Facebook

P12M ayuda sa 1,201 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz – Mayora Honey

MAY kabuuang 1,201 pamilya na nasunugan kamakailan sa Sta. Cruz, Manila ang tumanggap ng P10K bawat isa o kabuuang P12M bilang suportang pinansyal ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Personal na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang distribusyon ng ayuda sa nasabing bilang ng pamilya kung saan nagpahayag din siya ng kalungkutan dahil sa buhay na nawala sa sunog. Siya ay inasistehan nina Congressman Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo, social welfare department chief Re Fugoso at ng mga third district councilors.

“Ipagpaumanhin nyo po na kailangan namin kayong ipatawag dito sa P. Gomez (Elementary School) dahil medyo malaki-laki po kayong grupo… 1,201na naapektuhan sa nangyaring sunog dito sa Barangay 310. Nakakalungkot po talaga dahil ngayon palang tayo bumabangon tapos tatamaan tayo ng ganitong uri ng trahedya,” sabi ng alkalde.

Gayunpaman, tiwala si Lacuna sa katatagan ng mga Manileño dahil aniya: Nakakalungkot po talaga pero tayong mga Manilenyo, babangon, babangon at babangon. Ganyan tayo katatag.”

Dagdag pa dito ay sinigurado ng alkalde sa mga biktima ng sunog na ang pamahalaang lungsod ay laging nandyan upang magbigay ng kinakailangang tulong sa abot ng makakaya nito.

“Makakasiguro kayo na ang inyong pamahalaan ay lagi n’yong katabi anuman ang mangyari,” pangako ni Lacuna.

Ayon sa lady mayor, hindi man kalakihan ang tulong pinansyal mula sa pamahalaang lungsod, ito naman ay makakatulong upang makapagsimulang muli ng kanilang buhay ang mga biktima ng sunog.

Nangako si Lacuna na kung gaganda pa ang fiscal condition ng lungsod ay magbibigay uli siya ng panibagong tulong. Umabot sa kabuuang P12 million o P10,000 ang ibinigay ng alkalde sa kada isang pamilyang biktima ng sunog at ito ay maliban pa sa food boxes.

“At nabanggit na rin po ni Direktora Re fugoso na bukas, tutulong muli naman sa inyo ang inyong Congressman, Atty. Joel Chua sampu ng mga kasamahan namin sa konseho na bumubuo sa Distrito 3. Kung tayo ay magtutulungan, wala pong imposible,” giit ng lady mayor.

Nabatid na si Rep. Chua ay nagbigay ng P5,000 kada isang pamilya habang ang mga councilors naman ay namigay ng bags of goods.

Isa ang namatay habang apat ang sugatan nang maganap ang sunog sa residential area sa Sta. Cruz, Manila noong May 14.

Inulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsimula ang sunog dakong 2:49 a.m. sa Oroquieta Street sa Sta. Cruz, kung saan nawalan ng tirahan ang may 1,201 pamilya habang tinatayang nasa P1.5 million naman ang napinsala.

Ang sunog ay nagsimula sa gusaling pag-aari ng isang Joker Flores at inookupahan naman ng isang Balong Flores. Umabot ng fifth alarm ang sunog at tumupok sa may 400 na kabahayahan bago naapula ang apoy. (ANDI GARCIA)

The post P12M ayuda sa 1,201 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz – Mayora Honey appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
P12M ayuda sa 1,201 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz – Mayora Honey P12M ayuda sa 1,201 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz – Mayora Honey Reviewed by misfitgympal on Mayo 21, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.