Facebook

LALAYA SI LEILA

MANGYAYARI ang lubhang kinakatakutan ni Rodrigo Duterte at mga kasangkot sa madugo ngunit nabigo na giyera kontra droga. Ito ang napipintong paglaya ni Leila de Lima mula sa kulungan kung saan ipiniit siya ng anim na taon kahit walang matibay na ebidensiya. Hindi namin alam kung may paghahanda ang kampo ni Duterte. Ngunit nararamdaman namin na may paghahanda si Leila kay Duterte at mga kasapakat.

Sa aming tingin, nakakasa na ang paglaya ni Leila sa Marso. Nagsumite ang kanyang mga abogado sa RTC Muntinlupa City Branch 204 ng dismissal motion kontra sa sakdal laban sa kanya. Kung hindi ikaagad bigay ng korte ang kahilingan na ibasura ang asunto niya, humingi ang mga abogado na palayain pansamantala si Leila kapalit ang piyansa.

Hindi kumilos ang administrasyon ni Presidente Bongbong Marcos upang pigilin o tapatan ang mosyon ng mananagol ni Leila. Dahil walang sagot ang DoJ, walang dahilan ang korte na hindi palayain si Leila kahit sa pamamagitan ng piyansa. Tuluyang humina ang asunto laban kay Leila dahil sa pag-urong ng mga pangunahing saksi sa kanilang naunang bintang na sangkot si Leila sa mga transaksyon sa ipinababawal na gamot.

Lumalabas na gawa-gawa lang ng pangkat ni Duterte ang mga bintang kontra sa kanya. Ginamit ang ilang saksi tulad ng kontrobersyal na si Sandra Cam na nakulong dahil sa bintang na siya ang nagpakana ng ambus sa kalaban sa pulitika sa Masbate. Binawi ni Rafael Ragos, dating hepe ng NBI, ang kanyang pahayag na tumanggap si Leila ng salapi mula sa mga drug lord.

Binawi ni Kerwin Espinosa, isa sa mga kasangkot sa pagtutulak ng droga, ang kanyang naunang pahayag na sangkot si Leila sa pagtutulak ng droga sa pambansang bilibid ng Muntinlupa City. Itinanggi niya ang unang testimonya at nagsabing pinilit siya ng mga pulis na idiin si Leila. Tuluyang lumabnaw ang asunto laban kay Leila sa husgado.

Hindi namin alam kung ano ang gagawin ni Leila sa sandaling siya ay lumaya. Sa ganang amin, ang pinakamaganda niyang gawin ay magpalakas siya ng katawan at ayusin ang kanyang mga suliranin sa tahanan at bakuran. Sa sandaling maayos ang dapat ayusin, balikan niya si Duterte at singilin niya ang tila bangag na dating pangulo sa pagwasak ng kanyang buhay.

***

HINDI kailangan na pangunahan ni Leila de Lima ang oposisyon. Nandiyan sina Escel Lagman, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan sa oposisyon. Pinakamaganda na balikan niya ang kanyang praktis sa batas. Tulungan ang mga pamilya ng mga biktima sa extrajudicial killings (EJKs). Nasa dugo niya ang karapatang pantao. Marapat na tulungan niya ang mga pamilya ng biktima sa paghahanda ng mga kaso laban kay Duterte at kasama sa mga patayan kaugnay ng kanyang digmaan kontra droga.

Sa pagbubukas ng formal investigation ng International Criminal Court (ICC), maigi na bigyan ni Leila ng mukha at liderato ang mga pamilya ng EJKs. Hindi niya maaaring talikuran ang libo-libong pamilya ng EJKs sa bansa. Kailangan nila ng tulong lalo na sa larangan ng batas. Maraming buhay ang sinira ni Duterte sa kanyang giyera kontra droga.

Malaki ang papel na gagampanan ni Leila de Lima sa pag-usig kay Duterte at mga kasapakat sa mga biktima ng EJKs. Sa ganang amin, alam ni Leila ang gagawin kaya oras de peligro ito para kay Duterte. Umaasa kami na ihahanda ni Leila de Lima ang sarili sa isang malaki ngunit natatanging papel sa kaysayan ng bansa. Hindi siya nakulong ng anim na taon kung basta na lang tatabi sa isang sulok at hahayaan si Duterte na makaiwas sa pananagutan.

Iminumungkahi namin sa senadora na sumulat ng aklat tungkol sa kanyang karanasan sa kulungan at isiwalat ang lahat ng masamang ginawa ni Rodrigo Duterte upang tumagal siya ng anim na taon kahit walang malinaw na ebidensiya. Isa-isahin niya ang masamang ginawa nina Vitaliano Aguirre, Jose Calida, at mga drug lord na pawang nagdiin sa kanya. Tiyak papatok ang aklat sa publiko dahil ayaw natin na maulit ang bangungot ni Leila sa hinaharap.

***

HINDI lang minsan pinasinagan ng military grade laser ng Chinese Coast Guard ang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG). Ginawa ng mga Intsik ang nakabahalang paggamit ng nakakapinsalang laser kahit noong Hunyo at Septiyembre ng nakaraang taon sa West Philippine Sea (WPS). Kinumpirma ito ni Commodore Jay Tarriela noong Sabado sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Saturday News Forum. Si Tarriela ang spokesman ng PCG sa usapin ng WPS.

Hindi binanggit ni Tarriela kung saang bahagi ng WPS nangyari ang mga insidente. Hindi niya kinilala ang sasakyang dagat na pinasinagan ng mga Intsik. Sumabog ang insidente noong ika-8 ng Pebrero dahil ito ang lumabas sa media. Nagbago umano ang polisiya ng CCG ngayong taon at kinumpirma niya ang utos sa kanila na ilabas ang lahat ng galaw ng mga Intsik sa media.

Nagpahayag ng kasiyahan si Tarriela sa mga mungkahi na dagdagan ang taunang budget ng PCG na nasa P23 bilyon ngayong taon. Ngunit iniwan niya sa Kongreso ang atas sa ipasa ang batas tungkol sa Philippine Coast Guard Modernization Program. Ipinapanukala ng programa ang pagbili ng mga makabagong sasakyang dagat para sa PCG at pagpapaunlad ng kapabilidad ng PCG upang mapaunlad ang kakayahan na manmanan ang ating baybay dagat.

Hindi nagbigay si Tarriela na halaga na kailangan sa programa. Iniwanan niya sa Kongreso ang pagtantiya sa idadagdag na budget para sa programa. Sinabi niya na maaaring utangin ang halagang kailangan. Binanggit niya ang Japon na may programa na magbigay ng official development assistance (ODA) sa mga kaibigan na bansa.

***

MAY PAKSYON si Rodrigo Duterte sa Senado. Binubuo ito ni Robin Padilla, Bato dele Rosa, Bong Go, at Francis Tolentino. Hindi epektib ang paksyon na ito. Hindi sila sineseryoso dahil mahina ang kalibre kung ihahambing sa iba. Maingay lang ang paksyon na ito. Maraming sinasabi pero kung susuriin, mga totoong ampaw sila.

Basta ang usapin ay tungkol kay Duterte, nandiyan kaagad ang paksyon at maraming sinsabi kahit salat na salat sa lohika at datos. Sa ganang amin, sayang ang ipinapasahod sa kanila. Wala silang kagat o anghang, sa totoo lang. Mukha silang mga payaso sa sandaling binuksan ang kanilang mga bibig.

Kung magsalita si Robin sa mga usapin ng bayan, ang buong akala mo napakagaling niya. Tulad na lang ng usapin ng pagkamakabayan. Paano maniniwala sa kanya kung American citizen ang kanyang asawa at anak? Hindi niya kaya na ipakansela ang kanilang mga passport at hagkan ang Filipino citizenship. Ipokrito si Robin at totoong wala akong gana sa kanya.

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Kung babalik ang Filipinas sa Rome Statute, ano ang kapalit? Pauna ang pagbalik ng Filipinas sa GSP ng European Union. Ang malayang pagpasok ng mga kalakal ng bansa sa Europa. Halimbawa ang mga garments exports natin. Dati ang Europe ang pangunahing pamilihan pero nawala dahil sa EJKs at iba pang paglabag sa karapatang pantao ni Rodrigo Duterte. Hindi ba iyan ang gusto ni BBM? Ang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa. Hindi natin alam kung madaragdagan pa kung papayag tayo sa gusto ng EU na bumalik sa Rome Statute at pawiin ang daan sa formal investigation ng ICC sa crimes against humanity laban kay Duterte at kasapakat. QPQ ang labanan. Quid Pro Quo. Walang pakinabang ang bansa kay Duterte, sa totoo lang. Kaya puede isakripisyo si Duterte sa altar ng kaunlaran ng bansa.” – PL, netizen, kritiko

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post LALAYA SI LEILA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
LALAYA SI LEILA LALAYA SI LEILA Reviewed by misfitgympal on Pebrero 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.