ISANG dahilan kung bakit ang bansang Pilipinas ay hindi makagulapay, lugmok at di makaahon sa kahirapan, at kasama pa rin sa taguring “Third World Country” ay ang hindi matigil-tigil na problema sa smuggling.
Maraming presidente na ang dumaan na isa ang smuggling sa ipinangakong prayoridad na bibigyan ng solusyon, subalit walang nangyari dahil imbes na mahinto ay dumami at lalong tumindi ang problemang ito na deka-dekada na ang operasyon.
Sa lahat na naging pangulo, ang pamunuan ni dating Ferdinand Edralin Marcos Sr., ang masasabing kahit paano’y naging matagumpay sa paglaban sa problemang ito, sa panahong yaon na ang Pilipinas ay isa sa maituturing na maunlad na bansa sa rehiyon ng Asya.
Nagmula mismo sa bibig ng mga political expert, naging plus factor daw ito sa kandidatura ng ngayon ay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), dahil sa isipan ng mga botante -kung kinayang supilin noon ng matandang Marcos ang smuggling, kayanin din kaya ito ni Presidente BBM ngayon?
Hindi din kaila kay BBM ang lantarang operasyon ng smuggling sa ibat ibang lugar at pantalan sa bansa kaya nang maupo ito bilang pangulo noong Hulyo 1, 2022 ay itinalaga ang sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) magpahanggang ngayon.
Ang DA ang ahensya ng pamahalaan na pinagkukutaan ng mga sindikato ng smuggler dahil ang paboritong ipinupuslit ay mga gamit o produkto na may kinalaman sa agrikultura tulad ng bigas, asukal, sibuyas at poultry product gaya ng karneng baboy at manok?
Nais ni PBBM na personal niyang harapin ang suliranin sa DA, lalo na ang di matigil-tigil na pagpupuslit ng agri-product dahil alam niya na kaya hindi makaahon sa kahirapan ang bansa ay dahil sa salot na smuggler na sumasalaula sa umiiral na batas ng bansa.
Kahit sa pagpili ng mga mamumuno sa Bureau of Customs (BOC), hindi naging pabigla-bigla ang pangulo dahil sinisiguro nitong karapat-dapat ang kailangang maging komisyoner para matuldukan na ang smuggling sa ahensyang ito na siyang sentro ng malawakang operasyon ng sindikatong itinuturing na economic saboteur?
Unang naging BOC Chief sa Admistrasyong BBM si Yogi Felimon Ruiz na itinalaga ni Marcos Jr. noong Hulyo 25, 2022. Si Ruiz na sinasabing mahusay na Customs Intelligence Officer ay inaasahang magiging instrumento para mawakasan na ang smuggling activity sa mga pantalan sa bansa ngunit hindi nagtagumpay?
Noong Pebrero ng taong kasalukuyan, hinirang naman na Customs Commissioner si Bievinido Rubio, dating BOC Special Agent 1 na tumaas ang ranggo sa 21 na taon sa ahensya dahil tulad ni ex-Comissioner Yogi Ruiz, ito’y magaling daw sa larangan ng intelligence at operation sa adwana?
Tulad ni dating Comm. Yogi Ruiz, ipinangako din ni Rubio na tututukan niya at ng kanyang liderato upang linisin ang BOC sa mga sindikato ng smuggler, kasama na ang mga empleyado at opisyales ng ahensya na nakikipagkutsabahan sa mga kontrabandista at mga magnanakaw na nagpupuslit ng ibat ibang produkto sa adwana?
Pero halos kalahating taon na bilang BOC head, ang ipinangako ni Comm. Rubio na laban sa mga smuggler at protektor ng mga ito ay nanatiling pangako na napako, dahil imbes na malupig, lalong tumindi ang smuggling activity sa BOC, hindi lamang sa Port of Manila, kundi sa maraming pantalan sa kapuluan, kabilang na sa Batangas Port, mga kanugnog nitong pribado at pampamahalaang pier at maging sa ibat ibang mga baybayin at dalampasigan sa naturang lalawigan.
Ang mga sinisiyasat ng BOC at Senado ay kinilalang sina alyas David Bangayan, Michael Yang, Leah Cruz, Juan Diamante, Andrew Chang, Manuel Tan, Lucio Lim, Eugene Ang, Michael Ma, Gerrry at Paul Teves, at Beverly Peres? May ilan pang matutunog na pangalan sa petroleum product smuggling sa Batangas na kinilala naman ng ating mga KASIKRETA.
Ayon sa BOC authority at Senado pawang mga big-time na smuggler ang mga ito na patuloy na sumisira sa liderato ni PBBM pero hindi naman kinakanti ng BOC operative at National Bureau of Investigation (NBI) na binigyan ng kapangyarihan ng Malakanyang para labanan at lipulin ang smuggling? Kapuna-punang di kumikilos, mistulang inutil ang dalawang naturang mga ahensya?
\
Ito ang bilyones na katanungan at palaisipan na bumabagabag sa mahigit na 30 milyon kunong botante at madlang pipol na tumulong kay BBM para maging pangulo ng Pilipinas.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144
The post ADMINISTRASYONG MARCOS, “INUTIL” VS SMUGGLING? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: