Inihayag ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang kanilang contingency plan para sa 7-araw na transport strike sa Metro Manila.
Ayon kay Mayor Malapitan, nakahanda ang lungsod na magpakalat ng mahigit 65 sasakyan para sa Alalay sa Mananakay: Libreng Sakay program nito sa buong panahon ng welga.
“Pinagsama-sama natin ang lahat ng magagamit na sasakyan ng lungsod at handa tayong magbigay ng libreng sakay sa ating mga apektadong commuters. Inuna rin natin ang mga lugar na posibleng maapektuhan ng nasabing strike at tinukoy ang ruta at ang pick-up at drop- off points ng aming libreng sakay,” ani Mayor Malapitan.
Inatasan din ni Mayor Along ang lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod na magsagawa ng isang linggong online classes para sa lahat ng antas bilang kapalit ng face-to-face classes.
“Hindi maaaring maapektuhan ang pag-aaral ng ating mga estudyante dahil sa tigil-pasada kaya mula March 6 hanggang March 12, balik online class muna ang mga estudyante. I hope the parents, teachers and students would understand that we need to adjust accordingly,” paliwanag ni Mayor Malapitan.
Ipinag-utos din ni Malapitan sa Caloocan City Police na pataasin ang kanilang visibility sa mga pangunahing lansangan at ipatupad ang maximum tolerance.
“We will ensure the safety of everyone. Priority natin lagi ang kaligtasan ng ating mga commuter at motorista lalo na ang mga hindi sasali sa tigil pasada, kaya maliban sa Caloocan City Police, inatasan din natin ang ating Disaster Risk Reduction and Management Office na magkaroon ng ng paghahanda para dito sa transport strike,” wika ni Along.
Sa naunang panayam, sinabi ni Mayor Malapitan na bilang paghahanda sa Jeepney Modernization Program, 85% ng transport groups sa Caloocan ay pinagsama-sama na sa mga kooperatiba at korporasyon at isang grupo lamang ang may patuloy na aplikasyon para sa konsolidasyon.
Samantala, nagbigay ang Caloocan City LGU ng mga hotline para sa mga emergency at urgent concerns bilang paghahanda sa nasabing strike; para sa mga alalahaning nauugnay sa trapiko: 8310-4742 at para sa emergency na pagtugon: 888-25664 (ALONG).(BR)
The post Contingency plans sa ‘1 linggong transport strike, inilunsad ng Caloocan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: