“SA mga may balak manggulo, ‘wag na po ninyong ituloy dahil nakahanda po ang ating kapulisan na panatilihin ang peace and order sa ating lungsod.”
Ito ang apela at paniniguro ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos pangunahan ang deployment ng mahigit 300 na iba’t-ibang uri ng sasakyan dakong 5 a.m. nitong Lunes ng umaga para maghatid sa mga commuters na stranded na resulta ng isang linggong transport strike sa Metro Manila.
Si Lacuna ay sinamahan nina Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, Manila Traffic and Parking Bureau chief Zenaida Viaje and adviser Dennis Viaje; Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Councilor Awi Sia, spokesperson Atty. Princess Abante at chief of staff Joshue Santiago sa kanyang pagharap sa mga drivers ng mga sasakyan na kasali sa “Oplan: Libreng Sakay”.
Pinasalamatan ng lady mayor si Dizon sa pagbibigay ng 11 pick-up vehicles at tatlong malalaking trucks habang ang iba naman ay nagmula sa city government.
Ang mga behikulo ay binubuo ng 300 E-trikes, ilang pick-up trucks,17 buses at tatlong transport buses mula sa MPD at iba pa.
Nabatid kay Lacuna na mag-iikot ang mga libreng sasakyan sa lungsod para tumulong sa mga stranded na pasahero hanggat umiiral ang welga mula umaga ng 5 a.m. hanggang 10 a.m. at muli sa hapon ng 4 p.m. hanggang 10 p.m.
Sinabi pa ng alkalde na walang inaasahang epekto ang transport stroke sa city government ng Maynila, dahil gumawa na ng hakbang ang kanya-kanyang departamento para may masakyan ang mga kawani pagpasok nila sa tanggapan.
Idinagdag pa ni Lacuna na ang direktiba nya sa pagsasagawa ng online classes ay inaasahan ding magpapagaan sa epekto ng transport strike.
“At least malaking kabawasan po ito sa gagamit ng public transportation,” sabi ni Lacuna.
Sa bahagi naman ni Dizon, sinabi nito na ang sapat ng pwersa ng mga kapulisan ay naikalat na sa lungsod upang tiyaking payapa at maayos ang transport strike at walang manggugulo sa “Oplan:Libreng Sakay” .
“May mga kapulisan sa lahat ng lugar to ensure peace and order and walang manggugulo sa mga jeep na di sumali sa strike at sa mga gustong mag-avail ng libreng sakay. May mga traffic enforcer din tayong naka-assign sa loob ng mga bus to ensure na maayos,” pahayag pa ni Lacuna.
Sa kanyang maikling mensahe sa deployment ng mga sasakyan, binilinan ni Lacuna ang mga commuters na huwag maniningil sa mga pasaherong stranded na sinikap na pumasok sa kanilang trabaho.
Ayon kay Lacuna : “konting pasensiya lamang po at makakarating din naman po tayo sa ating pupuntahan.” (ANDI GARCIA)
The post Mayor Honey, umapela ng payapang transport strike appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: