Facebook

ALKALDE NG GENTRI, CAVITE, KINONDENA

KINONDENA ng mga residente ng Jewel Homes,General Trias,Cavite ang mismong alkalde ng kanilang lungsod na si Jon Jon Ferrer.

Nag-ugat ang problema nila nang bilhin ng alkalde ang may tatlong ektaryang lupain na katabi ng nasabing subdivision.

Nagtaka ang homeowners kung bakit bumili ng lupa ang alkalde gayung ekta-ektaryang lupain ang pag-aari ng mga Ferrer sa General Trias.

Kamakailan, lumutang ang plano ng alkalde – pabahay sa mga informal settlers ang itatayo sa gilid ng nasabing subdivision.

Walang masama sa nasabing proyekto, ngunit ang ikinasasama ng loob ng mga residente ng nasabing subdivision ay ang ekslusibo nilang daan ang gagamitin bilang “right if way” ng naturang pabahay.

Lihim ang deal na ito at nabulgar lamang nang i-Marites ng isang kawani ng Nueva Montana Homebuilders, Inc., developer ng Jewel Homes ang sikretong plano ng pamahalaang lungsod.

“Huwag na ninyong papinturahan ang guard house ng Jewels dahil ipapawasak na iyan ni Mayor,” sabi ng isang nagngangalang “Kuya Rey.”

Kuwento niya, ayos na ang usapan at ilalagay na lang ang gate ng Jewel Homes sa loob ng subdivision.

Isang maangas namang tauhan ng may-ari ng lupa na Villarey, ang kuha nang kuha ng litrato.

Tinanong siya kung ano ang pakay niya.

“Itong daan na ito, hindi na sa Jewels, kay Mayor na. Bubutasin ang perimeter fence, gagawing daan ang lupa nila at isasarado ang daan,” sabay turo sa isang daanan ng mga residente.

Magiging one way ang mga dadaanan ng mga sasakyan ng residente at sa makipot na daanan lalabas ang mga sasakyan.

Dahil pipila ang mga sasakyan palabas sa isang makipot na daan na may naka-park na mga sasakyan, kinakailangang maghintay ang mga papasok sa loob ng subdivision na maubos lahat ang mga sasakyan na lalabas.

Tiyak na sa paghihintay sa mga nakapilang palabas, dadagsa naman ang mga sasakyan na nakapila sa harapan papasok ng subdivision hanggang sa dumagsa ang mga sasakyan sa katabing highway.

Ang plano ng local government unit (LGU) na ito ang magiging bangungot sa buhay ng mga residente ng Jewel Homes.

Inilihim ng Engineering Department sa pamumuno nina Engr. Norman Bugtong at Engr. Jemie Cubillo na sasakupin ng pabahay ni Mayor Ferrer ang daanan ng mga residente ng Jewel Homes.

Nang tanungin sila kung bakit hindi kinunsulta ang mga residente ng subdivision na makikihati sa daanan na ekslusibong pag-aari ng Jewel ang gagawin nilang pabahay, sagot nila, “Tanungin nyo na lang si Mayor.”

Alam ng mga taga-Engineering na ang perimeter ng subdivision ay di dapat tibagin dahil ginawa ito para hindi madaanan ng kahit na sinong taga labas, mga masasamang- loob, mga hayop, at iba pa.

Ito ang magsisilbing taga-bantay ng subdivision para mapanatili ang kaligtasan at maharangan ang mga nagbabalak na pumasok dito.

Ganundin, hindi puwedeng gawing daan ang lupang pag-aari ng Villarey na inaprubahan ng dating Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) para pagtayuan lamang ng bahay.

Nagtuturuan ang mga taga-Engineering kung sino ang puwedeng tanungin at hingan ng dokumento para sa gagawing pabahay.

Itinuturo nila si Mayor Ferrer.

Nang magpapa schedule sa nasabing alkalde, sinabi ni Vice Mayor Jonas Labuguen na on leave si Mayor gayung nakita siya na dumadalo sa mga pa-misa at sa ibang events ng ilang mga kalapit na subdivision.

“Naku, matagal na mawawala si Mayor at puno na ang schedule niya para sa March,” sabi ng isang trusted na opisyal ni Mayor na si Mr. Sian.

Dugtong din niya na wala nang magagawa ang mga taga-Jewels dahil itutuloy ni Mayor na gawing right of way ang daanan ng taga Jewels.

“Bakit kailangang kami ang ma-adjust gayung yang mga daan ng Jewels ay kasama sa binayaran namin? Bakit may makakahati kami at maghihirap sa pagdadaanan naming kalbaryo sa trapiko, katahimikan, seguridad? Tanong ng ma residente.

Taas naman ang kamay ng mga taga-Konseho. Katwiran nila, hindi nila alam na ang aaprubahan nilang proyekto ay ganito ang nilalaman kahit na nakatakda na nilang lagdaan ito.

Wala raw silang magagawa kung ito ang plano ni mayor.

Nagkasundo ang developer, ang iba’t ibang government agencies para parusahan ang homeowners.

Hindi naman sila apektado sa nasabing proyekto dahil hindi naman sila nakatira dito.

Anong klaseng batas ito?

Nakakapanlumo at nakakadismaya.

Sa halip na homeowners ang sakit ng ulo ng pamahalaang lungsod, ang huli ang nagpapasakit ng ulo sa homeowners.

Anong klaseng pamamahala ito?

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post ALKALDE NG GENTRI, CAVITE, KINONDENA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ALKALDE NG GENTRI, CAVITE, KINONDENA ALKALDE NG GENTRI, CAVITE, KINONDENA Reviewed by misfitgympal on Marso 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.