Facebook

Katapatan at katapangan sa paghahayag sa katotohan ng Diyos

Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

Sa Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, o AND KNK, isa sa mga paksa na mababasa sa kaniyang Mga Batayang Aral ang patunay ng pagiging tunay na Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo sa isip, salita, gawa, at itsura.

Naniniwala ang mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, batay sa mga itinakda sa Bibliya ng tunay at nag-iisang Diyos na may tatlong anyong anyo—Ama, Anak, at Espiritu Santo—na nagbabago ang isip, salita, gawa, at itsura ng isang tao, matapos siyang maging Kadugo.

Ang mga pagbabagong ito sa isip, salita, gawa, at itsura ng isang nagiging Kadugo ang paksang kasalukuyang tinatalakay ng mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo sa kanilang AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session tuwing Sabado ng umaga.

Noong ika-18 ng Pebrero 2023, pagbabago pa din sa salita ang pinagtuunan ng pansin ng talakayan sa Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session, sa pamamagitan ng kasaysayan ng propetang si Elias at ni Obadias na nakasulat sa 1 Mga Hari 18:1-46.

Sa kasaysayang ito nina Elias at Obadias, ipinakikita ng Bibliya na ang isang tunay na mananampalataya ng Diyos ay matapang at makatotohanan sa kaniyang mga pagpapahayag tungkol sa Diyos, kahit pa ang kaniyang mga sinasabi ay maaaring magdala ng banta sa kaniyang buhay.

Ang aral sa buhay nina Elias at Obadias ay maliwanag: kung ang isang tao ay kusang loob na tumanggap ng tungkulin mula sa Diyos, kailangang tuparin niya ang tungkulin sa lahat ng sandali. Hindi maaaring sabihin ng tao na gaganap siya sa gawaing ibinigay sa kaniya ng Diyos pero babalewalain naman niya ito.

Kung may utos ang Diyos, at ipinangako ng tao na ito ay kaniyang susundin o gagawin, kailangang gawin niya ito agad. Huwag niyang ipagpapabukas ang pagtupad, o di kaya ay kalilimutan lamang niya ang pagsunod. Ayon sa Mangangaral 5:4-6, ayaw ng Diyos sa mga nangangako pero hindi tumutupad.

Sinasabi ng Mangangaral 5, pagkakasalang mabigat sa Diyos ang pagsasabing tutupad ang tao ng mga utos ng Diyos. Itinuturing ng Diyos na panloloko sa Kaniya kung ang isang tao ay nangakong gagawa ng Kaniyang iniutos pero hindi naman pala.

“Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon ay hindi ka Niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa,” ayon sa Mangangaral 5:6. Mas mabuting huwag mangangako ang tao na susunod siya sa Diyos, kasi kasalanang mabigat sa Diyos ang pagbibigay ng pangakong hindi naman tinutupad.

Ito ang maliwanag na dahilan kaya kahit na maaaring ikamatay ng Propetang Elias at Obadias ang pagtupad nila sa ipinag-uutos ng Diyos sa kaliya, ginampanan pa din nina Elias at Obadias ang utos sa kanila. Tunay nga, mas mamatamisin pa nina Elias at Obadias ang mapatay kaysa sila ay sumuway sa utos ng Diyos.

Sa 1 Mga Hari 18, isinalaysay doon na may utos ang Diyos kay Elias. Pinapupunta ng Diyos si Elias kay Haring Ahab upang sabihin dito na magpapadala na ang Diyos ng ulan. Pinatigil kasi ng Diyos ang ulan sa kaharian ni Ahab sa Israel dahil natuto itong sumamba sa diyus-diyosang si Baal, ang diyos ng kaniyang asawang si Jezebel.

Mabigat na kasalanan para sa Diyos ang pagsamba ni Haring Ahab sa diyus-diyosang si Baal. Kasi naman, si Ahab ay hari ng Israel, ang bayan ng Diyos. Ang Diyos ang nagtatag kay Ahab upang maging hari. Ang inaasahan ng Diyos, magiging tapat sa Kaniya si Ahab.

Ang problema, noong mapangasawa ni Ahab si Jezebel, lumihis sa kaniyang pananampalataya si Ahab. Si Jezebel ay pagano, at sumasamba ang kaniyang lipI sa mga diyus-diyosan na gaya ni Baal. Naturuan ni Jezebel si Ahab na iwanan ang Diyos, at si Baal na lamang ang kanyang sasambahin.

Dahil diyan, pinahinto ng Diyos ang pagpatak ng ulan sa kaharian ni Ahab. Nagkaroon ng tagtuyot doon ng tatlong taon. Nagutom ang mga tao, at pati na ang mga alagang hayop. Magkaganunman, bago nangyari ang paghinto ng ulan, pinapunta muna ng Diyos si Elias kay Ahab upang bigyan ito ng babala.

Ang babala ng Diyos na binanggit ni Elias kay Ahab ay ganito: hihinto ang ulan dahil nagkakasala ang hari at ang buong Israel sa kanilang pagsamba kay Baal, isang diyus-diyosan. Natural, nagalit si Ahab kay Elias. At itinuring ng hari mula noon na kaaway niya si Elias. “Manggugulo sa Israel” ang itinawag ni Ahab kay Elias.

At dahil nag-utos si Ahab na patayin si Elias, pinagtago ng Diyos si Elias sa Jordan, sa isang malinis na batisan. Inaalagaan ng Diyos si Elias sa batisan, sa pamamagitan ng pagpapadala ng pagkain sa mga uwak.

Magkaganunman, hindi nananatili ang galit ng Diyos sa lupain ni Ahab. Matapos ang tatlong taon na hindi umulan, inutusan ng Diyos si Elias na puntahang muli si Ahab, at sabihin dito na magpapadala na ulit ng ulan ang Diyos.

Noong magharap na si Ahab at si Elias, ipinakita ni Ahab ang kaniyang galit laban sa propeta. Sinabi ni Ahab, “Ikaw nga ba yan, ang nanggugulo sa Israel?” Sa halip na matakot, buong tapang na sumagot si Elias: “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama.”

Matindi ang sinabing ito ni Elias. Tiyak na lalong nag-apoy ang galit sa kaniya ng hari. Pero, nagpakatatag si Elias sa pagtupad sa utos ng Diyos sa kaniya. Inulit niya minsan pa kay Ahab na kaya galit ang Diyos sa hari at sa Israel ay sinusuway nila ang mga utos ng Diyos sa kanilang paglilingkod sa diyus-diyosang si Baal.

At hindi doon natapos ang ipinakitang tapang ni Elias. Hinamon din niya si Ahab at ang asawa nitong si Jezebel na pahintulutan ang pakikipag-tuos niya sa apat na raan at limampung (450) mga propeta ni Baal at sa apat na raan (400) na mga propeta ni Ashera, na isa pa ding diyus-diyusan sa bundok ng Carmel.

Layon ni Elias na ipakita sa mga tao kung sino talaga ang tunay na Diyos: ang Diyos ba ni Elias, si Yahweh, o si Baal at si Ashera na siyang kinikilalang diyos nina Ahab at Jezebel? Batay sa 1 Mga Hari 18:20-40, pinatunayan ni Elias na ang tunay na Diyos ay si Yahweh.

Ang kasaysayan ni Elias ay nagbibigay sa mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo ng ilang mahahalagang aral tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sa kagandahang-loob ng Diyos, ipinahintulot Niyang pagpalain ang mga Kadugong dumalo sa Kapihang Kadugo noong Sabado ng mga aral na ito.

Una, maliwanag sa kasaysayan ni Elias na wala ng ibang Diyos maliban sa Diyos na may lalang ng langit at lupa, ang Diyos na si Yahweh. Si Yahweh ang Diyos na nagpapadala, o nagpapatigil ng ulan. Si Yahweh ang Diyos na may kapangyarihan sa mga nagaganap sa lahat ng dako, sa langit at sa lupa.

Ayon nga sa Hagai 1, ang Diyos na si Yahweh ang nagpapadala ng hamog sa mga lupain, at ulan sa mga pananim upang lumago ang mga ito. Pero, ang Diyos din ang nagpapadala ng tagtuyot sa mga kabukiran, sa mga kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak, sa lahat ng tao at hayop.

Dahil diyan, ang Diyos lamang ang dapat pinaglilingkuran ng mga tao ng buong katapatan. Hindi pupuwedeng maglingkod sa Diyos ang tao na sumasamba naman sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga diyos na inukit sa mga kahoy, sa mga rebultong bakal, o simento. Galit ang Diyos sa mga tao na sumasamba sa diyus-diyosan.

Ipinakita ng kasaysayan ni Elias, sa 1 Mga Hari 18:5-6, na nagpapadala ang Diyos ng matinding parusa sa mga tao na ayaw ng sumamba, o tumalikod na, sa Kaniya. Ipinagkakait Niya ang ulan, pinahihintulutan Niya ang tagtuyot, sa kanilang lupain. Hinahayaan Niya na magutom ang mga tao at hayop. Pinahihintulutan Niya ang hirap, gulo, at kabiguan sa mga tao na tumalikod sa Kaniya.

Samantala, matindi din ang ikalawang aral na ipinakita ng Diyos sa mga Kadugong dumalo sa Kapihang Kadugo noong ika-28 ng Pebrero 2023. Sa kasaysayan nina Elias at Obadias, nakatala doon na nais ng Diyos na maging tapat at matapang ang Kaniyang mga pinili at isinugo sa pagtupad sa mga gawaing ipinagkatiwala Niya sa kanila.

Sa 1 Mga Hari 18:15, ipinakita ni Elias na bagamat alam niyang nagliliyab na parang apoy ang galit ni Haring Ahab sa kaniya, hindi siya natakot o nagbantulot sa pagtupad sa utos ng Diyos, na sabihan niya si Ahab na paparating na ang ulan. Sinubukan ni Obadias na pigilan si Elias na humarap kay Ahab, pero hindi nagpapigil ang propeta.

Sinabi ni Elias sa bersikulong ito: “… Ngunit sinabi sa kanya (kay Obadias) ni Elias: `Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, haharap ako kay Ahab sa araw na ito…” At humarap nga si Elias kay Ahab. Sa kanilang paghaharap, ipinakita agad ni Ahab ang galit niya kay Elias.

Ayon sa 1 Mga Hari 18:17, sinabi ni Ahab kay Elias “…Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, `Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?’…” Pero, hindi natakot si Elias. Buong tapang niyang sinagot si Ahab na siya, si Ahab, at ang lahi ng kaniyang ama, ang nanggugulo sa Israel.

Ganito ang buong tapang na pahayag ni Elias kay Ahab sa 1 Mga Hari 18:18: “… `Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo’y ang mga imahen ni Baal…”

Ang tanong dito, bakit kaya ganoon na lamang ang tapang ni Elias? Kasi, alam niyang sumusunod lamang siya sa mga utos ng Diyos. Alam niyang hindi siya, si Elias mismo, ang nagpapahayag kay Ahab kundi ang Diyos. Alam ni Elias na gumaganap lamang siya sa tungkuling tinangggap niya mula sa Diyos, ang tungkuling punahin ang kasalanan ng hari at ng buong bayan.

At ganoon din ang ipinakitang tapang ng propetang si Obadias, na noon ay naglilingkod sa hari. Sa dalawang pagkakataon, gumanap si Obadias ng buong tapang sa mga tungkuling ibinigay ng Diyos sa kaniya. Una dito ay ang kaniyang ginawa na nakasulat sa 1 Mga Hari 18:3-4, at 13.

Iniligtas niya ang isandaang mga propeta ni Yahweh noong pinapatay lahat nina Ahab at Jezebel ang mga propetang tapat sa Diyos. Dinala ni Obadias ang mga propeta ng Diyos sa isang kuweba at doon ay kanya silang kinalinga, pinainom, at pinakain.

Sa 1 Mga Hari 18: 16, ipinahayag nga ni Obadias ang lahat ng pinasasabi ni Elias kay Haring Ahab, bagamat alam niya, ni Obadias, na siya ay maaaring mapatay, gaya ng kaniyang inihayag sa 1 Mga Hari 18:8-12. Pero, dahil tumupad lamang siya sa utos ng Diyos at ni Elias, hindi pinahintulutan ng Diyos na mapahamak si Obadias.

Sa mga pangyayaring ito, inihahayag ng Bibliya sa mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo ang mga katangiang nais makita ng Diyos sa bawat isa sa kanila. Nais ng Diyos na maging tapat ang mga Kadugo sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ipinagkatiwala Niya sa kanila.

Nais ng Diyos na gampanan ng mga Kadugo ng buong husay ang mga tungkuling ito—ang paghahayo at paghahayag ng Kaniyang katotohanan, at pagiging instrumento ng Kaniyang tatlong antas ng kaligtasan. Ang mahusay na pagganap sa mga tungkuling ito ay araw-araw na ipinangangako ng mga Kadugo sa kanilang Pahayag ng Pananampalataya.

Ganundin, nais ng Diyos na buong tapang nating ipakita sa lahat, pati na sa ating mga mahal sa buhay na hindi pa mga Kadugo, ang ating pagganap sa ating mga tungkulin bilang mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo. Panahon na upang ipaliwanag natin sa kanila kung bakit umalis tayo sa ating mga dating simbahan, at sumama sa AND KNK.

Panahon na upang ipahayag natin sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kamag-anak, mga kaibigan, at mga kakilala, ang kabutihang ipinakita ng Diyos sa atin matapos tayo ay maging mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo.

Panahon na upang ihayag natin sa lahat kung ano ang ating pinapanampalatayaan bilang mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo. Panahon na upang ihayag natin sa lahat kung bakit natin sinasabing si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

***

REAKSIYON? Email batasmauricio@yahoo.com. Cellphone 0947 553 4855

The post Katapatan at katapangan sa paghahayag sa katotohan ng Diyos appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Katapatan at katapangan sa paghahayag sa katotohan ng Diyos Katapatan at katapangan sa paghahayag sa katotohan ng Diyos Reviewed by misfitgympal on Pebrero 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.