
Nakausap ko sa aming programang UP UP Pilipinas ang isang ina na isinalaysay ang kwento ng hamon at inspirasyon sa kanilang buhay nang napasakamay ang kanyang anak sa mga rebeldeng grupo ngunit sa bandang huli ay nagbalik loob sa pamahalaan at ngayon ay malapit nang maging opisyal ng Philippine Marines.
Siya po sy si Ginang Zeny Raca at matapang niyang ikweninto sa amin ang sinapit ni Justine Kate, ang pangalawa sa kanyang apat na anak kung saan noong sumali raw ito sa mga grupong “The League of Filipino Students” at Anakbayan sa University of the Philippines Diliman ay doon nagsimula ang kalbaryo sa buhay nila.
Simula nang tumungtong ng hayskul sina Jasmin at Justine Kate ay nagresign sa trabaho si Ginang Zeny para matutukan ang pag-aasikaso at pag-aalaga sa kanyang mga anak.
Paglalahad ni Ginang Zeny, nagsimula ang problema nila ni Justine ay noong naging 2nd year college siya sa UP Diliman. Ayon sa sharing ni Ms Zeny, palagi na raw gabi kung umuuwi ng bahay si Justine Kate at sa tuwing darating daw ito ay palagi itong madungis, at palagi rin daw itong nagpupuyat.
Ito umano ang madalas pag-agawan nilang mag-ina ngunit sa kabila ng paulit-ulit na sermon ni Ginang Zeny ay patuloy pa ring nagpapasaway si Justine.
Third year college nang tuluyang maging aktibista si Justine Kate kung saan ilang buwan itong nawala para magtungo sa Cotabato at Mindoro upang sumailalim sa immersion program ng CPP-NPA.
Dulot ng sunod-sunod na pagrerebelde ng dalaga ay pinagsabihan na si Ginang Zeny ng kanyang asawa na bantayan ng mabuti si Justine dahil sa pangambang magtutuloy-tuloy ito pero dahil sa pagtitiwala sa anak ay hinayaan nya ito. Ngunit hindi akalain ng ginang na tuluyan silang matatalo ng mga grupong ito.
Dahil doon ay may mga pagkakataong inuwi na ni Ginang Zeny ang mga gamit ni Justine sa bahay nila sa Bulacan at pinagsabihan na mag-uwian na lang ito ngunit palagi silang nauuwi sa away. May pagkakataon din na gusto nang magsuplong ng ginang sa mga awtoridad ngunit wala naman siyang maisip na ikaso laban sa anak.
Nangako naman si Justine Kate sa ina na tatapusin nito ang pag-aaral sa kabila ng mga hindi kanais-nais nitong mga gawain.
Pagkagraduate ni Justine Kate noong 2019 ay sinabihan siya ng ina na mag-apply na siya sa review center para sa Teachers Board exam ngunit tumanggi ito dahil hindi naman daw siya magtatrabaho.
Pinilit na umuwi ni Ginang Zeny si Justine Kate na umuwi ng Bulacan ngunit mariin itong tumanggi.
Dumating ang pinakakatakutan nito at tuluyan nang umalis si Justine Kate sa kanilang buhay at sumama ito sa CPP-NPA.
Nag-iwan ang dalaga ng liham sa kanyang tinutuluyang condo kung saan humihingi siya ng paumanhin dahil sa mga nagawa nito sa kanyang pamilya. Nakasaad din doon na ang pagtuturo sa mga bata sa kabundukan ay ang kanyang magiging kasiyahan.
Makalipas ng ilang buwan matapos magtungo sa bundok ay madalas naman daw tumatawag si Justine para ipaalam ang kanyang kalagayan.
Pagsapit ng 2020 ay nagkaroon ng engkuwentro sa lugar na kinalalagyam ni Justine ngunit mapalad ito na nakaligtas sa madugong sagupaan na ito.
Sa ikalawang engkwentro ay napahiwalay sa grupo si Justine Kate kung saan dito na siya sumuko sa kamay ng Philippine Marines.
Sa naging interogasyon ng Philippine Marines kay Justine Kate ay doon nila napag-alaman na noong 2015 pa pala siya miyembro ng rebeldeng grupo. Doon din nila nalaman kung gaano kalala ang brainwashing strategy sa kanila ng CPP NPA kung saan isiniksik sa kanilang isipan na kapag sila ay nahuli ng mga sundalo ay papahirapan sila at papatayin.
Gaya ng ipinangako ng Philippine Marines kay Ginang Zeny ay inalagaan nila ng mabuti si Justine Kate sa kanilang kustodiya bago ito kunin ng kanyang pamilya noong Disyembre 2020.
Habang papunta si Ginang Zeny sa Palawan para makita ang anak ay may nagpunta sa kanilang bahay na nagpakilalang mga kaibigan daw ni Justine at anila tutulungan daw sila na mabawi ang anak sa mga kamay ng Philippine Marines.
Nalaman niya na ito ay mga miyembro ng Karapatan kaya si Ginang Zeny ay tumanggi sa kanilang alok at binantaan nya ang grupo na kapag hindi sila umalis sa kanyang bahay ay ipapahuli niya ito sa mga pulis.
Hindi raw tumigil ang Karapatan at sinundan pa sila sa Palawan sa pag-asang makikipagsanib puwersa si Ginang Zeny sa kanila.
Pagkalipas ng isang taon, sa naging pamamalagi ni Justine Kate sa poder ng Philippine Marines ay nakita ni Ginang Zeny ang positibong pagbabago sa buhay ng dalaga.
At matapos ang mga hinagpis at mga pagsubok, si Justine Kate sa ngayon ay malapit nang maging opisyal ng Philippine Maritimes.
Malaking pasasalamat ni Ginang Zeny sa naging tulong ng pamahalaan sa kanyang anak para mabago ang kanyang nalihis na pananaw at manumbalik ang kanyang dating sarili.
Payo ni Ginang Zeny sa mga estudyante na imbes na sumali sa mga front organizations ay mag-aral na lang ng mabuti dahil sisirain lamang ng mga grupong ito ang kanilang buhay at kinabukasan.
Para naman sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay unti-unting nahihikayat ng mga front organization, maaari silang sumangguni sa Hands Off Our Children Movement Inc.
Ako ay umaasa na ang kwento ng pagbabago ni Justine Kate Raca ay maging inspirasyon para sa mga natitira pang miyembro ng mga rebeldeng grupo lalung-lalo na sa mga nagtatago sa kabundukan na magbalik loob na sa pamahalaan upang tuluyang matapos ang walang saysay na armadong hidwaan sa pagitan ng AFP at CPP-NPA. (Caryl Araza)
The post Kuwento ng inang ninakawan ng anak, ngayon ay mag oopisyal na sa Philippine Marines appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: