Facebook

DEFENSE COOPERATION, KAILANGAN LABAN SA CHINA

KUNG brasuhan, kumbaga sa away pisikal, tanggapin natin ang totoo, kung tayo lamang mag-isa, para tayong langgam na titirisin ng China.

Kung ang US na isa sa pinakamalakas na militar sa mundo ay nahihirapan, at nag–atubili na totohanang komprontahin ang China, lalo na wala tayong kakayahang gawin iyon.

Kaya hindi totohanang masisisi si dating Presidente Rodrigo Duterte na baguhin ang taktika sa pakikitungo sa China.

Ito ang kaibiganin at pansamantala, lumayo muna sa US — na siyang mortal na kaaway ng China.

Pero sa huli, sa kabila ng ginawa ni Duterte, nagpatuloy ang pang-aapi, pagmamaliit ng China sa atin.

Kaibigan lang sa salita pero kilos kaaway sa gawa.

Kaya nga noong Setyembre 2020, kinondena ni Pres. Duterte ang China sa video speech niya sa UN General Assembly.

Binatikos niya ang China sa paglabag sa international law at ang hindi nito pagsunod sa desisyon ng UN arbitration panel na nagbabalewala sa pag-angkin ng China sa maluwang na karagatang tinatawag na South China Sea (SCS) o West Philippine Sea (WPS).

Wika ni Duterte, dapat mamayani sa usapin sa agawan sa WPS ay “pangingibabaw ng katwiran laban sa kalokohan, ng pag-iral ng batas laban sa kaguluhan, at ang pagkakasundo laban sa ambisyon” (the triumph of reason over rashness, of law over disorder, of amity over ambition).
***
Hindi lang tayo ang nabubuwisit sa pambabraso, pag-uugaling maton ng China.

Ilang ulit na pinasok ng Chinese Coast Guard ang karagatang sakop ng Indonesia, Setyembre 2020; at gayundin ang Malaysia ay sinabi na walang basihan ang claim o pag-angkin ng China sa ilang daang milya ng karagatan sa SCS.

Sabi ng Malaysia, walang basehan sa international law ang claim ng China.

Kahit ang Vietnam na isang komunistang bansa ay hindi pinatawad ng China sa panggugulo nito sa dagat.

Kaya nga, nakakaisip na rin ang Vietnam na makipagl-alyansa sa US na dati ay matindi nitong kaaway.

Nais, sa pahiwatig ng Vietnam na magkaroon na rin sila ng defense cooperation tulad ng ating Mutual Defense Treaty (MDT) at ng Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA).
***
Sa inuugali ng China — na patuloy na pambabardagol, pang-aapi at di pagrespeto sa ating karapatan sa WPS, tama lamang ang naging desisyon ngayon ni Presidente ‘Bongbong’ Marcos Jr. na palakasin ang EDCA at payagang na magdala ng armas de giyera at mamalagi ang mga sundalong US sa ating mga kampo militar.

Tutal wala rin namang nangyayari sa mahigit na 400 diplomatic protest natin laban sa karahasang ginagawa ng Chinese Coast Guard at mga Chinese fishing vessels sa mga bahura natin sa Spratleys.

Pinakahuli nga, itong pandadarag, paghahamon ng away ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast sa Ayungin Shoal na buong tapang na pinanindigan na ang bahurang ito — na mahigit lang sa 194 milya ang layo sa probinsiya ng Palawan.

Dati, bombang tubig ang ipinantataboy ng Chinese Coast Guard sa ating patrolya ng Navy at mangingisda, pero sa Ayungin Shoal, pambulag na military-grade laser ang itinutok sa ating sundalong marino.

Sobra na ito, grabe na hindi sapat ang diplomatic protest lamang, pagkondena sa UN at sa iba pang international court ang dapat nating gawin sa astang-maton na ito ng China.

Kailangan na natin ng collective effort sa mga bansang binabardagol ng China, tulad ng Taiwan na binabantaang sasakupin na nito.

Tulad sa isang mayabang na maton, hindi tumitigil ang China sa pag-angkin sa mga teritoryo sa karagatan ng Vietnam, Indonesia, Malaysia at sa ating sariling WPS, at patuloy pa rin ang agresibo nitong panghihimasok sa India, sa Himalayas at sa nagsasariling gobyerno ng Hong Kong.

Panahon na nga siguro na mas palakasin natin ang depensa militar sa tulong ng US, at pangunahan ng Pilipinas ang isang convention para makabuo ng isang malawak na defense cooperation sa Indonesia, Vietnam, Taiwan at Malaysia upang iparamdam sa China, munti man tayo sa paningin, makakaya nating makapuwing at magkaisa laban sa kanyang agresibong hakbang na sakupin na ang bahagi ng South East Asia.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post DEFENSE COOPERATION, KAILANGAN LABAN SA CHINA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DEFENSE COOPERATION, KAILANGAN LABAN SA CHINA DEFENSE COOPERATION, KAILANGAN LABAN SA CHINA Reviewed by misfitgympal on Pebrero 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.