Facebook

MAY DESTAB BA SA GOBYERNO NI BBM?

HINDI kami mahilig sa mga teoryang sabwatan, o conspiracy theory. Ngunit hindi namin maiwasan mag-isip ng ganyan. May mga nangyari sa mga nagdaang araw na hindi tugma sa lohika. Kapag tiningnan mabuti, mukhang may tali na hindi nakikita ngunit nagpapagalaw sa mga ilang karakter upang ilugmok ang bansa at ang pamunuan ni BBM.

Hindi aaminin ng kampo ni BBM at kampo ni Rodrigo Duterte na kaunting laro sa pagitan nilang dalawa. Walang aaminin sa kanila na may iringan na maaaring bumulaga bilang isang malaking hidwaan sa mga susunod na araw. Gantihan ang kanilang laro sa pulitika. Sagutan lang, sa maikli.

May destabilization campaign ba sa kasalukuyan? May gusto bang patunayan ang magkabilang panig – ang gobyerno ni BBM kontra sa pangkat ni Rodrigo Duterte?

Kamakailan, pinayagan ng gobyerno ni BBM na bumisita ang pangkat ng European Parliament na binubuo ito ng mga piling kasapi – ang subcommittee on human rights. Nagngangawa ang mga kasapakat ni Duterte sa Kongreso. Naghain ng magkakahiwalay na resolusyon sa Kamara de Representante at Senado ang kanyang kakampi. Pinagtawanan sila dahil hindi nakakuha ng suporta sa publiko at kapuwa mambabatas.

Hindi kumampi ang mas malaking paksyon ni BBM sa Kongreso. Tanging si GMA, pangunahing may-akda, at 18 kongresista ang lumagda sa resolusyon na nagtatanggol kay Duterte sa kanyang madugo ngunit nabigong digmaan sa droga. Hindi kinagat ang resolusyon sa nakararaming kasapi ng Kamara. Kasama sa kanila ang liderato na pinangungunahan ni Speaker Martin Romualdez at Deputy Speaker Sandro Marcos, pinsan at anak ni BBM sa kanilang pagkakasunod-sunod.

Hindi nagklik ang kaparehong resoluyon na inihain ni Robin Padilla sa Senado. Tanging si Francis Tolentino, Bato dela Rosa, at Bong Go, mga matalik na kasapakat ni Duterte ang sumuporta sa resolusyon. Naghain si Jinggoy Estrada na hiwalay na resolusyon na hindi binanggit ang pangalan ni Duterte kahit mayroon banat sa International Criminal Court (ICC). Akala ni Jinggoy, ito ay makakalusot. Hindi rin ito sinusuportahan sa Senado. Nakatingin sa ibang direksyon si Migz Zubiri.

Tangkang ipahiya ng ilang makikitid ang pag-iisip na mambabatas natin ang mga mambabatas mula sa Europa. Ngunit dahil kapos sa Ingles at mas marunong sa tulad ni Bato ang mga mambabatas mula sa European Parliament, lumabas na nakakatawa sila. Namatay ang mga resolusyon na kagyat na ibinasura.

Alam ng mga mambabatas ng European Parliament ang kanilang laro sa mundo ng pulitika. Dahil sila ang may poder na kilalanin ang mga bansa ng bibigyan ng kanilang Generalized System of Preference (GSP), nagparinig sila ng paghahanda na muling isama ang Filipinas sa GSP ng European Union. Isang malaking pamilihan ang European Union ng mga export product ng Filipinas. Binubuo ito ng mahigit 20 bansa sa Europa.

Dating kasama ang Filipinas sa GSP ng European Union. Nilakad ito ng pamahalaan ni PNoy at isa ito sa dahilan ng paglago ng garments export ng Filipinas sa Europa. Nawalan ang GSP natin nang naupo si Duterte sa Malakanyang noong 2016. Hindi sang-ayon ang European Union sa malawakang patayan, o extrajudicial killings (EJKs) sa ngalan ng giyera kontra droga. Tinangkang buhayin ngunit patuloy na tumanggi ang European Union sa anuman pag-uusap sa gobyerno ni Duterte. Minabuti nila na hintayin ang pagbaba ni Duterte sa poder.

May parinig ang mga mambabatas na mas higit na biyaya ang makukuha ng ating bansa kung babalik ang Filipinas bilang kasapi ng Rome Statute. Hindi binanggit ngunit mukhang nasa larangan iyo ng ekonomiya. Hindi malayo ang muling pagsigla ng kalakalan sa pagitan ng Filipinas at European Union. Hindi ito naiintindihan ni Duterte dahil wala siyang alam kundi , ngunit musika ito sa tenga ni BBM.

Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang binibigyan ng daan ng gobyerno ni BBM ang formal investigation ng ICC kay Duterte at mga kasapakat kasama sina Bato, Bong Go, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, at mga pulis na nakabase sa Davao City. Aabot sa 63 ang bilang ng mga kasama sa sakdal na crimes against humanity sa ICC.

Mukhang hindi tututol ang gobyerno ni BBM sa pagdating ng mga imbestigador ng ICC sa Filipinas. Ngayon, nabalitaan namin na may itinatatag na crisis committee ang pamahalaang BBM? Crisis committee para sa saan? Anong krisis ito? Tulad ng nasabi ko sa isang post, walang pakinabang ang bansa kay Duterte. Maaari siyang isakripisyo sa altar ng kaunlaran ng bansa.

***

Hindi mapipigil ang paglaya ni Leila de Lima mula sa anin ng taon na pagkabilanggo dahil sa walang batayan na sakdal na inumpisahan ng gobyerno ni Duterte. Magsisilbing alas na baraha si Leila kontra sa mga destabilization campaign ni Duterte sa bansa. Hindi siya titigilan ni Leila upang mapanagot si Duterte sa mga krimen na ginawa. Kriminal si Duterte at alam iyan ng buong mundo, sa totoo lang.

Hindi kami magtataka kung tumayong abogado si Leila ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK. Marami sa kanila ang walang lakas at tinig sa pagkitil sa buhay ng kanilang mahal sa buhay. Kailangan nila ng tagapagtanggol ng kanilang karapatan sa ilalim ng batas. Hindi tatalikod si Leila sa tawag ng tungkulin habang muli niyang binubuo ang buhay na sinira ni Duterte.

Hindi nakakapagtaka kung tumulong siya sa kanila sa formal investigation ng ICC kay Duterte at mga kasapakat. May pangalan si Leila sa komunidad ng nagtatanggol sa karapatang pantao. Dati siyang hepe ng Commission on Human Rights (CHR) at dating siyang senadora na ikinulong ni Duterte dahil tumayo siya kontra sa mga EJKs.

***

MGA PILING SALITA: “Biglang nabuhay muli ang apoy ng EDSA. Akala ko kusang namatay nang makabalik ang mga Marcos.” – Manny Mogato, netizen, critic, mamamahayag, Pulitzer Prize Awardee

“On the 37th anniversary of EDSA, we welcome Pres. Marcos Jr’s offer of reconciliation but there must first be an admission of the inordinate atrocities and rampant human rights violations during the dark age of martial law. Truth and atonement are preconditions to reconciliation.” – Edcel Lagman, netizen, opposition leader, lawmaker

“Si Boy Sili ay alipin at utusan ni Gongdi.” – Joel Cochico, netizen, critic, advocate

“Nakakatawa si Robin. Ang mga netizen, walang matandaan sa kanya. Hindi pinag-uusapan ang kanyang pelikula o anuman na nagawa sa buhay. Sa sukat ng pagkalalaki niya nakasentro ang kanilang atensyon. Puede siyang endorser ng mga ads sa penis enlargement. Sinukatan siya ngunit kulang.” – PL, netizen

The post MAY DESTAB BA SA GOBYERNO NI BBM? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MAY DESTAB BA SA GOBYERNO NI BBM? MAY DESTAB BA SA GOBYERNO NI BBM? Reviewed by misfitgympal on Pebrero 26, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.