Facebook

Bong Go: Pagkawala ng power supply sa Samal Island, aksyonan

Sa pagdinig ng Senate committee on energy, ipinahayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagkabahala sa patuloy na pagkawala ng suplay ng kuryente sa Island Garden City of Samal (IGACOS) sa Davao del Norte.

“Concerned lang po ako dahil kapitbahay rin po namin ito. Gusto ko lang magsalita sa isyu ng brownout sa Samal bilang isang Dabawenyo, nasa harapan lamang namin ito,” ani Go.

Binigyang-diin ng senador na matagal na ang problema ng krisis sa kuryente sa sektor ng enerhiya sa bansa at sa nakaraan ay natalakay ng komite ang brownout sa Mindoro, Palawan. Ngayon naman ay ang krisis sa suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro, Panay Island, at Samal Island.

“Nakalulungkot malaman na sa kabila ng ating pagsisikap na lutasin ang mga isyu sa suplay ng kuryente sa ating bansa, tila walang nagbabago. Ano ba ang tunay na problema dito?”

“May mga lugar na walang brownout, meron talagang lugar na hanggang ngayon problema pa rin ang brownout. Kung sa Davao, walang brownout, bakit sa island na harapan lang nito mismo, magkakaroon ng ilang oras na brownout, 8 hours, 6 hours?,” ayon sa senador.

Binigyang-diin ni Go ang mga posibleng kahihinatnan ng buhay ng mga Pilipino at pag-unlad ng bansa sa pagkawala ng kuryente.

“Huwag na po sana nating antayin pa na sunud-sunod na magkaroon ng power crisis ang bawat probinsya sa ating bansa,” giit niya.

Sinabi ng mambabatas na ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng ilaw, pagluluto, pagpapalamig, at komunikasyon ay naging malaking hamon dahil sa pagkawala ng kuryente.

Higit dito, ang mga mag-aaral ay nahihirapan sa pag-aaral, ang mga negosyo ay dumaranas ng pagkalugi sa pananalapi, at ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ay nakokompromiso, lalo sa mga ospital na walang backup generator

“For the information of the body, I was informed that some resorts in Samal are already closing down due to energy crisis in the island.”

“This gravely affects not only the resort businesses but also the economy of Samal island since its income heavily relies on their tourism,” anang senador.

Aniya, ang kasalukuyang krisis sa enerhiya sa isla ng Samal ay malapit nang magresulta sa isang krisis sa ekonomiya kung hindi malulutas sa lalong madaling panahon.

Ang pagsasara ng mga resort ay nangangahulugan ng pagpapaalis ng mga manggagawang nagtatrabaho sa mga resort na ito. Nangangahulugan din ito ng mas kaunting pagkain sa hapag-kainan ng kanilang mga pamilya, sabi pa ng mambabatas.

Binanggit ni Go ang Northern Davao Electric Cooperative, Incorporated (NORDECO) at ang 14.7-kilometer submarine cable project nito na nagkakahalagang P1.1 bilyon ay dapat tutugon sa kakulangan ng kuryente sa Samal Island.

Gayunman, ang proyekto na orihinal na inaasahang magiging operational sa unang quarter ng 2023 ay hindi pa rin gumagana. Mayroon ding mga paratang ng pagnanakaw na posibleng magdulot ng karagdagang pagkaantala.

Bilang tugon, humingi ng paumanhin si Jolly Ann C. Kuan, Manager ng Corporate Planning Department sa NORDECO, sa abalang dulot ng interruptions at tiniyak sa senador na magpapadala ng 2-megawatt generator set sa isla sa Mayo 26 upang matugunan ang kasalukuyang power deficiency.

Ipinaliwanag pa niya na ang energization ng submarine cable project ay nakaiskedyul sa Hunyo 30 ngayong taon na magbibigay ng pangmatagalang solusyon sa krisis sa kuryente.

The post Bong Go: Pagkawala ng power supply sa Samal Island, aksyonan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Pagkawala ng power supply sa Samal Island, aksyonan Bong Go: Pagkawala ng power supply sa Samal Island, aksyonan Reviewed by misfitgympal on Mayo 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.