
HINIHIKAYAT ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng Maynila na pumunta sa 44 na health centers upang malaman at makakuha ng mas pinalawak na health services na inaalok dito.
Nanawagan din siya sa lahat ng Manileño na i-follow ang “MENCHO” sa Facebook na inilunsad ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, upang mabigyang kaalaman ang lahat sa iba’t-ibang serbisyo na ibinibigay nito para sa kapakinabangan ng lahat. Ang ibig sabihin ng MENCHO ay ‘mensaheng city health officer.’
Hiniling din ng alkalde sa mga baranggay na kumbinsihin ang kanilang mga nasasakupan na dalhin ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health centers, dahil ang tigdas ay isang seryosong sakit.
Ayon kay Pangan, ang lungsod ay nagbibigay ng free vaccination laban sa polio, rubella at measles.
“Kasama sa new services sa ating mga health centers na ibinibigay ay
libreng clinical laboratory testing, CBC, cbc, fecalysis, urinalysis, DPT, ECG, cholesterol, ultrasound sa buntis,” sabi ni Pangan.
Ito, ayon pa sa kanya, ay bukod pa sa karaniwang serbisyo na ibinibigay ng health center tulad ng free consultation, vaccination, family planning, at iba pa.
“Inaanyayahan ko kayong lahat na bisitahin ang ating mga health centers para makita n’yo at masubukang magamit ang nga serbisyong ibinibigay natin,” dagdag pa ni Pangan.
Ang pinakamahalaga dito, ayon pa kay Pangan, ay ang OPV-MRSIA o oral polio vaccination, measles, rubella, supplemental immunization activity o ang tinatawag na catch-up immunization.
Ipinaliwanag niya na ang OPV-MRSIA ay ginagawa na sa MHD matapos ang pandemya para sa mga batang limang taon pababa at bagong silang hanggang 59 months old.
Kaugnay nito ay pinasalamatan ni Pangan ang lahat ng MHD staff, Department of Health at mga volunteers na dumideretso sa komunidad upang ipaalam ang mga serbisyong ibinibigay ng MHD pati na ang mga nakalinyang gawain ng departamento.
“Ang tigdas ay nakakamatay. Dapat sa Pilipinas, wala nang magkaroon ng tigdas, rubella at polio. Ang lahat po ng ito ay matutugunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon. At ‘yan po ay sa pamamagitan ng bakuna,” pagdidiin ni Pangan. (ANDI GARCIA)
The post Serbisyo sa 44 health centers sa Maynila, mas pinalawak – Mayora Honey appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: