Marami sa mga manunulat sa ano mang larangan ang makikitaan ng kakaibang estilo na nagbibigay ngalan sa sarili. Ang pagkakaiba’y hindi nangangahulugan na magaling ang isa sa isa. Walang matulak kabigin dahil naipapaabot ng maayos ang mensaheng ibig sa kaninuman. Sa maraming pagkakataon lalo’t sa nagnanais na magkaroon ng relasyon, ang pagsusulat ang mabisang paraan na ‘di maabot ng pausal o dahil sa utal, higit ang takot na mapahiya sakaling talikuran. Sa ligawan, marami sa mga binata ang nais na gamitin ang pagsulat ng liham at minsa’y kumakausap ng kaibigan na may kagalingan sa larangan ng sasamuan na magsulat para sa iniirog na dalaga. Sa sulat na natanggap ng dalaga, masasabing nahulog ang loob at hinarap ang binatang kinakabahan na naghahayag ng pagsinta, ang matamis na “oo” ang sagot.
Sa kasaysayan, maraming paraan ang mga manunulat na maipaabot ang nais na nagpabago sa lipunang ginagalawan sa pamamagitan ng pagsusulat. Nariyan ang pambansang bayani na sumulat ng dalawang obra na nagmulat sa mga pinoy sa pagmamalabis ng dayuhang mananakop. Hindi man tuwiran ang pagpapaabot ng mensahe ngunit sa titik nababasa na may kalabisang nagaganap sa lipunan. Maging ang ama ng pambansang rebolusyon, itinipa ang kaisipan at nasa puso sa isang tula ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Hanggang umaabot sa nagkaroon ng labanan na nagbunsod sa Kalayaan ng bayan sa dayuhan. Walang hindi nagsisimulang pagbabago na hindi na dokumento o naisusulat. Likas sa Pinoy ang kagalingan sa pagsulat na inilalabas sa anumang antas ng lipunan.
Sa bawat pagsusulat kailangan ang sahog na nagbibigay kulay sa obra na kinagigiliwan ng mga mambabasa. Ang sahog ang ‘di malasa sa una’y unti-unting babalot sa istorya ang ningning at kapapanabikan sa kalagitnaan hangang sa katapusan. At nariyan ang konting kiliti na medyo maliligaw ngunit ito ang nagpapatingkad sa obrang kinagigiliwan. Mapapansin ang ganda at hiwaga sa pagsusulat sa bawat taludtod na nagdadala ng mensahe ng nadarama higit sa pag-ibig sa bayan na kasing ilap ng manok na labuyo. Ngunit sa pagkakasilo, naroon ang tamis na tila pukyutan na babalik balikan. Sa katotohanan walang mali o tama sa anumang uri ng pagsusulat ang ambag ng pagpapaabot ng mensahe o dapat na malaman ang pangunahing layon higit sa mga mambabasa at sa mga susunod na batang manunulat?
Tulad ng bangit sa una, walang magaling o ‘di magaling sa pagsusulat, pare-pareho ang mga yan at ang pagkakaiba’y nasa bumabasa kung paano tinatanggap ang mensahe ng pagkakasulat. Subalit nariyan na may mga kinagigiliwan o favorite basahin dahil sa mga anekdota sa likhang gawa. Ngunit sa totoo lang, marami sa mga manunulat ang hindi nakakasimula ng obra kung wala ang paboritong bagay sa harap nito. Ang paghanda’y ginagawa upang sa pagsisimula’y maganda at magtutuloy tuloy na tila tubig ng ilog na patungong dagat. Nariyan na sa madaling araw nagsisimula, may sa gabi at may sa hapon. Ang katahimikan ng kapaligiran ang isa sa ikonsidera ng mga nagsusulat dahil dito nabubuo ang obra na nais isulat at tatapusin. Heto na ba ang kabuuan ng pagsisimula ng pagsusulat?
Hindi ang Sagot. Dahil hindi kumpleto ang pagsusulat kung wala o ‘di mapapansin ang tasa na naglalaman ng mainit na kape. Tunay na sa unang tipa sa gagawing obra ang paghigop sa mainit na kape ang simula na tila umaakit na gumalaw ang kaisipan sa nais na likhain. Sa katunayan ‘di lang sa pagsusulat mapapansin ang pag-inom ng kape, nariyan ang maraming mag-aaral sa kasalukuyan higit ang mga nasa graduate school, mga nag-aabogado, maging ang mga nagdudoktor ang makikita sa mga nagdadamihang kapihan sa bansa. Sa katunayan, napakarami ang mga kapehan sa bansa na katuwang ng maraming estudyante na nag-aaral lalo’t malapit ang huling pagsusulit. Nariyan na hindi dapat na makatulog sa pagbubukas ng mga aralin ng gumanda ang magiging sagot sa pagsusulit. Higit na inaasahan na makakuha ng mga Latin Honors na maipagmamalaki kay Nanay at Tatay.
Sa paglipana ng mga kapehan na ginagawang aralan ng mga estudyante, maging ng ilang propesyonal na umupo humigop ng kape, mainit man o malamig. Hindi batid kung ano ang meron sa mga kapehan at bakit tunay na tinatangkilik ng Pinoy, higit ng mga kabataan. May mga malalamig na kape na siyang tinatangkilik ng kabataan na parang pangmagdamag ang isang malaking baso. Habang ang mga propesyonal o tulad naming may edad ang mainit na kape ang nagpapaandar ng isip upang simulan ang obra o ang isang artikulo. Hindi tinatatwa ang pagkaibig sa kape sa halip ito’y pinangangalandakan dahil ito ang masasabing pambansang inumin.
Ang isang tasang kape’y kasing halaga ng pagsusulat dahil nailalabas ang kaisipan na tinitipa sa hawak na PC. Marami sa mga nagsusulat ang ‘di makapagsimula ng susulatin kung walang kape sa harapan. Mayroon diyan na buhat-buhat ang tasang kape at tatayo ‘di upang ubusin ngunit para mag-isip sa mga titipang salita na maglalarawan sa mensaheng ibig. Bilang isang pampagising ‘di lang sa kamulatan maging sa kaisipan masasabing isang mahalagang sahog ang kape sa mga obra na nababasa o nabasa natin. Ito ang tahimik na saksi kung paano nabubuo ang isang mahalagang sulatin ng kasaysayan at sa kasalukuyan. Hindi man mamahalin ang iniinom na kape, ang bisa nito ang siyang hanap lalo’t mainit ang usaping isusulat.
Sa mga manunulat, mag-aaral maging sa ilang mga negosyante ang pag-inom ng kape’y tila isang buhay ang halaga na tunay na hinahanap. Walang hindi nasimulan na mahalagang bagay maging sa kasaysayan kundi pinagsasaluhan ang mainit na tasa ng kape. Walang makikitang manunulat na ‘di humihigop ng kape higit sa oras ng pagbubuo ng obra. Ang isang tasang kape’y isang mahalagang obra na ‘di matatawaran ang naiambag sa kasaysayan at sa darating na kasaysayan. Sa mga kaibigan, natapos na ang panahon ng isang beer at isang platitong mani. Ang hanap ngayo’y isang tasang kapeng mainit, kape pa nga!
Maraming Salamat po!!!
The post KAPE PA NGA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: