KAILANGANG pag-ukulan ng pangunahing pansin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang nagaganap na petroleum smuggling sa karagatan ng Palawan, Mindoro, Batangas at Manila Bay kasama ang Corregidor Island at mga kanugnog na isla papasok sa bansa, pagkat hindi lamang ito isang uri ng pananabotahe sa ating industriya kundi maglalagay din sa pagkawasak ng relasyong pangseguridad sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ang itinuturong utak sa halos ay magdadalawang taon nang big-time petroleum smuggling ay walang iba kundi ang Binondo Group na kinabibilangan ng karamihan ay mga fugitive Chinese National, ilang mga Tsinoy (Chinese-Flipino) at mga lokal na miyembro ng pulisya, militar at pulitiko.
Ang grupo ng petro-smuggler na pinangungunahan ng isang alias Mario Tan at ilang mga intsik na iligal na nakapasok sa bansa at kasalukuyang nagtatago sa Binondo District sa Maynila at mga pinoy na kinabibilangan ng isang alias Atty Cabral, Dondon, Ferdie at iba pa ang siyang may pakana sa nabunyag na tangkang pagpupuslit ng humigit-kumulang sa 847,000 litro ng smuggled na krudo na nagkakahalaga ng Php 50.8 M.
Kinukunsiderang katiting lamang ito, kumpara sa mga naipuslit na krudo, gasoline at gas gamit ang karagatan ng Palawan, Mindoro, Batangas at Corregidor Island sa looban ng may isang taon at walong buwan nang pamamayagpag ng operasyon ng naturang grupo.
Nasabat ng Naval Forces Southern Luzon ang may 11-man crew na M/T Braleman sa karagatan ng Brgy. Cabra sakop ng Lubang Island sa Occidental Mindoro papasok sa direksyon ng karagatan ng Batangas halos ay mag-iisang lingo pa lamang ang nakakaraan.
Pinaniniwalaang ipihahakot ng sindikato ang mga ipinupuslit na produktong petrolyo sa mga pantalan sa Batangas City at mga kanugnog na pier at ang iba pang malalaking kantidad ay iniimbak naman sa mga nakadaong na barges sa naturang lalawigan. Hinahakot din ito ng mga tanker truck ng sindikato patungo sa pinagbebentahang mga gasoline station, malalaking shipping companies sa kalakhang Luzon, Visayas at Mindanao.
Hindi kumpleto ang detalyeng nakalap ng SIKRETA mula sa mga awtoridad ng Philippine Navy lalo na sa mga opisyales ng BRP Lolinato To-Ong (PG 902), gayunman ay nais nating papurihan ang mga officer and men ng Philippine Navy sa isang di pangkaraniwang accomplishment na nagawa ng mga ito.
Sinabi ng ating port insider na noon pang March 2021 nag-umpisa ang labag sa batas na operasyon ng Binondo Group kayat umabot pa nga sa halos magdadalawang taon na bago pa nadiskubre ang operasyon ng sindikato, resulta ng pagkakasabat ng NFSL sa tanker vessel na M/T Braleman, isang local registered vessel na awtorisado lamang na maglulan ng molasses.
Ang pagkasabat sa nabanggit na tanker vessel ay mistulang tulad din sa pagkatuklas ng mga uod sa loob ng isang de lata, na pulido ang pagkagawa, pagkat walang kamalay-malay ang mga pangkaraniwang Juan at Maria na nasa bingit na pala ng posibleng pagkawasak ng relasyong-US at Pilipinas dahil lamang sa pagkaganid sa salapi ng iilan lamang, na karamihan pa naman ay mga Chinese National na iligal na naninirahan sa ating bansa.
Hindi binanggit ni Batangas Port Collector Atty. Rhea Gregorio, ang mga mahahalagang detalye tungkol sa M/T Braleman. Sa unang sulyap ay aakalin na isa itong foreign-registered vessel na ginagamit ng Binondo Group sa kanilang magdadalawang taon nang pagpupuslit ng petroleum product mula sa bansang Russia papasok sa ating kapuluan.
Ngunit sa malalim na pagsasaliksik ay natuklasan na isang Orient Registered tanker vessel ang M/T Braleman, isang barge type na barko na ang rehistradong may-ari noong taong 2020 ay ang Braleman Corporation na inaalam pa ng ating mga KASIKRETA ang espisipiko nitong address.
Kapag Orient Regsistered vessel, ibig sabihin ay may homeport ito sa Pilipinas at rehistrado sa alin man sa Manila, Cebu, Davao, Surigao o iba pang Puerto sa bansa. Noong 2020 ang M/T Braleman ay nakapagpa-rehistro sa Port of Surigao.
Hindi detalyado kung papaanong nakapaglulan ng smuggled na krudo mula sa Russia ang naturang tanker vessel gayong awtorisado lamang itong maglayag at magkarga ng molasses sa mga ilog tulad ng Pasig River sa Maynila at iba pang mga ilog sa bansa.
May klasipikado namang ulat na ang mga petroleum product ay ipinupuslit mula sa Russia patungo sa bansang China at doon ikinakarga ng “mother ship” o ng mga higanteng tanker vessel at sinasalubong naman ng mga lokal nating barges at tanker vessel na arkilado ng Binondo Group sa mismong kalawakan ng karagatan ng Palawan.
Sa mismong gitna ng karagatan o sa mga isla sa Palawan nagaganap ang pagsasalin ng imported na smuggled na krudo, gasoline at iba pang petroleum product mula sa “mother ship” sa mga sumasalubong na lokal na barges at tanker vessel.
Ilan lamang mga korap at buwayang port official tulad ng BOC, Philippine Port Authority (PPA), Philippine Coastguard (PCG), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang nakikinabang sa naturang aktibidad.
Ang pagkatuklas ng naturang aktibidad ay umpisa pa lamang ng maaring pagkakasiwalat kung gaano na kalawak ang operasyon ng Binondo Smuggling activities, kung ito lamang ay masusing patutukan ni PBBM kay Bureau of Customs Commissioner Bienvinido Rubio?
Kapag nakarating sa kaalaman ng pamahalaang Estados Unidos ang pagtangkilik ng Pilipinas sa produktong petrolyo ng Russia ay mawawalan ng saysay ang US- sponsored oil embargo laban sa Russia at maglalagay naman sa balag ng alanganin sa ating diplomatic ties sa Amerika na subok na nating kaalyado.
PINALABNAW NA KASO VS PETROLEUM SMUGGLERS
PARA sa mga beteranong Customs official ay kaduda-duda, mukhang sadyang pinahina ang kasong isinampa kung totoong naisampa na laban sa kapitan at mga tripulante ng M/T Braleman na nasabat na may lulang Php 50.8 na hinihinalang smuggled na diesel habang papasok sa karagatan ng Batangas Bay galing sa Palawan. Dapat din anila ay kasamang kasuhan ang operator at management ng shipping Company ng M/T Braleman.
Puna pa nila sa halip na Violation ng Sec. 102 ng Customs Modernization and Tarriff Act (CMTA) of 2006 ay ang mas mahinang kaso na paglabag sa Sec. 113 ng CMTA lamang ang nai-file ng Batangas BOC District laban sa mga sangkot sa pagpupuslit ng petro product ngunit di rin malinaw kung kasama sa kinasuhan ang rehistradong consignee o may ari ng naturang smuggled na produkto
May malalim na argumento dito ang mga beteranong custom examiners at appraisers, pero bayaan nating si Comm. Rubio ang magdesisyon ukol dito. Kung may usok, ibig sabihin ay may nagaganap na sunog, kaya’t dapat manghimasok na din dito si Pangulong BBM mismo! Abangan ang karugtong.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com, 09664066144.
The post SMUGGLING NG BINONDO GROUP, BANTA SA RELASYONG US-PILIPINAS! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: