Facebook

‘KAPATIRAN, HINDI KAMATAYAN’ – BONG GO

Mariing tinuligsa ni Senator Christopher “Bong” Go ang fraternity-related hazing na humantong sa pagkamatay ni John Matthew Salilig, isang 24-anyos na estudyante ng Adamson University.

“Dapat po ay kapatiran, hindi kamatayan,” idiniin ni Go sa ambush interview matapos niyang personal na ayudahan ang mga residente sa Mendez, Cavite.

Dismayado ang senador sa paggamit ng pisikal na karahasan sa panahon ng recruitment sa pagsasabing hindi ito ang sukatan ng kakayahan ng isang tao na maging mabuting miyembro ng isang fraternity o anumang organisasyon.

“Hindi po nasusukat sa physical violence na ginagamit sa recruitment ang pagiging magaling na future member ng isang fraternity. Hindi ‘yan sukatan ng leadership kung bubugbugin mo ang katawan ng kasamahan (mo) through hazing,” sabi ni Go.

“Alam n’yo, tayong mga magulang pinapaaral natin ang ating mga anak. Nagsasakripisyo tayo, nagtatrabaho tayo (upang) mapalaki ang ating mga anak, pinapaaral natin para makapagtapos sila ng pag-aaral. Ngunit hindi para saktan at mamatay.”

Hinimok niya ang mga awtoridad na panagutin ang mga responsable sa kanilang mga aksyon upang mabigyan ng hustisya ang biktima ng hazing.

Nang tanungin kung naniniwala siyang dapat dalhin ang insidente sa Senado para sa imbestigasyon, sumagot si Go na handa siyang makilahok kung mangyayari ito. Gayunpaman, naniniwala siyang dapat hayaan muna ang pulisya na kumpletuhin ang kanilang imbestigasyon.

Noong Martes, nadiskubre ang naaagnas na bangkay ni Salilig sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite.

Sinampahan na ng kaso ng kapatid ni Salilig na si John Michael at isa pang neophyte na dumanas din ng hazing ang anim na indibidwal na sangkot sa insidente.

Nang tanungin din kung naniniwala siyang maaapektuhan ng insidente ang pagbuhay sa Reserved Officer Training Corps, nilinaw ni Go na iba ang ROTC sa mga fraternities at nagpahayag ng suporta sa muling pagkabuhay nito.

Ang layon ng ROTC ay magtanim ng disiplina, pagkamakabayan at pagmamahal sa bayan ng kabataan.

“Iba naman po ang ROTC. Iba naman po ang fraternities. Suportado ko po ang ROTC dahil matuturuan natin ng disiplina ang ating mga kabataan,” ani Go.

“Makakatulong din ito na mailayo ang mga kabataan sa iligal na droga,” dagdag niya.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang anumang uri ng pisikal na karahasan ay hindi dapat maging bahagi ng pagsasanay. Iminungkahi niya na ang mga partikular na probisyon ay dapat isama sa batas upang maiwasan ang mga posibleng insidente ng hazing.

“Dapat walang physical violence or any type of violence. Kung magte-training sila sa ROTC, dapat walang violence na pangyayari,” idiniin ng mambabatas.

The post ‘KAPATIRAN, HINDI KAMATAYAN’ – BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘KAPATIRAN, HINDI KAMATAYAN’ – BONG GO ‘KAPATIRAN, HINDI KAMATAYAN’ – BONG GO Reviewed by misfitgympal on Marso 04, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.