SA Region 4A CALABARZON area (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) karamihan sa mga operator ng bino-bookies na Small Town Lottery o STL con jueteng at iba pang uri ng sugal, kundi tigasing hoodlum ay mismong mga barangay leader.
Bookies ng STL ang operasyon ng mga ilegalistang ito pagkat ipinananakaw nila ang may 80 porsiyento o higit pa na kubransa ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO-STL) – Sponsored Small Town Lottery sa pakikipagkutsabahan ng mga lehitimong STL kubrador at kabo – sa halip na iremit sa tanggapan ng PCSO ay sa kuta na kung tawagin ay rebisahan ng STL con jueteng dinadala ang mga nakolektang taya para ilaban sa jueteng.
Kaya imbes na napupunta sa PCSO ang salaping nakokolekta sa ligal na STL at maitustos ng pamahalaan sa pangangailangan ng nagdarahop na mga mamamayan ay sa kamay lamang ng mga kapitalista ng jueteng at mga protektor ng mga ito napupunta ang milyones na halaga ng kubransa sa STL bokies.
Hindi ito solo o mag-isang ginagawa ng sindikatong operasyon ng nasabing bawal na pasugal kung walang mga nagkakanlong sa hanay ng awtoridad, partikular sa PNP, NBI, iba pang law enforcing agency sa bansa at ng ilang opisyales at kawani mismo sa opisina ng PCSO.
Pero ang kalakarang ito sa rehiyon ng Timog Katagalugan ay tila hindi alam at ayaw pakialaman o dili kaya’y kinukunsinte na din ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang ahensya ng pamahalaan na may direktang superbisyon sa mga pulis, Local Government Unit (LGU), kasama na ang mga barangay leader.
Nang magkaroon ng PCSO STL ay kasabay ding ipinanganak ang bookies operation sa halos buong kapuluan na kung saan ay mga lider ng barangay, mga kapitan, barangay kagawad, iba pang opisyales at mga “bigating” tao ng komunidad ang kapitalista at nagpapatakbo ng mga iligal na pasugalan. Dahil hindi mahirap imantine ay malaki ang kinikita ng mga operator ng mga nasabing pasugalan.
Ang malungkot na katotohanan ay kasapakat ng bookies maintainer na mga kapitan ng barangay at barangay kagawad sa kanilang iligal na negosyo ang ilang tiwaling opisyales at miyembro ng Philippine National Police (PNP) mula regional, provincial office, lokal na kapulisan, at isama na ang iba pang tagapagpatupad ng batas ng gobyerno.
Kumbaga, nagpatali na ang ilang PNP regional, provincial director, city at municipal police chief at tiwaling miyembro ng kapulisan na umaaktong tong collector pa ng kanilang mga pinuno sa mga gambling operator na kapitan, kagawad ng barangay at hoodlum ng weekly tongpats, kapalit ng proteksyon at pangakong di makakanti ang kanilang operasyon.
Pero sa San Pablo City, hindi kapitan o kagawad ng barangay ang kumakale ng kita sa STL- con jueteng sa may 80 barangay ng nabanngit na lungsod, kundi isang non-commission officer na nakatalaga pa mismo sa siyudad dahil sa nakopo nito halos lahat ang mala-kabuteng operasyon ng naturang iligal sa lungsod ni Mayor Vicente B. Amante.
Pinaka-sentro ng operasyon ng STL bookies sa may 80 barangay ng San Pablo City kung saan ay may rebisahan ng taya sa STL ay ang mga barangay ng Sto. Angel at San Lucas. Sa buong lalawigan, ang naturang siyudad ang may pinaka-malaking kubransa ng taya sa STL na umaabot sa Php 1.5 milyon kada bola, kaya pinag-aagawang posisyon ito na makuha ng isang PNP official.
Nasa pamumuno ni LtCol. Joewie Lucas ang lokal na kapulisan na kahit minsan naman ay hindi umaksyon laban sa mga nagpapatakbo ng iligal na mga pasugalan tulad ng saklaan lalo pa ng STL bookies operator na pinatatakbo ng isa nitong tauhan.
Imposibe naman yata na kabungguang balikat lamang nito ang kanyang pulis, ngunit di nito (LtCol. Lucas) alam na kapitalista pala ito ng STL bookies sa kanilang hurisdiksyon at maging sa mga karatig na siyudad at bayan sa lalawigan ng Laguna?
Ano nang nangyari PNP Director General Rodolfo Azurin Jr. sir? Kung may pananagutan si LtCol. Lucas pagkat direktang nasa ilalim ng kanyang superbisyon at kontrol ang pulis na STL bookies operator na sa kanilang police station nakatalaga, ay ganon din, swak sina Laguna PNP Provincial Director Col. Ray Glenn Silvio at higit sa lahat ay si R4A Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa ilalim ng Principle of Command Responsibility na itinatadhana ng PNP law.
Ang lalo pang nakapanglulumong larawan ng kapulisan ng siyudad ng San Pablo sa ilalim ni LtCol. Lucas ay ang kawalan din ng aksyon ng mga ito laban sa iba pang mga bookies operator na kinilala din na sina Orlan; alias Sherwin na nagpapakilalang kamag-anak ni Mayor Amante; Timmy; Tose; Jun; Pinky at mga kapitalista ng sakla na sina Bong; Leviste; Katimbang; Castillo; Jenny; Rose at iba pa.
Dahil sa di masawata at malalang operasyon ng mga iligal na pasugal sa San Pablo City na karamihan ay prente ng bentahan ng droga, ay nanawagan na ang CALABARZON based anti-crime and drug watch crusader group kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Chief Col. Marlon R. Santos na magsagawa ng pinag-ibayong operasyon kontra-sugal ang pinagsanib na operatiba sa Laguna, Batangas, Cavite, Rizal at Quezon para lansagin ang operasyon ng pulis ng San Pablo City na kilalang Gambling/Drug King at nakabase nga sa Brgy. San Lucas at Sto. Angel ng naturang lungsod at ng iba pang nabanggit na iligalista sa siyudad.
Ipinagyayabang naman ng eskalawag na pulis na pansamantalang di ibinunyag ang pangalan na may linggguhan itong protection money na Php 20,000 na hatag sa Office of CIDG Provincial Officer, Php 30,000 naman sa tanggpan ng R4A PNP Regional Office at Php 50,000 sa isang mataas na city hall official.
Tingnan natin kung uubra ang pagiging astig ng paboritong tauhan kuno ni LtCol. Lucas laban sa mga matitikas na CIDG operative ni Col. Santos? Abangan…
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.
The post PULIS NG SAN PABLO CITY, BOOKIES KING NG LAGUNA! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: