Facebook

NAGMAHALAN HINDI NAGMURAHAN

MAHIRAP ang mamuhay ngayon sa bansa lalo’t ‘di pinipigilan ang paglobo ng presyo ng anumang bayarin mula sa kinukunsumong kuryente, tubig at bilihing pansubo sa araw-araw. Mabigat ang laban sa buhay higit ng mga nasa laylayan sa liit ng sahod na ‘di magkasya ang tangang pera sa gastusin ng pamilya. Nakasimangot si Aling Marya sa araw-araw sa liit ng inaabot na sahod ng asawa na parang butas na lukbutan na hindi nagtatagal sa taas o mahal ng bilihin. At sa bahay ng mag-asawa ang magtalakan siyang lenguahe o uri ng pag-uusap. Mula almusal, tanghalian maging sa hapunan. Habang ang mga anak, usapin ang mga bibilhing gamit para sa eskwela. Paano na? Nariyan na pinag-iisipang patigilin sa eskwela ng magamit ang perang pambaon sa makakain. At sa totoo lang, ang karaniwang pagkain na Lucky Me ay napalitan na ng lugaw dahil sa hirap pagkasyahin ang perang tangan na pambili ng bigas na isasaing kahit tuyo o bagoong ang ulam .

Sa pamayanan sa Lungsod Quezon, masisilip ang pagdami ng mga lugawan na tinatangkilik ng marami upang pantawid gutom sa maghapon. Hindi na uso ang magsaing ng bigas dahil ang pangakong P20.00 kada kilo’y pangarap na lang at maaring ikamatay dahil sa bangungot ng katotohanan. Walang magawa si Aling Marya kundi pagkasyahin ang kapit na salapi upang may maisubo ang paslit na anak na iyak na hindi na mapa dede dahil walang sustansya ang katawang pagal sa hirap. Habang ang asawa’y ‘di na mag-almusal at ayos na ang P8.00 3&1 na kape na pinaghahatian pa ng mag-asawa bago pumasok sa trabaho. At kapagdaka, sisigaw na ang kapit-bahay na si Aling Mareng upang maglaba na pandagdag kita sa maghapon. Ang paglalaba’y ‘di regular at nakabase sa luwag ng lukbutan ng kapitbahay.

Tunay na dama ang taas ng presyo ng bilihin ‘di lang ng karaniwang obrero kahit ang pamilya ni Aling Nene na propesyunal ang asawa’y umaangal sa taas ng bilihin. Ang badyet na P3000 kada linggo’y hindi na sapat kung bilihin at gamit sa bahay ang usapan. Ibinida ni Aling Nene na kalahati na lang ng dami ng mabibili ang lingguhang budget. O’ ito’y patunay na kapos na ang lingguhang badyet at kailangan ng magbawas o magtipid sa ilang gastusin. Karagdagan dito ang buwanang bayarin na dahilan ng stress ni Aling Nene, tulad ng tubig, kuryente, internet at kung may cable pa. Sa totoo lang, karaniwang binabayaran ang mga utilities na binanggit sa pagpasok ng bill na may disconnection notice. Buti na lang nag-oover time ang asawa ni Aling Nene.

Sa kabilang banda, naibahagi ni Aling Flor na madalas silang nagtatalong mag-asawa dahil hindi malaman ng ale kung paano pagkakasyahin ang sahod na inaabot. May mga pagkakataon na lumalapit ito sa kapatid upang mabayaran ang kuryente o tubig ng ‘di maputulan. Sa totoo lang, nahihiya ito sa paglapit, ngunit ang sitwasyon ang nagtutulak dito. Naidagdag nga na dumadayo ito sa malayong barangay para manghingi ng pera para may mailuto. Hindi batid ng asawa ang ginagawa ni Aling Flor na panlilimos dahil pagod ito sa maghapong trabaho. Hirap ang mag-asawa ngunit kailangan gumawa ng paraan upang mabuhay, at ang panghihingi sa hindi kilala ginagawa. Alam niyo kung bakit, sobrang mahal ng mga bilihin na inilalayo sa kamay ng masa ang pagkaing dapat sa kanila.

Tunay na mahirap ang maging mahirap dahil o kahit ang makain ay ‘di na maabot at napapamura na lang ang mamamayan. Sa totoo lang, ‘di na makabili ng pang-ulam sa hapag dahil dehins na yaka ng pamilyang obrero. Ang halaga ng bilihin ay tila kwitis ng sumabog sa mukha nito lalo sa kasalukuyang buwan. Umabot na sa 8.7% ang inflation rate na tunay na nagpapasabog sa hirap ng Pinoy. Baka pumasok na ang bansa sa recession, huwag naman po sana. Sa mahal ng bilihin, nawala ang pagmamahalan sa mga tahanan. Nagsisihan, nagaaway nagiging palainom ng alak ang lalaki upang sa pag-uwi, tulog na lang ang gagawin. Samantala ang mga bata’y tulad ng ama, itinutulog ang gutom na nadarama. Sa kabilang banda ng lipunan, hayun hayahay ang buhay ng mga opisyal ng bayan. Nagpapasasa sa buwis at ‘di alintana ang nagaganap sa mga tahanan ng mga kababayan na mamaluktot sa mahal ng bilihin.

Malayo ang agwat ng kabuhayan ng mahirap at ng mayaman at sa kasalukuyan, naging langit at lupa ang layo na hindi na masukat ang agwat ng kabuhayan dahil sa ‘di makatwirang mahal ng mga bilihin. Mapapansin na dumami ang mas nahihirapan sa buhay o masabing nabawasan ang gitnang uri ng lipunan. Sa pagdami ng bumababang kabuhayan, nawala ang pagiging mapagbigay ng Pinoy dahil kailangan mabuhay kahit lumuluha. Marami ang kumakapit sa patalim upang mabuhay. Hindi alintanang haba ng oras sa trabaho upang may pangtustos sa pamilyang hikahos. Sa totoo lang, ang dating mga nakakariwasa’y di na makapag-abot sa mga lumalapit dahil tunay na walang labis sa lukbutan. Hindi sa ayaw magbigay, sa mahal ng bilihin at hirap maka-agapay sa taas ng bilihin, sa susunod na lang o sa iba na lumapit.

Sa pakikipagpalitan ng istorya sa mga nakakausap, marami sa mga ito ang nawawalan ng pag-asa sa buhay dahil ‘di na matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Nariyan na pinapatigil sa pag-aaral ang anak upang may maihain sa hapag sa halip na pambaon sa eskwela.. Nariyan ang asawa na ‘di nakapasok sa trabaho dahil walang pamasahe. Nariyan na nalipasan ng kain dahil walang isusubo. At nariyan na tunay na namamalimos, kinakapalan ang mukha upang mabuhay. Sa likod nito, marami ang hindi nag-iisip na gumawa ng kabulastugan sa kapwa. Ang panghihingi ang pinili sa halip na gumawa ng mali sa kapwa o bayan. Ano ang masasabi ng mga halal ng bayan? May mukha ba kayang kayang humarap sa mamamayan?

Sa huli, nariyan si Boy Pektus na humihikayat sa Pinoy na magbayad ng buwis, tamang buwis ang bayaran dahil kailangan ng pamahalaan para sa mga programang inilatag para sa tao. Sa pagbangit na magbayad ng buwis si Mang Juan, tila, hindi nanalamin ang lider ng bansa kung ano ang sinasabi o saan ito nanggaling. Ang hindi binayarang buwis na bilyon-bilyong halaga’y tila kinalimutan at ang balana ang sinisingil. Ang pananalamin ang dapat ginawa at hindi ang opisyal-pasyal na pasanin ni Mang Juan sa kabila ng kahirapan sa buhay. Sa katunayan, nabawasan ang pagmamahalan ng mga Pinoy dahil sa mahal ng bilihin. Nagmumurahan na sa mahal ng bilihin na kahit sa panaginip ay napaka-ilap. Hindi na kaya pa ang hirap na dulot ng walang alam na lider kundi ang ipasa sa bayan ang gastusin sa mga pasyal na alang konkretong resulta. Pwede bang gumawa naman ng ulat sa bayan ang mga nakamit sa opisyal pasyal na pinapagawa. Hindi man nagmamahalan ang Pilipino, baka nais ni Boy Pektus pababain ang presyo ng bilihin para ‘di na magmurahan sa bahay sina Aling Nene at ang asawa nito.

Maraming Salamat po!!!

The post NAGMAHALAN HINDI NAGMURAHAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
NAGMAHALAN HINDI NAGMURAHAN NAGMAHALAN HINDI NAGMURAHAN Reviewed by misfitgympal on Pebrero 09, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.