Kapag ang lupa’y nag-alay na ng huling hininga,
Alalahanin mo yaong sayo’y sumamo ng tiwala,
Humimbing ka sa mga nalabing labi ng karumalan,
Ilubog mo ang sarili sa pusod ng kawalan.
Tama kaibigan, ito na nga ang kamatayan. — Jose Remilla, Kamatayan
MAYPAJO, Lungsod ng Kalookan — Sabado nang pumanaw ang aking mahal na kapatid.
Nakakabigla man, hindi ko rin ikinagulat dahil sa paglingon sa nakalipas na mga araw, o dalawang buwan, maraming signos na aking napansin ang nagbadya ng ganitong pangyayari.
Sadyang hinanda ko ang aking sarili dahil sa aking nakalipas ay maraming beses na rin akong nagdalamhati sa pagkawala ng minamahal.
Naaalala ko pa nang minsa’y magkasama kami ng kapatid kong babae—si Ate Connie. Masaya kami. Sa pagkita pa lang namin ay nagyakapan na kami—sa kabila nang mapag-imbot na panahon na pinaghaharian ng kawalan ng biyaya mula sa Maykapal.
Black Satur-Death, ‘ika nga, sa wikang Ingles, yaong Sabado nang pumanaw ng aking mahal na Ate. Isang matinding dagok sa akin dahil sa hanay ng aming pamilya na hango sa dugo ng aking mahal na inang si Teresa, ako na nga ngayon ang ‘primo’ sa edad kong 66 na taong gulang.
Naalala ko pa noong mga bata kami ni Ate. Sinilang mang ulila sa ama, naging masaya naman kami sa pag-aaruga ng aming lolo’t lola. Sa tunay, para kaming prinsipe’t prinsesa dahil pinagkaloob sa amin ang lahat ng aming pangangailangang materyal.
Nakapag-aral ng elementarya at sekondarya si Ate Connie sa Saint Scholastica’s College at nagtuloy siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Hindi rito nagwakas ang kanyang edukasyon dahil kumuha pa siya ng matataas na pag-aral hanggang sa ngayon nga’y nakamit niya ang pagiging paham sa larangan ng wikang Ingles at balarila.
Subalit hindi ito ang pinakanagniningning na nagawa ng aking kapatid dahil sa kabila ng kanyang isang ‘solo parent’, nakapagtapos din niya ang kanyang ‘uniquo hijo’ bilang abogado. Ngayon ang aking pamangkin ay isang miyembro ng hudikatura sa posisyon niyang assistant prosecutor ng San Fernando, Pampanga.
Iyan ang tunay na ‘accomplishment’ na maaaring ipagmalaki ni Ate Connie at sa mata ng nakakaramihan, tiyak na sangayon sila rito.
Gayun man, sa aking personal na pananaw, may mas mahalaga pa ring nagawa ang aking mahal na kapatid—iyan ang pagiging haligi ng aming pamilya.
* * *
Para sa inyong mga reaksyon o mungkahi, reklamo at kahilingan, magpadala lang ng mensahe sa aking email na cipcab2006@yahoo.com.ph o kaya’y i-text lang ako sa cellphone number na 09171592256. Maraming salamat po at mabuhay!
The post Black Satur-Death appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: