ISINAILALIM na sa masusing imbestigasyon ang 18 ‘persons of interest’ kaugnay sa pagkamatay ng Adamson University student nang sumailalim sa ‘initiation rites’ sa Biñan City, Laguna noong Pebrero 18.
Kinilala ang biktima na si John Matthew Salilig , 3rd year chemical engineering student ng Adamson University.
Ayon kay Colonel Randy Glenn Silvio, direktor ng Laguna Police Provincial Office, may 18 persons of interest na sa pagkamatay ng biktima sanhi ng tinamong matinding pinsala sa katawan sa hazing
Sinabi ni Silvio na may mga mukha na at pangalan na ang mga ito. Iyong iba aliases pa at patuloy ang pag-profiling. Nakipag-coordinate narin sila sa LTO at different agencies para makuha ang exact address ng mga suspek.
Sinabi naman ni Biñan, Laguna Police Chief, Lt. Col. Virgilio Jopia, pito sa persons of interest ang nakibahagi sa Tau Gamma Phi initiation ceremony na ikinasawi ni Salilig.
Ayon pa kay Jopia, nakitaan ng mga pasa sa binti ang biktima nang matagpuan ang bangkay nito sa bakanteng lote sa Imus, Cavite nitong Martes, Pebrero 28.
Hinihintay pa nila Jopia ang resulta ng autopsy sa bangkay ni Salilig.
Humingi ng tulong ang Manila Police District upang maimbestigahan ang kaso matapos i-report sa pulisya ni John Michael na nawawala ang kanyang kapatid nitong Pebrero 20.
Sa salaysay ni John Michael, nagpaalam sa kanya ang kapatid Pebrero 17 upang dumalo sa initiation rites ng fraternity sa Laguna. Pero matapos ang ilang araw ay hindi pa ito nakauwi.
Sa kuha ng CCTV, huling nakitang buhay si Salilig na sumakay sa isang bus terminal sa Buendia kasama ang iba pang miyembro ng fraternity Pebrero 18. Posibleng kinagabihan umano ito pinatay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang witness ang nagsabi na nagdesisyon ang grupo na i-dispose ang katawan ni Salilig.
Noong Pebrero 19, nakatanggap ng mensahe si John Martin sa sinapit ng kapatid sa welcoming rites. Hindi nagpakilala ang nagpadala ng mensahe. Agad itong nag-report sa Manila Police District na mabilis namang nakipag-ugnayan sa Biñan Police.
Natunton ang bangkay ni Salilig nang ituro ng mga kasamahan nito sa fraternity.
Posible aniyang natakot ang mga miyembro ng fraternity kaya hindi na ito dinala sa ospital at inilibing na lamang.
Labis ang sama ang loob ng kapatid ng biktima sa nangyari lalo pa’t miyembro rin ito ng naturang fraternity.
Dinala na sa punerarya ang labi ng biktima na sasailalim sa autopsy at DNA test bago ito iuwi sa kanilang probinsiya sa Zamboanga.
Kinumpirma ng Adamson University ang pagkamatay ng kanilang estudyante pero hindi sila nagbanggit ng pangalan.
Ayon pa sa statement, nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang paaralan at sa ngayon ay nakikipagkoordinasyon ito sa pulisya.
Nagpalabas na rin ng statement ang fraternity na Tau Gamma Phi at sinabing kinokondena nila ang nangyari sa biktima.
May anim na miyembro ng fraternity ang kusang nagtungo sa Binan police station para makuhanan ng salaysay. (Mark Obleada)
The post 18 ‘person of interest’ sa Salilig-hazing slay, iniimbestigahan na! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: