INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pakikiisa o pakikisimpatiya sa mga jeepney driver at hinimok ang gobyerno na magpatupad ng mga hakbang na magbibigay suporta sa mga apektado ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Sa mga jeepney drivers, I am with you. Nakikisimpatiya po ako sa inyo. Naiintindihan ko naman po ang inyong saloobin. Naiintindihan ko po na mahirap po ang panahon ngayon,” ani Go matapos niyang personal na ayudahan ang mga residente sa San Jose del Monte City sa Bulacan.
Nilinaw na hindi lubos na tutol sa modernization program, iginiit ni Go na dapat bigyan ng gobyerno ng sapat na oras at suporta ang mga tradisyunal na jeepney operator sa transition hanggang sa makapag-adjust sa mga kinakailangan ng programa.
“Para sa akin, bigyan muna natin ng palugit, enough time ang mga jeepney drivers na makapag-adjust at maka-comply sa modernization program natin.”
“Maganda naman po ang maidudulot ng modernization program sa long term. Pero para sa akin, ngayon karamihan po sa mga driver ay may binubuhay po at pinapakain,” ani Go.
Sinabi ng senador na karamihan sa mga tsuper ay nahihirapang mabuhay at hindi kayang bumili ng mga bagong sasakyan.
Karamihan sa jeepney drivers aniya, kung ano lang ng kinikita sa araw-araw ay sakto lang sa boundary at hindi basta-basta nakapag-iipon ng pera para ibili ng bagong jeepney.
Ani Go, mahalagang pakinggan ng gobyerno ang hinaing ng mga apektadong sektor at kilalanin ang paghihirap na kanilang nararanasan lalo na sa panahon na ang bansa ay patuloy na nasa krisis.
“Bigyan muna natin sila ng palugit para makapaghanda pa lalo at gamitin rin natin ang pagkakataong ito na ayusin ang mga patakaran, proseso at polisiya para hindi maging pabigat sa ating ordinaryong mamamayan,” anang mambabatas.
Sa gitna ng isang linggong welga, umapela naman si Go sa mga tsuper na isipin din ang kapakanan ng riding public, kabilang ang mga estudyante at sektor ng manggagawa.
“Sa mga jeepney drivers, sana po ay huwag maapektuhan ang commuters, ‘yung hindi sila maantala sa paglalakbay, ang mga estudyante po, hindi maantala ang kanilang pag-aaral,” ani Go.
Naglunsad ng isang linggong strike simula Marso 6 ang mga operator ng pampublikong jeepney at minivan sa iba’t ibang lungsod sa bansa, laban sa PUVMP ng gobyerno.
Ang programa ay nag-uutos sa mga operator na palitan ang kanilang mga lumang unit ng mga bago. Gayunman, umaalma ang mga operator dahil nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.6 milyon ang bawat bagong yunit at ay masyadong mahal para sa small-scale operators.
Iminungkahi ni Go na ang mga indibidwal na tsuper ay maaaring tulungan ng gobyerno na bumuo ng mga kooperatiba o humingi ng tulong pinansyal para makabili ng mga bagong sasakyan na nakatutugon sa mga pamantayan sa kaligtasan.
Pero aniya, kung magagamit pa ‘yung mga jeepney at pwedeng i-refurbish para maging roadworthy ay dapat ipreserba pa rin.
“Para po sa akin, kapag walang jeepney po ang Pilipinas — walang jeepney sa Cubao, walang jeepney sa E. Rodriguez — ay parang wala na tayo sa Pilipinas. Nasa kultura na po natin ang paggamit ng jeepney. Wala pa ho ako sa mundong ito, nandiyan na ang jeepney. Hanggang ngayon, nandiyan ang jeepney,” idiniin ni Go.
Sinabi ni Go na maaaring kailanganin ng gobyerno na bigyan ng subsidiya ang pagsasaayos ng mga umiiral na jeepney basta’t manatiling roadworthy sa halip na tuluyang ihinto.
“I am not for total phase out ng mga jeepney. Kung kaya pang patakbuhin at safe pa ang sasakyan, i-preserve po, ayusin, i-refurbish at ‘ipa-kondisyon,’ ika nga, ‘yung jeepney,” ayon sa senador.
The post BONG GO SA JEEPNEY DRIVERS: KASAMA N’YO AKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: