Facebook

Aksyon ni PBBM vs onion cartel smuggling pinuri ni Bong Go

SUPORTADO ni Senador Christopher “Bong” Go ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng masusing imbestigasyon laban sa kartel, smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultural, partikular ng sibuyas.

“Pinupuri ko si Pangulong Marcos sa kanyang mapagpasyang aksyon upang tugunan ang isyu ng hoarding, smuggling, at price fixing ng mga produktong pang-agrikultura,” sabi ni Go.

Nauna rito, inatasa ng Pangulo ang Department of Justice at National Bureau of Investigation na maglunsad ng masusing imbestigasyon para masawata ang iligal na aktbidad.

Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang pagprotekta sa interes ng mga lokal na magsasaka at mamimili sa pagsasabing ang mga labag sa batas na gawing ito ay may malubhang epekto sa pangkalahatang publiko, partikular sa mga mahihirap.

Aniya, kailangan nang mawakasan ang manipulative tactics na ginagawa ng onion cartel na humahantong sa malaking pagtaas ng presyo ng sibuyas kaya negatibong naaapektuhan ang purchasing power ng mga mamimili at ang kabuhayan ng mga magsasaka.

“Mahalagang panagutin ang mga responsable para sa kanilang mga aksyon. Ang ating mga magsasaka ay nagsusumikap para matustusan ang ating bansa, at hindi sila dapat pagsamantalahan ng mga walang prinsipyong indibidwal na naghahanap ng malaking tubo sa kanilang gastos,” ani Go.

Binigyang-diin ni Go na kailangan ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabilis na madala ang mga salarin sa hustisya.

“Dapat tayong magtulungan para protektahan ang ating mga magsasaka, patatagin ang presyo, at pangalagaan ang kapakanan ng ating mga mamimili,” dagdag niya.

Sa pagbanggit sa mahalagang papel ng mga magsasaka sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain, patuloy na itinutulak ni Go ang mas malakas na sistema ng suporta at imprastraktura ng agrikultura.

Isa siya sa mga may-akda ng panukala na naging Republic Act No. 11901, na nagpapalawak sa sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.

Nagsusulong din siya para sa iba pang mga programa na susuporta sa magsasaka at mangingisda sa bansa, tulad ng pagpapahusay ng irigasyon sa mga lupang sakahan at pagpapalawak ng National Rice Program.

Kasama rin sa pag-akda si Go sa Senate Bill No. 1804 o ang New Agrarian Emancipation Act na inaprubahan na ng Senado.

Naghain din ang senador ng SBN 2117 na naglalayong magbigay ng full crop insurance coverage sa agrarian reform beneficiaries, gayundin ang SBN 2118 na magbibigay ng mas magandang insurance coverage at serbisyo sa mga magsasaka..

Sinuportahan din ni Go ang mga panukalang gawing agricultural areas ang mga idle na lupain ng gobyerno para mapalakas ang produksyon ng pagkain sa bansa.

The post Aksyon ni PBBM vs onion cartel, smuggling pinuri ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Aksyon ni PBBM vs onion cartel smuggling pinuri ni Bong Go Aksyon ni PBBM vs onion cartel smuggling pinuri ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Hulyo 08, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.