Facebook

‘WAG KAYONG TUTULOG-TULOG DYAN SA DENR

EWAN ko kung pupurihin ko ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga lokal na opisyal ng Cagayan de Oro City sa balitang inaresto at kinasuhan na ang limang (5)Chinese national at 13 kasabwat na Pinoy na matagal nang may illegal mining operation sa Iponan River.

Ewan kung natutulog sa pansitan ang mga bossing sa Cagayan de Oro City at ng DENR sa Northern Mindanao Region 10 nito lang Sabado, Mayo 13, inaresto ang illegal miners e matagal na silang nagmimina sa ilog Iponan.

Imposibleng di alam ng Mines and Geosciences Bureau, ng Environment Management Bureau at ng mga taga-City Hall ang ilegal na operasyon na ito!

Nagmalaki pa itong si Ban Mikhael Pacuribot, legal division chief ng DENR-10 na kinikilala na raw nila ang tunay na pangalan ng limang Chinese national sa tulong ng Bureau of Immigration (BI) – na tutulog-tulog din, kasi matagal nang ilegal ang pananatili ng mga dayuhang ito, hindi hinanap at nagawa pang mag-illegal mining ng ginto!

Inamin ni Pacuribot na inireport na sa kanila ang ilegal na operasyon sa 7.3 ektaryang lugar sa Barangay Tumpagon at Pigsag-an pero nito lang nakaraang linggo sila kumilos, e ang tanong: bakit hinintay pa nyong wasak na, polluted na ang ilog saka kayo kumilos?

Sa report, 24 oras araw-araw mag-operate ang illegal mining, Atty. Pacuribot na walang proper permit.

Kung kumilos kayo agad, Mines and Geosciences Bureau-10 Director Felizardo Gacad Jr. baka hindi nasira ang malinis na ilog ng Iponan, hindi nawasak ang lupa at iba pang mineral sa lugar.

Sabi mo pa, Gacad, base sa kinumpiskang mga gamit at makinarya ay nakita n’yo na matagal na ngang nagmimina ng ginto ang mga lokong minero.

Hindi lang ang mga inaresto nyo ang dapat na kasuhan, pati kayo riyan sa DENR-10 kasi kaya nawasak, kontaminado ang lugar at Ilog Iponan kasi pabaya kayo, inutil kayo at ayaw kong isipin na may kumikita sa matagal nyong pagkilos laban sa illegal miners.

Isinulat ko ito kasi, nangyayari ito sa maraming lugar sa bansa na kahit marami tayong batas laban sa illegal miners, mga batas laban sa illegal loggers at sumisira sa ating natural resources, ang mga opisyal at tauhan na may responsibilidad na pangalagaan, protektahan at payamanin ay ano ang ginagawa?

Pakuya-kuyakoy, papogi lamang at kapag nabanatan, kapag wasak na ang kalikasan saka kumikilos at nagmamayabang na gawa ng operasyon laban sa ilegal miners, nailigtas ang tuluyang pagkawasak ng ating natural resources.

Prevention po, agad-agad na pagkilos ang solusyon laban sa polusyon at pagkawasak ng ating likas-yaman, mga bossing dyan sa DENR.

Hanggang ngayon, ang dami pa ring illegal quarrying, illegal dump sites at black sand mining at kalbo na ang kabundukan at walang silbi ang ginagawa nyo riyan na reforestation.

Tama, nagagawa nyo na magsampa ng mga kaso laban sa mga inaresto nyo, pero hindi po ba mas maganda kung maging lagi kayong alisto at mabilis umaksyon laban sa mga polluters, sa mga illegal miners.

Ano ang silbi ng mga batas kontra sa pagsira sa kalikasan kung ang dapat magprotekta ay kungdi tutulog-tulog, inutil ay posibleng kasabwat pa ng mga illegal miners, illegal loggers at iba pang mga walanghiya!

Sasabihin nyo, e kulang kayo sa tauhan para mabantayan ang lawak ng kagubatan, kabundukan at kailogan at iba pang lugar sa bansa.

Aba, kulang ba kayo sa talino, wisyo at paraan para malutas ang problemang ito, e kaya kayo inilagay riyan hindi para magreklamo lang kungdi umaksiyon, mag-isip at magpatupad ng solusyon.

Sayang ang mga seminar, sayang ang madalas nyong pag-attend o pagbisita sa ibang bansa para kuno ay kumuha ng mga bagong idea at teknolohiya para sa proteksyon ng ating environment and natural resources.

Ano ang nangyari sa mga inatenan nyong kumperensya sa ibang bansa, namasyal lang kayo at nagpasarap, hindi naman siguro, mga bossing sa DENR.

Tiyak may natutuhan kayo, may mga nalaman kayong abilidad at teknikalidad at kaalaman upang mapangalagaan, mapayaman ang ating likas na yaman.

Pero bakit sa kabila nito, patuloy ang operasyon ng mga lintik na tagasira ng ating likas-yaman?

Ayaw nating isipin na inutil kayo riyan at ayaw nating isipin na may nagkakapera sa matagal na aksyon laban sa mga illegal miners – na ito ay malinaw na nakita sa nangyaring pagkawasak ng Iponan River sa CDO.

Kung agad na kumilos ang DENR-10 laban sa illegal miners sa CDO, hindi nangyaring nasira ang Iponan River, hindi nasira ang mayamang kalikasan sa Barangay Tumpagon at Barangay Pigsag-an.

Maagap na kilos, hindi lang masipag na pagpapatupad ng batas ang kailangan n’yo riyan sa DENR.

Dapat ding sisihin ang ating mga lokal na gobyerno na sila mismo ang nagbibigay ng local permit sa pagmimina at hindi iniisip ang perwisyong dala ng polusyon at kontaminasyon sa kalikasan.

Kasi, mas masarap sa palad ang pera, buwis na makukuha sa mga minahan na walang sapat na kagamitan, teknolohiya para sa pagkuha ng mga mineral ay hindi gaanong masisira ang kalikasan.

Tama na mahalaga ang pagkuha ng mineral na tulad ng ginto, cobalt, nickel at iba pang yamang mula sa ibabaw at ilalim ng lupa, katubigan at kabundukan.

Kailangan ang mga sangkap na ito sa industriya at sa pag-unlad ng ekonomya, pero dapat ay naipatutupad ang mga batas upang pangalagaan ang ating likas-yaman.

Ito ang malaking kulang na dapat na tingnan ng ating mga opisyal sa DENR, lokal na pamahalaan at ng buong gobyerno.

Matapat na kilos at pagtupad sa tungkulin sa bayan, ito po ang dapat nating makita upang hindi maubos kungdi mapangalagaan at mapayaman pa ang ating likas-yaman ng bansa.

Matitino, matapat at mahusay na lingkod-bayan ang kailangan sa DENR.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post ‘WAG KAYONG TUTULOG-TULOG DYAN SA DENR appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘WAG KAYONG TUTULOG-TULOG DYAN SA DENR ‘WAG KAYONG TUTULOG-TULOG DYAN SA DENR Reviewed by misfitgympal on Mayo 21, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.