Facebook

BUCOR PERSONNEL, TIKLO SA PAGPUSLIT NG ‘KONTRABANDO’ SA NBP

HINDI nakalusot sa mga alertong tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang isa nilang ‘kabaro’ matapos na tangkain nitong ipuslit papasok sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang hinihinalang pinatuyong dahon ng tabako na nakatago sa loob ng compartment ng ambulansiya, napag-alaman sa ulat kahapon.

Ang walang humpay na pagsisikap ng BuCor na matanggal ang ‘bureau of undesirables’ ay nagresulta sa pagkakaaresto kay CO1 Marvin Ceballos, umano’y isa pang tauhan na sangkot sa pagpuslit ng mga kontrabando sa loob ng nasabing bilangguan.

Sa ulat kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ibinunyag ni J/SInsp Angelina L. Bautista (Ret.) OIC-Deputy Director General for Operations at ODG-Head Executive Assistant na bandang 2:47 ng hapon noong Sabado nang dumating ang BuCor ambulance na may plaka SAB 4894 na minamaneho ni Ceballos.

Si Ceballos ay may bitbit na isang deprive of liberty patient para sa emergency referral sa NBP.

Sinabi ni Bautista na bilang protocol, lahat ng mga tauhan at sasakyang papasok sa loob ng NBP ay isasailalim sa pagsusuri at paghahanap, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga hinihinalang tuyong dahon ng tabako na nakatago sa loob ng compartment ng ambulansya.

Agad na iniulat ng mga naka-duty na guwardiya na sina K9Hs Leonard Torralba at Joe Joanne Pecha ang insidente dahilan upang imbestigahan ang driver na si Ceballos at pagkaka-impound ng ambulansya para sa karagdagang imbestigasyon.

Nanindigan naman si Catapang na kailangan talagang maging vigilant ang kanyang mga tauhan dahil hindi lang PDLs ang binabantayan ng mga ito kundi pati ang sarili din nilang mga ‘kabaro’ sa bureau.

“Yan ang dahilan kung bakit ang ating programa ay Reform BuCor, magkasabay naming nirereporma ang sariling naming officers and personnel habang may programa rin kami to reform PDLs.” ayon sa BuCor chief. (JOJO SADIWA)

The post BUCOR PERSONNEL, TIKLO SA PAGPUSLIT NG ‘KONTRABANDO’ SA NBP appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BUCOR PERSONNEL, TIKLO SA PAGPUSLIT NG ‘KONTRABANDO’ SA NBP BUCOR PERSONNEL, TIKLO SA PAGPUSLIT NG ‘KONTRABANDO’ SA NBP Reviewed by misfitgympal on Hunyo 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.