MAY panukala itong magigiting nating senador na sina Sen. Bong Go, Francis Tolentino at Ronald “Bato” Dela Rosa na dagdagan ang mga benepisyo ng mga dati nating naging pangulo. Ito raw ay dahil mayroon pa rin naman silang ginagampanang papel o trabaho matapos makapaglingkod bilang pinuno ng ating bansa.
Kasama sa mga benepisyong ito ang pagbibigay sa mga dating pangulo ng karagdagang ‘personal security’, opisina at mga staff nito. Sabi ng ating mga mambabatas ang mga dating naging pangulo ay kung minsan ang nagrerepresenta sa ating bansa at pamahalaan. Kalimitan din ay hinihingan sila ng mga opinyon o payo sa mga mabibigat na isyung hinaharap ng bayan
Sa Senate Bill No. 1784 ng tatlong senador, inaatasan din ang Department of Budget and Management na isama sa General Appropriation Act kada taon ang pondo para sa mga dating presidente. Dahil nga naman sa mga papel na ginagampanan ng mga dating pangulo kapag natapos na niya ang kanyang termino.
Dumadalo din kasi ang mga ito sa mga pulong, mapa-rito sa bansa o ibang bayan, at nakikipagkita sa mga banyaga sa loob at labas ng Pilipinas. Kadalasan din silang naiimbitahan sa mga ‘public events’ at mga ‘social engagement. Kaya kailangan nga naman na mayroon silang mga alalay o mga taong aasahan na mag-asikaso nito. Siyempre kailangang pasuwelduhin din ang mga ito.
Di naman siguro kabigatan ang pondong kakailanganin sa batas na ito. Maganda nga naman na bigyan nating halaga ang mga nagawa ng ating mga naging pinuno at ang kanilang magagawa pa matapos maging pangulo ng bansa.
Saka, tingnan niyo na lamang, sa kasalukuyan, tatlo na lamang ang nananatiling buhay na naging presidente natin. Si dating Pangulong Joseph Estrada, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pawang malalakas pa ang mga ito, sa kabila ng kanilang mga edad. Gumaganap pa rin sila ng mga papel at bagay bilang mga taga-bigay ng serbisyo publiko. Tama lang na bigyan o tapatan pa natin ang kanilang paglilingkod.
Eh mano pa, kung ang batang-bata pang Pangulong Bong Bong Marcos ang makatapos sa kanyang termino bilang kasalukuyang presidente. Pihadong mahaba-mahaba pa ang kanyang patuloy na paglilingkod matapos ang kanyang pagka-presidente.
Ang sabi nga ni Sen. Go, di nangangahulugan na matapos ang termino ng nanilbihang presidente, eh natapos na din ang kanilang serbisyo at sakripisyong ginugol para sa taong bayan. Patuloy pa rin silang tumutulong sa pamahalaan at mamamayan. Ganun din ang panganib sa kanilang seguridad, nagpapatuloy din, kaya nararapat lamang na atin silang alalayan at suportahan.
The post KARAGDAGANG BENEPISYO SA MGA DATING PANGULO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: