Facebook

BONG GO: SRP SA SIBUYAS, AGRI PRODUCTS ESTRIKTONG IPATUPAD

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kinauukulan na estriktong ipatupad ang suggested retail price sa sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura upang maprotektahan ang mga konsumer mula sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga residente sa Pasig City, sinabi ni Go na nananatiling mataas ang presyo sa ilang bahagi ng Metro Manila kaya nanawagan siya sa Department of Trade and Industry na mag-monitor at ipatupad ang standard retail prices.

“Nababalitaan natin, meron pong mga as high as P200 per kilo d’yan po sa Guadalupe Market sa Makati, sa Marikina sa Mega Q Mart po sa Quezon City. At trabaho po ng ating DTI na i-check talaga ang presyo at kung maaari ay kasuhan po ang mga lumalabag,” ani Go.

Upang matugunan ang isyu, iminungkahi ni Go na imbestigahan ang hoarding oo stockpiling activities na maaaring dahilan ng pagtaas ng mga presyo.

“Bakit mataas ang presyo? Baka mataas din ang bili nila, ‘yung puhunan nila. Bakit mataas? Maaari bang merong nagho-hoard, meron bang nagtatago ng supply kaya tumataas ang presyo. ‘Yun ang dapat silipin,” anang senador.

Nanawagan ang senador sa mga law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Bureau of Customs na masigasig na ipatupad ang batas.

Sa pagsupil sa mga nagsasamantala sa sistema, sinabi ni Go na mapangangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino.

Nauna rito, idiniin ni Go na sa pamamagitan ng Anti-Smuggling Law, kailangang dakpin at usigin ang mga sangkot sa smuggling activities at manipulasyon ng presyo kaya mas mahal na ibinebenta ang sibuyas sa merkado.

“Yung talagang nagsasamantala, totohanang hulihin, ikulong, kasuhan. ‘Yan po ang pakiusap ko sa gobyerno,” giit niya.

Ipinatupad ng Department of Agriculture noong Lunes ang mga regulasyon sa presyo sa pakyawan na sibuyas. Ang mga limitasyong ito ay nakabatay sa “cold storage price” at nakatakda sa P115 kada kilo para sa pulang sibuyas at P100 kada kilo para sa puting sibuyas.

Upang matugunan ang domestic demand, pinahintulutan din ng DA ang mga mangangalakal na mag-import ng 22,000 metrikong tonelada ng sibuyas.

Samantala, sa pagtugon sa tumataas na presyo ng produktong pang-agrikultura at sa nagbabantang isyu ng pag-aangkat, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at pagpapatupad ng mga hakbang upang mapahusay ang produktibidad ng agrikultura.

“Unahin muna natin ang local farmers: more trainings, technology transfer, more fertilizers, itong drought-resistant seeds, irrigation. Kailangang tumaas po ang productivity rate natin lalo na ang maliliit nating magsasaka,” dagdag ng mambabatas.

Iminungkahi niya na ang mga pagbili ng gobyerno, tulad ng ginawa ng National Food Authority, ay dapat unahin ang mga lokal na magsasaka.

“Ang importation, kung kailangan lang, kung nagkakaroon lang ng shortage para hindi tumaas ang presyo, saka na tayo mag-import,” sabi ni Go.

The post BONG GO: SRP SA SIBUYAS, AGRI PRODUCTS ESTRIKTONG IPATUPAD appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BONG GO: SRP SA SIBUYAS, AGRI PRODUCTS ESTRIKTONG IPATUPAD BONG GO: SRP SA SIBUYAS, AGRI PRODUCTS ESTRIKTONG IPATUPAD Reviewed by misfitgympal on Mayo 24, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.