kaligiran, kinatatakutan ang baha, landslide, at pagguho ng lupa sa isla. “Katapusan na dahil wala kaming tatakbuhan,” sabi ng isang residente.
***
NATAWA kami sa palitan ng tweets ng ilang mamamayan sa social media. Mula sa isip-batang Senador JV Ejercito: “Soon we will not be able to see the famous Sunset at Manila Bay from Roxas Boulevard. Wala na rin wedding by the Sea sa Coconut Palace at Sofitel sa ngayon. Simple things we will miss…”

Sumagot si Paring Koy, ang netizen na pari: “Wow! Buti ka pa iyong mga grand weddings by the Sea sa Coconut Palace at Sofitel which are not simple by the way ang mamimiss mo. Sa ilan, kabuhayan, bahay at buhay ang namimiss nila.”

Hindi nagtagal isang nangangalang Galhad A. Pe Benito ang nagwika: “Whose lives got better with the Manila Bay reclamation? Definitely, not the hotel owners/operators (ask Sofitel), not the restos with a view, not the condo owners, not the tourists, not the squatters, not the residents, and definitely not the fishermen and ordinary people.”

Nakisali ang isang Venancio Borromeo (hindi ko alam kung totoong pangalan dahil uso ang pekeng pangalan sa social media): “Plus, the environmental damage sa mga community along the coast. Hindi pwedeng walang magaganap na displacement ng tubig dahil diyan.”

Sa post ni JV, naaalala kong bigla si Erap Estrada, ang dating pangulo na naging local official kinalaunan. Bilang alkalde ng Maynila, si Erap ang nag-apruba sa tatlong reclamation project sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng siyudad ng Maynila. Ito ang 148-ektarya Solar City ng City of Manila at Manila Gold Coast Holdings, isang kumpanya na pag-aari ng pamilya Tieng na may interes sa cable TV, satellite communications, at construction. Itatayo sa likod ng Manila Yacht Club malapit sa Cultural Center of the Philippines. Gagamit ito ng solar panel sa bawat gusali.

Katabi ng Solar City project ang ikalawang proyekto, ang 419-ektarya Horizon Manila project na itinatayo ng City of Manila at JBros, isang hindi kilalang kumpanya sa construction na kasama ang mangangalakal na si Ricky Razom bilang “silent partner.” Mayroon ang P60 bilyon ang halaga ng project na may tatlong isla na halos iisa ang sukat.

Nag-umpisa na itayo ang 318-ektarya Manila Waterfront reclamation project ni William Gatchalian, ang mangangalakal na ama ni Senador Sherwin Gatchalian. May halaga ang proyekto ng P100 bilyon at itatayo ito sa likod ng Quirino Grandstand. Anga pamilya Gatchalian ang may-ari ng isinusumpang Altai Mining na may ilegal na operasyon ng pagmimina sa isla ng Sibuyan.

Payag si Erap sa tatlong project, ngunit si Isko Moreno ang nagbigay ng go signal. Binigyan ang tatlong proyekto ng notice to proceed ng Philippine Reclamation Authority (PRA). Tuloy tuloy na ang tatlong reclamation project doon.

Teka, hindi totoo na apektado ang mga mangingisda. Ang mga mangingisda sa Manila Bay ay nasa gawi ng Las Pinas City, Cavite, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Wala ng mangingisda sa gawi ng Paranaque, Pasay City, at Maynila. Matagal na silang wala doon- mga 50 taon na. Bilang sagot kay Galahad Benito, paki-update mo ng data mo. Wala reclamation project sa gawi ng Las Pinas City dahil hindi natuloy. Ang reclamation project sa Navotas City ay halos tapos na at lumipat sa Bulacan at Pampanga ang mga mangingisda doon.

Kay Venancio Borromeo, kamangmangan ang sinabi mo. Nakita mo ba ang reclaimed area sa Cultural Center of the Philippines, gawi ng Experimental Cinema of the Philippines hanggang diyan sa Uniwide, Solaire, at kahabaan ng Macapagal Avenue?

Walang baha diyan kahit noong dumale ang bagyong Ondoy kasi maganda ang drainage system sa sinasabi kong lugar. Ang baha ay sa mismong Maynila dahil mababa iyan. Kahit wala pa ang mga reclamation project sa Manila Bay, bumabaha sa Maynila. Maski noong panahon pa ng mga Amerikano kung alam mo lang. Hindi ka updated sa kaalaman mo.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post ABUSADO ANG ALTAI MINING appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ABUSADO ANG ALTAI MINING ABUSADO ANG ALTAI MINING Reviewed by misfitgympal on Pebrero 20, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.