Facebook

MAS MARAMING MAKABAYAN KAYSA TIWALI SA GOBYERNONG FILIPINO

MAY nagtanong sa akin, wala na bang makabayang Filipino, at sa tanong na ito, mararamdaman ang kawalang-pag-asa, kung sa isang tao, nasa huling sandali ng pagnanais na mabuhay.

Ang sagot ko, marami pang makabayang Filipino, at milyon-milyon sila na kahit hirap sa buhay, patuloy na nagtatrabaho, nagsusumikap na maitaguyod ang buhay at makamtan ang pangarap na mahango sa kamangmangan at kahirapan ang kanilang mga pamilya.

Marahil ang tamang tanong: May makabayan pa bang tao sa gobyerno o may makabayan bang oligarko na nagssasabing sila ay Filipino at mapagmahal sa mamamayang Filipino?

Kung mayroon man, mabibilang sa daliri sa isang kamay ang mga multi-bilyonaryong Filipino na sa halip na magkawanggawa, sila pa ang nagpapahirap sa hirap na hirap nang mamamayan.

Sila ‘yung bundat na bundat na sa kamal-kamal na kayamanan, at ang konting mayroon ang mahihirap, ginigipit, inaapi, at pakiramdam, sila pa ang inaagawan!

Ang nakalulungkot, may mga taong gobyerno na sumumpa na ipagtatanggol, tutulungan ang publikong mamamayan, at kung magpakita man ng pagkamakabayan ay pakitang-tao, lalo na sa panahon ng halalan, at kung magbibigay ng tulong, mas ang atensiyon ay publisidad, at pagmamapuri sa sarili.

Sila na mas maykaya ang madalas na ginagamit ang mga butas este batas o sinadyang di-perpektong batas upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis, di tulad ng karaniwang manggagawa na di pa sumasayad sa kamay ang munting sahod ay kaltas na ang patong-patong na buwis.

Tignan ang rekord ng mga kaso sa mga hukuman, Ombudsman, Sandiganbayan, ang mga nasasakdal sa malalaking katiwalian, pandarambong, karumaldumal na krimen ay mga taong masasalapi, may malalaking impluwensiya at mga tanyag sa lipunan.

Hindi sa paglaban sa gobyerno maipakikita ang pagkamakabayan, ito ay magagawa sa pagiging madisiplina at pagiging masunurin sa batas, at sa matiyagang pagtatrabaho para sa sariling kagalingan ng pamilya.

Kapos man, maraming makabayang Filipino na nag-aabot ng tulong sa mga kapwang nangangailangan at masinop sa paggalang sa kultura at tradisyong Filipino.

Sa masinop at maayos na paglikom at pagtapon ng basura ay isang paraan ng pagpapakita ng pagkamakabayan; ang simpleng pagsunod sa batas-trapiko, pagrespeto sa ating Watawat, at pagtangkilik sa mga gawa at produktong Filipino.
***
Korapsiyon: ito ay isa sa malaking problema sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas at hindi kulang, marami-rami na ring batas at kilusan, taskforce na naitatag upang mabawasan ito, kungdi man mapuksa.

Transparency at mabilis na pagkuha, paghawak ng mga impormasyon, dokumento, ebidensiya laban sa mga tiwali etc. Mayroong maraming solusyon na inihahain upang labanan ang korapsiyon, pero parang kulang pa rin.

Nangyayaring ang mga taong may tungkuling labanan ang korapsiyon ay kulang sa kakayahan at implementasyon o kaya ay kasabwat ng mga tiwali, at isa pa: walang kapangyarihan ang mga mamamayan na maging kalahok sa pagsusuri, mag-uusig at pagpaparusa sa mga korap.

May mungkahing baguhin ang sistema ng gobyerno, at gawin itong pederal at magkaroon ng jury system na dito, ang taumbayan ang may kapangyarihang tumimbang sa mga impormasyon, ebidensiya at mga pahayag ng testigo at mga ebidensiya upang mausig ang mga kilala, maiimpluwensiya korap at pabaya sa tungkulin at magparusa sa mga kriminal.
***
Kailangan natin ng transparency sa gobyerno at ang Freedom of Information (FOI) law na wala tayo.

Sa maraming pagkakataon, nakatago, hindi bukas at malinaw sa publiko ang mga gawainng ng gobyerno, lalo na sa pagsasapubliko ng mga impormasyon at mga desisyon at aksiyon ng mga halal at hinirang sa posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan.

Kung may transaparency, may FOI law, may makukuhang impormasyon ang taumbayan na magsisiguro na ang mga opisyal ng gobyerno ay mapipigilan at maparurusahan kung gumagawa ng labag, katiwalian at pagnanakaw sa pondo ng bayan.
***
Marami nang panukalang batas tungkol sa Freedom of Information pero sa nakaraang Kongreso at Senado, natutulog ito sa alikabok sa mesa ng mga mambabatas.

Kung may Freedom of Information Law, may karapatan ang publiko na makuha – nang walang gaanong abala at rekisitos – ang mga dokumento at impormasyong kailangan sa pag-uusig sa mga gawaing mali at labag sa batas.

Magkakaroon ng accountability ang taong gobyerno kung may FOI law tayo dahil obligasyon ng isang opisyal na maging responsable at sagutin at managot sa mga gawain at mga desisyon niya na kaugnay sa kanyang tungkulin at responsibilidad sa bayan.

Mabibigat na parusa ang kailangan laban sa korapsiyon, kung maaari, hindi lamang pagbawi sa ninakaw, pagkumpiska sa iba pang ilegal na ari-arian, kungdi kamatayan sa pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.

Matalas na pangil ng batas laban sa mga tiwali, at ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa taumbayan – tulad ng jury system at ang ibang hakbang – sa paniniwala natin, mapasisigla uli, mabubuhay uli ang tila naglalahong ugaling makabayan ng Filipino.

Nagtitiwala ako, mas marami ang mga totoo at tunay na makabayan kaysa mga tiwali sa gobyernong Filipino!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post MAS MARAMING MAKABAYAN, KAYSA TIWALI SA GOBYERNONG FILIPINO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MAS MARAMING MAKABAYAN KAYSA TIWALI SA GOBYERNONG FILIPINO MAS MARAMING MAKABAYAN KAYSA  TIWALI SA GOBYERNONG FILIPINO Reviewed by misfitgympal on Hunyo 27, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.