SUNOD-SUNOD na nagsulputan ang operasyon ng paihi at pasingaw (oil and petroleum product pillfirege), pergalan, illegal logging at pagmimina sa pag-upo sa pwesto ni Quezon Governor Helen Tan, pero ang nakapagtataka’y hindi siya kumikilos (Gov. Tan) umaaksyon at dedma lang na tila walang kaalam-alam pati na ang kinauukulan sa Quezon PNP Provincial Command.
Ang nasa likod ng malawakang pailigal na ito’y ilang mga kolek-tong o “kapustahan” (police tong collector) gamit ang pangalan ng ilang heneral at matataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon Provincial Police Office at ilang hepe ng lokal na kapulisan.
Ang paihi ay kilala din sa tawag na patulo, pasingaw at buriki sa simpleng kahulugan ay oil at petroleum pilferage na pinatatakbo ng sindikato sa pamamagitan ng pakikipagkutsabahan sa ilang korap na opisyales ng PNP at maging ng mga elected provincial at government official na bumabaluktot sa umiiral na batas ng bansa.
Itinuturing na mga economic saboteurs ang mga operator ng naturang bawal na pinagkikitaan, ang modus operandi ay ganito: kasabwat ang mga tiwaling truck driver ay nakapagnanakaw ang paihi syndicate ng oil, petroleum, liquified petroleum product (LPG) sa pamamagitan ng pagsipsip sa mga kargamento ng oil tanker at capsule truck sa mga tagong lugar na ang pinaka-palasak ay sa lalawigan ng Quezon.
Walang takot ang mga financier/operator ng nasabing sindikato at ang mga kasapakat ng mga itong driver ng mga tanker at capsule truck dahil protektado ang mga nasabing iligalista ng mga police tong kolektor na kilala sa taguring “kapustahan” o kolek-tong na kalimitan kung hindi man aktibo ay retired pulis, militar at Kapitan ng barangay at mga opisyales nito. Kapag nakatimbre sa mga kolek-tong o kapustahan (police tong collector) ay para na ding may “bendisyon” sa sinumang awtoridad ang naturang mga iligalista.
Nag-ooperate sa Brgy. Malabanban Sur, sa bayan ng Candelaria ang kinikilalang Paihi Queen ng CALABARZON na si Lanie, samantalang ang Paihi King naman na si alyas Sammy ay nagpapatakbo ng paihian at pasingawan sa Brgy. San Luis, Guinyangan.
Ang iba pang operator ng paihian at pasingawan ay sina Amigo sa Brgy. Malabanban Sur malapit sa Crossing Rotonda sa munisipalidad ng Candelaria at Bong sa Brgy. Isabang, Lucena City.
Ipinagbabanduhan nina Lanie, alyas Sammy, Amigo at Bong na may go-signal sila nina alyas Hamilia at ng PNP official na nagpapakilalang mga bagman din ng isang Quezon PNP Provincial high-ranking official.
Pinagsikapan ng inyong lingkod na kunin ang komento ni Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte at Quezon Provincial Governor Helen Tan para alamin kung sinu-sino ang posibleng opisyales ng Quezon PNPO at Provincial Government ang sangkot sa mga nabanggit na kolektong “kapustahan” upang mangolekta ng protection money, ngunit bigo tayo na makontak ang mga naturang lingkod-bayan.
Sina alyas PO2 Hamilia ay kumukubra din ng lingguhang tongpats, payola o intelhencia sa mga pergalan (perya at sugalan) maintainer na sina alyas Ajie na nag-ooperate ng mga kunyari ay tradisyunal na peryahan sa mga bayan ng Mauban, Calauag at Guinyangan, ngunit ang totoo ay mga pasugal lamang na color games, beto-beto, drop balls, sakla, iba pang mga sugal at bentahan ng shabu na dinudumog ng mga nalulong sa bisyong mga Quezonian.
Liban kay alyas Ajie, nagpapatakbo din ng pergalan sina Josie sa mga munisipalidad ng Mulanay at Unisan; Alex sa bayan ng Dolores; Lyn ng Sariaya; Lex sa mga bayan ng Polilio at Real at Otso ng Infanta, pawang sa lalawigan ng Quezon.
Sa totoo lang ay hindi natin sinasagpang o kaya ay pinaniniwalaan ang paninira nina alyas PO2 Hamilia na nagpapakolekta sa kanila ng protection money ang tanggapan nina Col. Monte at Gobernador Tan, ngunit makabubuti marahil na ipadampot ng mga ito (Col. Monte at Gov. Tan) ang grupo nina alyas PO2 Hamilia para matigil at hindi na magkalakas ng loob pa na magpa-operate ng paihian o pasingaw at pergalan ang mga nabanggit na iligalista.
Bagama’t batid natin ang mahusay na liderato at masusing superbisyon nina Col. Monte at Gov. Tan sa kanilang kapulisan, ay hindi naman maaalis sa isipan ng kanilang mga constituents sa nasabing probinsya na baka nga may alam ang mga ito sa nanaig na raket at korapsyon sa pagitan ng PNP at provincial government office pagkat sa tinagal-tagal ay hindi masawata ang operasyon ng mga naturang mag-iiligal sa lalawigan ng Quezon.
Ang higit pang nakapagdududa ay ang kawalan ng aksyon ng mga police chief at maging ng mga barangay official sa Lucena City, mga munisipalidad ng Candelaria, Calauag, Mauban, Guinyangan, Mulanay, Unisan, Dolores, Sariaya, Polilio, Real at Infanta kung saan nag-ooperate ang naturang mga sindikato.
May mga ulat ding nakarating sa SIKRETA na nangingikil pa rin ng weekly protection money mula sa mga “magkakahoy”, illegal mining at quarrying operator sa nasabing lalawigan sina alyas Hamilia at gasgas din ang pangalan ng mga nabanggit na opisyales ng Quezon PNPO at Provincial government office. Bakit di kumikilos sina Col. Monte at Gov. Tan? Kilalanin natin ang mga kaaway ng kalikasan sa karugtong nating pitak…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.
The post QUEZON PROVINCE PAIHI, PERGALAN, KOLEK-TONG, DEDMA KINA GOV. TAN AT COL. MONTE? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: