Facebook

‘Billy Joe’ lider ng payola ring sa CALABARZON; Anay sa liderato ni PNP Chief Acorda, kinondena!

HINDI pa nakakabuwelo sa matinding pagkakalugmok sanhi ng pagkakasangkot ng ilang police officials sa P6.7 billion halagang shabu ang Philippine National Police ay nahaharap na namanito sa panibagong kontrobersiya.

May kinalaman ito sa multi-million vice payola racket na matagal nang nangyayari sa Region 4-A subalit kamakailan lang sumingaw, matapos magkaroon ng ‘di pagkakaunawaan ang mga nasa likod nito na pawang opisyales ng pulisya.

Ayon sa Crime and Vice Crusaders group na nakabase sa rehiyon, isang sindikato na binubuo ng mga opisyal ng PNP kasama ang mga financier ng illegal gambling tulad ng STL-jueteng o bookies, Peryahan ng Bayan (PnB), Lucky Bingo o Bingo online, loteng, EZ2, Swertes, sakla, pergalan (perya at sugalan), gayundin ang mga operator ng paihi o buriki, illegal logging, mining at quarrying, illegal passenger van terminal, at iba pang ilegalista ang utak sa nasabing vice payola.

Ilan sa malalaking pangalan ng mga gambling operator ay kinilalang sina alyas John Yap, maintainer ng PnB con jueteng sa Cavite at Rizal Province; Don, kapitalista ng Lucky Bingo o Bingo online EZ2, loteng at Swertres sa Cavite at Batangas; mga STL-jueteng financier at drug pusher ng Tanauan City, Batangas na pinangungunahan ng isang Ocampo, Ablao, Biscocho, Gerry, Ms. Bagsic, Dimapilis, Kon. Burgos, Kon. Perez at 26 iba pang ka-grupo ng mga ito.

Kabilang din sa kanila ang STL-jueteng operator na sina Bruce ng bayan ng Laurel; Willy Bokbok ng Nasugbu;Timmy ng San Pascual at Mabini; Laguna based STL- jueteng o bookies maintainer na sina Tose, Tita, Osel, Mayang, Orlan, Barretto, Jason, Sherwin at iba pa, gayundin ang mga sakla operator ng Padre Garcia, Batangas na sina Tisoy at Nonit.

Ang iba pang gambling operators ay kinilalang sina Maricon na sakla operator ng Naic at Noveleta, Cavite; at pergalan financier ng San Pablo City, Laguna na mag-asawang Evie at Boy Life; Quezon Province operator na si Luisa ng bayan ng San Antonio; Ajie ng bayan ng Agdangan, Gumaca at Calauag; Lyn ng Sariaya; Alex ng Tiaong at iba pa.

Kinilala din ang paihi operator sa Batangas na sina Ed at Rico ng Brgy. Bulihan, Malvar; Glen at Dodong ng Calaca; Kap Dan ng Lipa City; Quezon Province based paihi, buriki at pasingaw maintainer na sina Troy ng Tiaong; Lanie ng Candelaria; Sammy ng Guinyangan at pati na si Ador ng Brgy. Makiling, Calamba City.

Kinilala din ang mga illegal logger ng Quezon Province na sina alyas Kap Nogi, Ramil at Charlie ng bayan ng Gumaca; Macoy ng Agdangan, alyas Sgt. Tagoy ng Padre Burgos; Alex ng Unisan; Rickson, Martin, Dag, Ursua, at Valiente, lahat ay taga-bayan ng Mauban. May tinatayang mahigit 160 iba pa ang nag-ooperate ng illegal logging sa buong Quezon.

Nabulgar ang matagal nang itinatagong payola nang maupo si BGen. Carlito Gaces bilang Regional Director ng R4-A ilang araw bago magretiro si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. noong Abril 24, 2023, kapalit ni BGen. Jose Nartatez Jr. na inilipat sa Camp, Crame Police Headquarter, Quezon City.

Kalakaran na sa CALABARZON na binubuo ng mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ang pagsasagawa ng bidding upang pamahalaan ang pangongolekta ng regular na lingguhang tong o lagay na nanggagaling sa mga operator ng gambling, paihi, illegal logging, mining/quarrying at iba pang kailigalan.

Sa ginanap na payola bidding kamakailan lang, isang nagpakilalang “Billy Joe “ang nanalo upang pangasiwaan ang tong collection sa rehiyon sa halagang P6.4 million kada linggo na ibibigay sa Office of the Regional Director sa Camp Vicente, Canlubang, Laguna.

Ayon sa source, si “Billy Joe” ay isang police major na dating nakatalaga sa Cavite na ngayo’y naka-assign sa Regional Intelligence Unit na ang trabaho ay magpakolekta ng lingguhang lagay o suhol sa mga gambling operator na kanyang binigyan ng basbas na makapag-operate ng kanilang mga gawaing iligal sa buong rehiyon.

Hiling ng anti-crime and vice groups kay PNP Chief Acorda Jr., na silipin ang katarantaduhan na ito ni Major Billy Joe katulad ng mainit na pagsiyasat sa 990 kilos shabu haul, pagkat ito ay panibagong malaking isyung tiyak na makakasira sa bagsak nang imahe ng PNP. (CRIS A. IBON)

The post ‘Billy Joe’ lider ng payola ring sa CALABARZON; Anay sa liderato ni PNP Chief Acorda, kinondena! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Billy Joe’ lider ng payola ring sa CALABARZON; Anay sa liderato ni PNP Chief Acorda, kinondena! ‘Billy Joe’ lider ng payola ring sa CALABARZON; Anay sa liderato ni PNP Chief Acorda, kinondena! Reviewed by misfitgympal on Mayo 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.