Facebook

Kabado sila sa ICC

MAIHAHAMBING sa mga dagang nasukol o pusang naihi ang mga pangunahing karakter sa bigo ngunit madugong giyera kontra droga nang ihayag ng International Criminal Court (ICC) na tuloy na tuloy ang formal investigation sa mga sakdal na inihain sa kanila. Dahil sobrang kabado at hindi alam kung ano ang gagawin o sasabihin, buhol-buhol ang mga statement ng mga akusado at sumasalamin ang mga ito na hindi malinaw ang takbo ng kanilang pag-iisip. Nasasakdal sa crimes against humanity si Rodrigo Duterte at mga kasapakat. Aabot sa 63 ang lahat ng sangkot sa usapin na sinisiyasat ng ICC.

Mistulang asong ulol si Juan Ponce Enrile na nagbantang ipapaaresto ang mga taga-ICC na pupunta sa bansa upang mag-imbestiga. Walang jurisdiction ang ICC sa Filipinas, ang pasaring ni BBM. Ito’y dahil tumiwalag noong 2019 ang Filipinas sa ICC. Nakisawsaw si Bato dela Rosa at Bong Go sa pagkontra sa ICC. Utusan ang dalawang senador ni Duterte at pawang kinakabahan dahil kasama sila sa listahan ng 63 katao na sinisiyasat ng ICC.

Pinagtawanan si JPE at BBM dahil noong sila ay mga senador, niratipika nila ang Rome Statute, ang tratado ng may 120 bansa na bumubuo sa ICC bilang kasangkapan ng buong mundo kontra pang-aabuso sa poder ng mga lider. Nilagdaan nila ang ratipikasyon ng tratado noong ika-30 ng Agosto, 2011. Mukhang nag-uulyanin si JPE. Hindi natandaan na isa siya sa mga mambabatas na nagpatibay sa tratado. Sadyang kinalimutan ang kanyang pinirmahan.

Hindi tayo pinilit na lumagda at Rome Statute at sumama sa ICC. Kusang loob na sumama tayo sapagkat nanindigan ang ating bansa na lunas ang ICC sa pang-aabuso sa poder ng sinuman na tumatayong lider. May poder ang Senado sa ilalim ng Saligang Batas na magratipika o magpatibay sa mga tratado at anumang kasunduan na pinasok ng Filipinas. Hindi ipapatupad ang isang tratado o kasunduan kung wala ang ratipikasyon ng Senado.

Tumiwalag ang Filipinas noong ika-17 ng Marso, 2018 nang nagsumite ng notice of withdrawal. Tanging si Duterte ang nagdesisyon dito at hindi kumunsulta ang Senado na nagratipika sa tratado. Nangyari ang pagtiwalag ng pagtibayin ng ICC noong 2018 ang preliminary probe kay Duterte at mga kasapakat. Batay sa probisyon ng Rome Statute, nagkabisa ang pagtiwalag noong 2019 o isang taon pagkatapos nagsumite ng notice of withdrawal.

Inakala ni Duterte na sapat ang pagtiwalag upang tapusin ang responsibilidad ng Filipinas sa Rome Statute. Nagkamali si Duterte at biktima siya ng maling payo ng mga nagdudunung-dunungan na alalay sa international law. Hindi natapos ng pagtiwalag ang pananagutan ng Filipinas sa Rome Statute. Sa ilalim ng Rome Statute, sakop ng imbestigasyon ng ICC ang malawakang patayan, or extrajudicial killings (EJKs) na nangyari sa bansa mula 2011 hanggang 2018. Kahit tumiwalag na Filipinas, hindi natatapos ang mga pananagutan ng bansa ilalim ng tratado. Obligado pa rin na tumulong ang Filipinas.

Katawa-tawa si JPE sa kanyang pahayag na kung siya ang masusunod, inaresto niya ang mga taga-ICC. Hindi niya batid na sa kalakaran ng international law at maging customary law (mga kaugalian), may diplomatic immunity ang mga opisyal at tauhan ng ICC at ibang international organization tulad ng United Nations sa pagganap ng kanilang opisyal na tungkulin. Mukhang nagpapasikat si JPE sa bagong laya na si Gigi Reyes, ang dating chief of staff. May mga mungkahi na huwag bigyan ng visa ang mga darating na opisyal ng ICC, ngunit lalabas na may pinagtatakpan ang Filipinas.

***

HINDI nagbabala ang gobyerno ni Rodrigo Duterte noong 2018 nang umusad ang sakdal na crimes against humanity sa ICC. Tanging sinabi ng kanyang tagapayo na hindi papasukin ng bansa ang mga opisyal at tauhan ng ICC na pagsisiyasat. Kaya nakagugulat ang banta ni JPE na ipaaresto ang mga taga-ICC. Hindi malimutan ang kanyang unang papel bilang administrador ng gobyerno na nasa ilalim ng batas militar noong panahon ni diktador Ferdinand Marcos Sr. Pasista si JPE at iyon pa rin ang takbo ng isip niya.

Walang basehan sa batas ang basta arestuhin ang mga taga-ICC, ayong sa mga eksperto sa international law. Bagaman maaaring igiit ng Filipinas ang kanyang soberenya, o kalayaan bilang isang nagsasariling bansa, isinasaad ng kanyang batas na maaaring hindi papasukin ang dayuhan sa bansa kapag idineklara siyang “undesirable alien.” Ito ay kung mapatunayan na ang dayuhan ay sexual offender, gumagawa ng mga kontra sa pambansang seguridad, subersibo, anarkista, o walang galang sa bansa.

Hindi basta ipinatapon sa labas ng bansa ang dumating na dayuhan kung ginagawa ang opisyal na tungkulin bilang kinatawan o tauhan ng ICC at iba pang international organization. Lalabas na katawa-tawa ang Filipinas sa international community kung basta hindi papasukin o aarestuhin ang mga imbestigador ng ICC. Lumalabas na may katotohanan ang bintang na crimes against humanity kay Duterte at iba pang nagsilbing arkitekto at tagapagpatupad ng madugo ngunit nabigong digmaan kontra droga ng administrasyong Duterte.

***

IBIGAY natin ang ang kredito kay Sonny Trillanes, Gary Alejano at ang Samahang Magdalo sa pagpanday ng sakdal na crimes against humanity laban kay Duterte at mga kapanalig. Dahil kay Trillanes, Alejano, at Magdalo, naihain ang sakdal laban sa kanila at nakalusot si Duterte sa pananagutan sa batas. Pinag-aralan noong 2016 nina Trillanes ang sakdal na maaaring isampa kay Duterte at mga kasapakat at sumangguni sa mga magagaling na abogado.

Inihain sa ICC ang sakdal na crimes against humanity laban kay Duterte noong ika-23 ng Abril, 2017. Bagaman kumbinsido ang mga lider oposisyon na walang matwid sa madugong war on drugs si Duterte, hindi sila nagbigay ng ganap na suporta kay Trillanes at Alejano. Naiwan mag-isa ang dalawang mambabatas. Dahil kakukulong lang ni Leila de Lima sa gawa-gawang bintang sa kanya, mukhang kinabog ang kanyang mga kasama sa oposisyon. Dumistansya ang kanyang mga kasama. Kahit si Bise Presidente Leni Robredo ay hindi tumulong.

Nilibak ng ilang senador ang sakdal ni Trillanes at Alejano. Tinawag itong “walang saysay” ng pipitsuging anak ni Nene Pimentel na si Koko. “Mapupunta iyan sa basurahan ng kasaysaysan,” ani Ping Lacson. “Suntok iyan sa buwan,” ayon sa isip-batang JV Ejercito. Hindi pinanghinaan ng loob si Trillanes at sampu ng kanyang kasama sa Samahang Magdalo. Sa huli, sumulong ang sakdal hanggang umabot sa deklarasyon ng ICC na tuloy na tuloy ang formal investigation. Sumama ang ilang grupong nagtataguyod sa karapatang pantao kaya umusad ang sakdal.

May katwiran na kabahan si Duterte at ang mga gangster na kasama niya sa sakdal. Ito ang estado na may poder ang ICC na mag-isyu ng arrest warrant. Sa maikli, maaaring dakpin si Duterte at kasama at dalhin sa The Hague upang makulong. Kasama ang poder sa itinatakda ng Rome Statute. Hindi ito naiintihan ni Bato kaya nagtatapan-tapangan. Hindi ito naunawaan ni Bong Go kaya kung ano-ano ang sinasabi. Naiintindihan ito ni JPE kaya ginagawa niya ang imposible upang pagtakpan si Duterte

***

MGA PILING SALITA: “Ipinipilit ninyong walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas. Kung wala di wala. Wala pala bakit kayo ngawngaw ng ngawngaw??” – Eden Aguas, netizen, kritiko

“Ang daming pangarap ni BBM para sa bayan. Oi, paano ka mangangarap kung ang pagiging DA di mo magampanan ng maayos. Nabubulok ang kamatis, sana ipukol na lang sayo para tumino ka!” – Betty O’hara, netizen, kritiko

“Narinig ko sa radyo na may dalawang milyon katao sa iba’t ibang rehiyon sa PH ang hanggang ngayon ay lubog sa baha ang kanilang lugar. Bakit tila hindi kasama ito sa agenda ni PBBM? Sana, tingnan ng DPWH at DENR.” – Ellen Sicat, netizen, kritiko

The post Kabado sila sa ICC appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kabado sila sa ICC Kabado sila sa ICC Reviewed by misfitgympal on Pebrero 02, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.