Facebook

GUESTING NI DOK POKS SA ‘MACHRA’S BALITAAN,’ IKINABILIB NG MARAMI

Naging maningning at ubod ng saya ang ginanap na ‘MACHRA’s Balitaan’ news forum nitong Lunes sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila. Ang nasabing forum ay buwanang ginagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na kinabibilangan ng mga lehitimong mamamahayag na nagco-cover sa City Hall ng Maynila.

Sa kanyang kauna-unahang appearance sa isang forum, ginulat ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, hepe ng Manila Health Department (MHD) ang mga taga-media na nag-cover ng forum.

Hindi kasi inaasahan na napakagaling pala sumagot at magpaliwanag ni Dok Poks at madalas pa ay hinahaluan nito ng biro habang seryoso naman ang mukha.

Nabusog sa impormasyon ang lahat dahil sa detalyadong pagpapaliwanag ni Dok Poks kung ano ang papel ng MHD sa buhay ng mga taga-Maynila at kung ano-ano ang mga libreng serbisyong medikal ang ibinibigay ng pamahalaang-lungsod para sa mga nasasakupan nito.

Napakarami palang pakinabang ng mga taga-Maynila sa anim na ospital at 44 health centers na pinatatakbo ng MHD pero ang pagbibigay ng mga libreng serbisyo ay tahimik lamang na isinasagawa ng lungsod. Trabaho lang talaga, ika nga.

Sobrang prangka ni Dok Poks. Sasagutin niya anumang katanungang ipukol sa kanya at balewala sa kanya kung may tamaan nang di maganda.

Gaya na lamang nang tanungin siya ng aming Vice President na si Andi Garcia kung ano sa tingin niya ang dahilan at napakababa lamang ng bilang ng mga nagpapa-booster shots, base sa records ng MHD.

Nagtanong muna si Dok Poks kung okay lang magsalita kahit medyo censored at siyempre pa, nagsisagot ang mga taga-media na okay lang.

Dun na direktang sinabi ni Dok Poks na ang ugat ng mababang bilang ng nagpapa-booster ay ang pagtatanggal ng mga ‘restrictions’ o paghihigpit sa mga tao.

Ikinumpara niya na mataas ang bilang ng mga nagpapabakuna noong bandang umpisa ng COVID-19 dahil hinahanapan ng pruweba ng pagiging bakunado ang isang tao bago ito payagang makapasok sa shopping mall, kumain sa restaurant o maging lumabas ng bahay.

Ngayon nga naman, lahat pupuwede nang gumala at pumasok sa anumang establisimiyento, bakunado man o hindi. Kumbaga, hindi na hinahapan ng vaccination card o proof ang mga tao kaya wala na rin silang interes na magpa-booster pa.

Bilib ako sa political will ni Dok Poks. Hitsurang may mga magagalit sa kanyang tinuran, lalo na ‘yung mga hindi naniniwala sa bakuna, pero sinabi niya ang sa tingin niya ay tama.

Sa ganang akin, totoo ang kanyang tinuran at ganito rin ang naging reaksyon ng mga kasamahan sa media na naroon nang mga oras na iyon.

Aber, subukan nga ng gobyerno na ipagbawal sa mga mall at restaurant ang walang booster shots kapag hindi mabilis pa sa alas-kuwatrong magpapa-booster ang mga tao.

Ewan ba naman sa mga tao. Libre na nga at para din sa sarili nilang proteksyon, ayaw pa.

Marami kasi ang nag-aakala na wala nang COVID. Ipinaliwanag din ni Dok Poks na narito pa ang COVID, kahit pa ni-lift na ng World Health Organization ang kategoryang public health emergency ng COVID.

Ani Dok Poks, nangangahulugan lamang na kanya-kanya na ngayong bili ng bakuna ang mga bansa na dati ay sinusuplayan nang libre dahil nga nasa public health emergency situation ang buong mundo.

Hindi naman nagkukulang si Mayor Honey Lacuna sa pagpapa-alala sa lahat na narito pa ang COVID at sa katunayan ay inobliga pa niya ang pagsusuot ng facemask sa loob ng City Hall para makatulong daw kahit paano na di na madagdagan pa ang tumataas pa ring bilang ng COVID cases sa mga nakalipas na linggo.

Sadyang marami lang talagang makulit at di makaintindi.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

The post GUESTING NI DOK POKS SA ‘MACHRA’S BALITAAN,’ IKINABILIB NG MARAMI appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
GUESTING NI DOK POKS SA ‘MACHRA’S BALITAAN,’ IKINABILIB NG MARAMI GUESTING NI DOK POKS SA ‘MACHRA’S BALITAAN,’ IKINABILIB NG MARAMI Reviewed by misfitgympal on Mayo 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.