Facebook

Para sa katatagan ng ‘Pinas sa mga kalamidad… EPEKTIBONG PAMANTAYAN SA ISTRUKTURA, ISINULONG NI BONG GO

Para sa katatagan ng bansa sa mga natural na sakuna at kalamidad na gawa ng tao, isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang Philippine Building Act of 2022 upang mas maging epektibo ang regulasyon sa pagpaplano, disenyo, pagtatayo, pagtira sa mga gusali at istruktura.

Sa ambush interview matapos dumalo sa “Kasalang Bayan” sa Dasmariñas City, Cavite, sinabi ni Go na inihain niya ang Senate Bill No. 1181 na magpapalakas sa whole-of-nation approach sa pagharap sa mga kalamidad sa bansa.

Ang panukala ay naglalayong amyendahan ang Presidential Decree 1096, kilala bilang National Building Code of the Philippines, upang matiyak na ang lahat ng gusali at istruktura ay naitayo ayon sa prinsipyo ng “building back better”.

“Layunin nitong magbigay ng mas epektibong regulasyon sa pagpaplano, disenyo, konstruksyon, occupancy, at pagpapanatili ng lahat ng pampubliko at pribadong gusali, istruktura na matatag laban sa natural at man made calamity,” ani Go.

Ipinunto niya na ang National Building Code ay pinagtibay noong 1977 at overdue na para i-update nang sa gayo’y matiyak na nakaangkla pa rin sa nagbabagong panahon.

Binanggit ni Go ang kamakaila’y nangyaring kahila-hilakbot na lindol sa Turkey at Syria na pumatay na ng mahigit 41,000 katao.

“Tingnan n’yo po ang nangyari sa ibang bansa, ‘yung sa earthquake. Tingnan nating mabuti kung naaayon pa ba itong mga istruktura at ang ating National Building Code (sa kasalukuyang panahon, at kung) nasusunod pa ba,” ani Go.

Binigyang diin ni Go ang pangangailangang unahin ang buhay, kaligtasan, at kalusugan ng lahat ng Pilipino sa pagtatayo ng mga gusali at iba pang istruktura.

Kung ang maisasabatas, ang National Building Officials ang magiging responsable sa execution, administration and enforcement habang itatatag ang Building Regulations and Standards Council upang tulungan ang NBO sa pagrepaso at pagrekomenda ng mga tuntunin at regulasyon.

Saklaw ng panukalang batas ang pagsusuri at inspeksyon ng mga lumang gusali para masiguro ang integridad ng istruktura.

Upang isulong ang pananagutan sa mga stakeholder, hihilingin sa mga may-ari ng itatayong gusali ang angkop na mga permit mula sa local building officials bago magsimula ang trabaho o occupancy.

“Ngayon po, pinapaigting ang ating infrastructure projects (kaya naman kailangan na) mas lalong pagtibayin natin ang mga istraktura na ginagawa (sa bansa) at tingnan nang mabuti ang National Building Code natin (kung) nasusunod ba ayon sa panahon ngayon,” ayon kay Go.

Bukod sa Philippine Building Act of 2022, nauna na ring itinulak ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience sa pamamagitan ng panukalang SBN 188.

Pagsasama-samahin sa DDR ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad.

Naghain din ang senador ng SBN 193 o ang Mandatory Evacuation Center Act na lilikha ng mga permanente, ligtas at maayos na evacuation center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong Pilipinas.

The post Para sa katatagan ng ‘Pinas sa mga kalamidad… EPEKTIBONG PAMANTAYAN SA ISTRUKTURA, ISINULONG NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Para sa katatagan ng ‘Pinas sa mga kalamidad… EPEKTIBONG PAMANTAYAN SA ISTRUKTURA, ISINULONG NI BONG GO Para sa katatagan ng ‘Pinas sa mga kalamidad… EPEKTIBONG PAMANTAYAN SA ISTRUKTURA, ISINULONG NI BONG GO Reviewed by misfitgympal on Pebrero 16, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.