MATINGKAD ang promesa ng mga bisitang mambabatas ng European Parliament sa mga lider ng Filipinas. Kung palalayain si Leila de Lima sa pinakamadaling panahon at babalik ang Filipinas sa Rome Statute, tratado na bumubuo sa International Criminal Court (ICC), makakaasa tayo sa muling pagbabalik ng mga kalakal na bansa sa Generalized System of Preference (GSP) ng European Union (EU).
Sa maikli, muling malayang makakapasok na may mababang taripa ang mga kalakal ng Filipinas sa pamilihan ng European Union na binubuo ng 26 na bansa. Nilakad ni PNoy na masama tayo sa GSP noong siya ang pangulo at lumago ng malaking ibayo ang ating mga kalakal doon lalo na ang mga iniluluwas na damit o garment.
Inalis ang bansa sa listahan ng kanilang GSP nang naupo si Rodrigo Duterte bilang kapalit ni Noynoy Aquino noong 2016. Ito’y protesta sa madugo ngunit nabigo na digmaan kontra droga ni Duterte. Hindi pumayag ang EU sa gobyerno ni Duterte sa walang patumanggang paglabag sa karapatang pantao. Nakipagnegosasyon ang gobyerno ni Duterte, ngunit hindi pumayag ang EU. Bumagsak ng todo-todo ang export sector ng bansa.
Sa unang pagkakataon, bumisita sa bansa ang mga mambabatas ng European Parliament sa pagtatapos ng termino ni Duterte. Nilibak ng mga kaalyado ni Duterte ang mga dumayong mambabatas. Tinawag na mga “puting unggoy” ni Jinggoy Estrada sa isang hindi mapapatawad na insulto sa mga mambabatas. Nagsalita sa sobra sa kaguwapuhan si Jinggoy, ang magaling at katangi-tanging anak ni Erap na dalawang beses na nakulong dahil sa pandarambong.
Tiniis ng mga mambabatas ang panlalait ni Jinggoy, Bato dela Rosa, Francis Tolentino, Bong Go, Benny Abante, iba pang pulitikong kaalyado ni Duterte. Hindi sila sumagot kahit gaputok sa mga panlilibak ng mga pulitikong pipitsugin at patapon ng bansa. Iginanti nila ang alok na tulong na totoong nagpapagaan sa kabuhayan ng Filipinas sa sandaling magkatotoo.
Hindi problema ang kalayaan ni de Lima. Kasado na ito sa kasalukuyang buwan. Hindi sumagot ang DoJ sa mosyon ng mga manananggol ni de Lima na humingi sa korte na ibasura ang mga gawa-gawang at tagpi-tagping sakdal kontra kay de Lima o bigyan ng pansamantalang kalayaan si de Lima kapalit ang piyansa. Walang katwiran na manatili sa piitan si de Lima kung walang isinagot ang DoJ sa mosyon ng depensa.
Mas malalim ang pangalawang kondisyon. Kapag nagbalik ang Filipinas sa Rome Statute, nangangahulugan ito ng pagsunod sa mga probisyon ng Rome Statute. Nangangahulugan ito ng totohanang pagsunod sa mga probisyon ng Rome Statute. Kailangan isuko ng gobyerno ni BBM si Duterte at 62 na kasama sa sakdal na crimes against humanity sa ICC. Pinangangambahan na susulong ang sakdal dahil nasa estado ngayon ng ng formal investigation.
Gayunpaman kahit bantulot si BBM na isuko si Duterte at mga kasapakat, may desisyon ang Korte Suprema na nag-utos sa gobyerno na isuko si Duterte dahil may komitment tayo ng sundin ang mga probisyon ng ICC noong panahon na kasapi tayo sa ICC. Nag-iisang nagpasya si Duterte na tumiwalag sa ICC noong 2018 dahil itinuloy ng ICC ang preliminary investigation sa sakdal na crimes against humanity na magkasamang iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano. Ito ang unang hakbang na ginawa ng ICC.
Hindi kinunsulta ni Duterte ang alinman sa mga institusyon ng gobyerno tulad na Senado na sinang-ayunan ang ratipikasyon ng tratado noong 2011. Nagkabisa ang pagtiwalag sa tratado noong 2019, o isang taon pagkatapos ihayag ang pagtiwalag noong ika-17 ng Marso, 2018. Ngunit hindi ito nangahulugan na wala ng pananagutan si Duterte kahit tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute. Hindi ligtas sa pananagutan si Duterte dahil kailangan sagutin niya ang mga malawakang patayan mula 2011 nang sinang-ayunan ng Senado ang tratado hanggang 2019 ng tumiwalag ang Filipinas.
Labis na kinatatakutan ito ni Duterte. Hindi sila nalalayo sa mga paslit na takot sa dilim dahil walang makapagsabi kung ano ang ibibigay sa kanila ng kadiliman. Hindi basta masusuhulan ang ICC at mas lalong hindi mabibili ang mga imbestigador ng ICC. Sa ganang kanila, hindi nila masasabi ang kapalaran na naghihintay sa kanila.
***
May nagtatanong kung ang pagsama ng Filipinas sa GSP ang tanging biyaya na makukuha ng Filipinas sa European Union. Hindi natin alam kung ano ang maaaring ibigay ng iba pang maunlad na bansa tulad ng Estados Unidos, Japon, South Korea, Canada, Australia, at New Zealand. Hindi natin kung ano pang sorpresa ang naghihintay sa atin kapalit ng ating pagtulong na dakpin si Duterte at mga kasapakat.
Hindi natin alam sa ngayon ngunit hindi kami magtaka kung may inihahanda ang mga mauunlad na bansa. Hindi malayo na patamisin ang banga (sweeten the pot) kapag sigurado na papayag tayo na ibigay si Duterte sa ICC. Hindi naming alam kung magkano, ngunit maaari naming banggitin ang kaso ni Miroslav Milosevic, ang pasimuno ng “ethnic cleansing” sa dating Yugoslavia kung saan daang libong Muslim ang pinatay ng pwersa ni Milosevic sa Serbia sa karatig bansa ng Bosnia-Herzegovina at Kosovo.
Upang matuloy ang paglilitis kay Milosevic, inalok ng European Union ng tulong – $1 bilyon official development assistance (ODA) at membership sa European Union – ang Serbia kapalit ni Milosevic. Ibinigay ng prime minister ng Serbia si Milosevic sa International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia (wala pa ang ICC noon) nong 2000. Nilitis si Milosevic ngunit namatay noong 2005 kaya hindi siya nahatulan.
Kung malalaro mabuti ni BBM ang kanyang baraha, may posibilidad ng makakuha ang Filipinas ng napakalaking tulong mula sa mga mauunlad na bansa. Kapalit ang pagsasakripisyo ni BBM kay Duterte at sampu ng kanyang mga kaalyadong na pawang mamamatay tao. Walang silbi si Duterte sa bansa. Tapos na ang kanyang tungkulin bilang pangulo ng bansa. Wala na siyang silbi sa bayan. Hindi makatwiran na hayaan siyang mamuhay ng walang pananagutan sa mga patayan noong siya ang pangulo at alkalde ng Davao City.
Hindi dapat na maulit ang ganitong kabanata sa ating kasaysayan. Hindi marapat na mamuno ang mga mamamatay tao. Kailangan ang pananagutan sa pamumuno.
***
HINDI basta makakatakbo si Bato dela Rosa sa reelection sa 2025. May mga palatandaan na papasok siya sa bilibid ng ICC bago ang 2025. Isa siya sa mga arkitekto ng madugo pero bigo digmaan kontra ni Duterte. Kung tatakbo siya ng reelection mula sa bilibd ng ICC, malamang matalo siya. Gagawin lang siyang pamunasan ng paa. Kasama niyang humaharap sa formal investigation ng ICC sina Duterte, Bong Go, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, at mga opisyal ng PNP na nagpatupad ng mga EJKs noong pangulo si Duterte.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “ China is akin to intellectual property theft, cyber-attacks of foreign cyber-networks, copyright infringements, unabashed patent violations, industrial espionage, non-recognition of foreign inventions, preposterous claim of ownership of almost all of South China Sea, dumping of cheap poorly copied manufactured commodities, debt traps of Third World countries, and poorly constructed infrastructure projects. That’s the reputation of China. That’s Red Capitalism for you and us.” – PL, netizen
“Dalawang taon na lang, eleksyon na naman. Instead of thinking about candidates let’s start with thinking about issues. Para sa akin dapat pag-isipan ang pag-prioritize ng edukasyon, hustisya, kahirapan, korapsyon, kalikasan. Sanayin natin na unahing mag-isip tungkol sa isyu.” – Bart Guingona, netizen, kritiko, stage actor
The post DAGDAG TULONG appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: