Facebook

HATI ANG WELGA

“Katarantaduhan…. Unbelievable.” Ito ang sinabi ni Obet Martin ng Pasong Masda tungkol sa pitong araw na welga na inumpisahan ng isang grupo ng mga tsuper na tumututol sa phaseout ng mga lumang jeepney sa kalsada ng mga pangunahing siyudad at lalawigan ng bansa at kanilang pagpalit sa ilalim ng jeepney modernization program.

Masyadong matagal ang pitong araw na welga na ikinasa ng karibal na grupo ng tsuper. Isa at kalahating araw lang ang kayang itagal ng welga ng mga tsuper at pagkatapos ng welga, lalabas na sila upang hanapin ang susunod na kita na pambili ng kakainin ng pamilya, ani Ka Obet Hindi birong pahirap at pasakit ang pitong araw na welga, aniya.

Nagsalita ang mga lider ng malalaking samahan ng mga tsuper sa pulong balitaan kamakailan sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi. Isa-isa nilang binalangkas ang pitong araw na welga ng mga tsuper bilang protesta umano sa phaseout ng mga dyip sa lansangan at pagpalit ng mga makabagong inangkat na dyip na hindi kakayanin na bilhin ng mga tsuper dahil sa labis na kamahalan. Nagkakahalaga ang bawat unit ng P2.5 milyon at aangkatin ang mga ito sa Tsina.

Unang nagdeklara ng pitong-araw na welga ang grupong Manibela sa pangunguna ni Mark Valbuena. Hindi namin siya kilala mula kay Adan sa lahi ng kalalakihan. Kahit sa hinagap, hindi namin siya nakadaupang palad. Ngunit binalatan siya ng buhay sa pulong binalitaan. Tinawag siyang isang pekeng lider tsuper ni Orlando Marquez, pambansang pangulo ng grupong LTOP.

Hindi naging tsuper o operator ng jeep sa buong buhay niya si Valbuena, ani Marquez. Hindi niya alam ang saloobin ng mga tsuper na lumalabas upang pumasada sa madaling araw, aniya. Hindi niya alam ang damdamin ng mga operator kapag nasisiraan ang kanilang sasakyan sa gitna ng biyahe at tumataas ang halaga ng diesel fuel, aniya.

Dumagsa rin ang mga lider tsuper sa pulong balitaan. Kasama si Danny Yumol, ang kinikilalang lider tsuper sa Region 1 at Region3. Pinakatampok sa kanilang pagdalo ang pahayag na hindi sila sasama sa welga na ipinatawag ng Manibela at sinalihan ng ibang grupo tulad ng Piston.

Dumalo si Jaime Bautista, kalihim ng Department of Transportation (DoTr, at nagpahayag ng pakikiisa sa mga lider tsuper sa kanilang desisyon na hindi sumali sa welga na inumpisahan noong Lunes. Ngayon, malinaw na hati ang puwersa ng mga sasali sa welga. Hindi namin alam saan at hanggang saan hahantong ang welga ng mga tsuper kontra sa mga mamamayan.

***

TINANTIYA ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nasa 10% ng mga sasakyan ang sumama sa welga noong Lunes. Hati ang welga at mas malaking bilang ng mga tsuper ang hindi sumama. Mahirap sumama ang karamihan dahil hindi malinaw sa kanila kung bakit pitong araw ang itatagal ng welga.

Tama si Ka Obet sa kanyang katwiran. Hindi kakayanin ng mga tsuper ang pitong araw na welga. Hindi namin alam kung nakapag-isip ng tama ang mga lider-tsuper na nanguna tulad ni Mar Valbuena at Mody Filardo. Pinaghandaan ng MMDA ang welga at sa sandaling nag-umpisa ito, mahigit 100 bus ang lumabas upang magbigay ng libreng sakay sa mga mananakay.

Mukhang lumambot ang organisyong PISTON na kasama sa welga. Ito ang kanilang pahayag: “We’re not against modernization. What we are opposing is its provision that we need to join a new cooperative or form a new cooperative. We are in favor of forming a cooperative, but it should be composed of operators and drivers and not manipulated by big corporations.”

May mga netizen na kumampi sa mga welgista. Tulad ni Diane na nagsabi: “With all due respect to the DOTr, the constitutionally granted freedom to strike cannot be impaired for the sole reason that you are a franchise holder. It would be unfair to say that by holding a franchise the franchise holders have waived their basic freedom to air grievances.”

***

SA PAGBABALIK tanaw sa usapin ni Leila de Lima, mabuting halungkatin natin ang mga iba’t ibang karakter na naglubog kay de Lima sa piitan. Tinawag si de Lima na bilanggo ng budhi dahil nanatili siyang nakapiit kahit nagsipagbaligtaran na ang mga saksi sa kanilang mga testimonya kontra kay de Lima.

Nanguna si Rodrigo Duterte sa talaan ng mga abusado at walang konsiyensiya na nagpakulong kay de Lima. Hindi nalalayo si Vitaliano Aguirre na kumumbnsi bilang kalihim sa katarungan ni Duterte kay Judge Juanita Guerrero na paratangan si de Lima na may sapat na ebidensya upang isyuhan ng arrest warrant at dakpin at ikulong. Kahit anong sabihin ni Aguirre, lumalabas na paghihiganti ang pakay ni Duterte kay de Lima.

Hiningi ng kampo ni de Lima na ibasura ang petisyon na dakpin ang dating mambabatas, ngunit imbes na nakinig, nag-isyu ang hukuman ng arrest warrants kahit walang ginanap na pagdinig sa usapin. Ayon sa isa sa abogado ni de Lima’ na si Alex Padilla, ginawa ng hukom ang aksyon bilang isang hatol sa usapin.

May kasaysayan ang away ni Duterte at de Lima. Noong siya ang chair ng Commission on Human Rights, ipinaimbestiga ni de Lima ang mga patayan na isinagawa ng tinawag na Davao Death Squad (DDS) sa ilalim ni Duterte bilang alkalde ng Davao City. Nang maging pangulo si Duterte noong 2016, nagpahayag ng pagkabahala si de Lima bilang bagong halal na senadora sa mga bagong patayan, o EJKs. Nagdiskuso ng dawalang beses si de Lima sa Senado. Sa kanyang dalawang privilege speech, inihain niya ang isang resolusyon na humingi ng pagsisiyasat sa mga patayan.

Inilabas ni de Lima si Edgar Matobato na nagsabing isa siyang dating kasapi ng Davao Death Squad sa isang pagdinig ng Senado. Sinabi ni de Lima na pinalampas ni Duterte ang mahigit 1,000 kaso ng patayan na ginawa ng mga DDS at vigilante group na nakabase sa Sa Davao City. Ikinumpisal ni Matobato na bilang kasapi ng DDS, nakapatay siya at hindi bababa sa 50 katao.

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Noong pinatay si Evelio Javier sa Antique, walang state of emergency to catch the perpetrators, Manang Imee.” – Tom Choy, netizen

“Likas Yaman Ipamana, Huwag Ipamina! This is the rallying call among anti-mining communities. We call on the PBBM administration to listen to the demand of the people, especially those holding barricades in Sibuyan, Romblon, Brooke’s Point, Palawan, and Brgy. Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya,” – Jaybee Garganera, Alyansa Tigil Mina national coordinator

“Speaking of jeepney modernization, why doesn’t PH govt. tap the likes of Sarao and Francisco motors in upgrading our PUV, instead of dealing with other countries. These two have good track record in the field, and therefore can meet the demand. It will also generate employment.” – Leandro Rivas, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post HATI ANG WELGA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HATI ANG WELGA HATI ANG WELGA Reviewed by misfitgympal on Marso 06, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.