COL. BELMONTE MAJ. AMUTAN BULAG PIPI AT BINGI SA BURIKI SA MALVAR GAMBLING-CON-DRUG SA BATANGAS? (PART 2)
ANG ibat ibang uri ng sugal tulad ng STL-con jueteng, sakla, lotteng, pergalan (perya at sugalan) ganon din ang paihi at illegal drug ay malayang nakapag-ooperate sa halos lahat ng lungsod at bayan sa Batangas na animo’y ligal, pero nganga lang, hindi kumikilos ang kapulisan at local government unit upang sana’y matigil ang operasyon ng mga ito.
Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay ang dalawang aakalaing mini casino, isa ay sa Brgy. Manghinao na pinamumunuan ni Chairman Asher Decepeda na sakop ng munisipalidad nina Bauan Mayor Ryan Dolor at Police Chief LtCol. Nestor Cusi.
Ang pasugalang pinatatakbo ng isang Madam Norma ay protektado ni Alyas “Little Mayor” na napaka-impluwensya sa munisipyo kaya marahil takot tinagin nina Col. Cusi at ng kanyang kapulisan.
Ipinagyayabang pa ni Madam Norma na mag-aambag siya mula sa kita ng kanyang pasugalan sa campaign fund para sa re-election bid ni Chairman Decepeda para siguraduhin ang panalo nito sa darating na October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ang isa pang pasugalang ala mini casino ang operasyon ay nasa tabi lamang ng Lian Public Market sa pinaka-pusod ng Poblacion ng bayan ni Mayor Joseph Peji at Police Chief Major Jeffery Dallo.
Pinalutang ng mga operator na kapanalig sa pulitika ni Mayor Peji na New People’s Army (NPA) commander ang operator ng pasugalang may bilyaran at madjungan na milyones ang pustahan, bukod sa may malakihang tayaan sa color games, sakla, cara y cruz at iba pang pasugal.
Ngunit nabunyag na hindi pala NPA kundi mga alyado sa pulitika ng alkalde na ginagasgas ang pangalan ni Mayor Peji at nagmamalaki pang bagyo sila sa ilang opisyal ng Batangas Provincial Police Office, kaya dapat busisiin ito ni Col. Belmonte?
Kataka-takang tameme lang sina Mayor Peji at Maj. Dallo, kahit kaliwa’t-kanan pa ang reklamo laban sa operasyon ng naturang iligal na pasugalan?
Sa bayan ng Laurel, talamak ang operasyon ng STL-con jueteng at STL-con drug ng isang alyas Bruce sa lahat na barangay na nasasakop ng nasabing bayan ngunit nganga lang si Police Chief Maj. Edgar Sumadsad?
Hindi din pinatawad ng mga iligalista ang bayan na ang pulisya ay pinamumunuan ni Taal Police Chief Maj. Fernando D. Fernando pagkat bigong sawatain nito ang pergalan (perya at sugalan) ni Madam Correa sa Brgy. Butong.
Sa hurisdiksyon ni Balayan Police Chief Maj. Domingo Ballesteros Jr. hindi din masupil ang operasyon ng pergalan ng isang Gigi sa Brgy. Sampiro. May ipinagmamalaki namang kalaguyong protektor si alyas Gigi sa munisipyo ni Balayan Mayor JR Fronda.
Sa munisipalidad ni Ibaan Mayor Joy Salvame ay ratsada din ang operasyon ng STL-con jueteng ng magkasosyonbg Hernandez at Rocio na kapwa nagyayabang na political ally ng mayora at bukod pa kay Ibaan Police Chief Maj. Janver Cabatana ay ipinangangahas ang isang NBI agent.
Pinepeste din ang mga bayan ni Calatagan Mayor Peter Oliver Palacios at Nasugbu town Mayor Barcelon ng operasyon ng STL-con jueteng at STL -con drug ng operator na isang Willy Bokbok. Si Bokbok ay nagpapatakbo pa ng lotteng sa naturang mga bayan. Ngunit parehong mistulang inutil naman sina Calatagan Police Chief Maj. Emil Mendoza at Nasugbu Police Chief LtCol. Reynaldo Domelod?
Malaking panganib naman sa mga residente ng bayan ng Malvar ang operasyon ng paihian ng gasolina, krudo at iba pang produktong petrolyo ng magkasosyong Rico at Ed sa Brgy. Bulihan sa bayan ni Mayor Crestita Reyes na di naman inaaksyunan ni Police Chief Major Jonathan S. Amutan.
May mga paihian o burikian din sa bayan ng Calaca, Lemery at Mabini na di masawata nina Calaca Police LtCol. Eduardo Balita, Lemery Police Chief Maj. Gerry Abalos at Mabini Police Chief Maj. Mickglo Marinas. Bukod sa paihian nina Rico at Ed sa Malvar ay may mga pasugal pa sa pergalan ng drug pusher na si Glenda sa Brgy. Santiago ng naturan ding bayan. Umubra kaya si Col. Belmonte sa astig at matitigas ang sungay niyang mga police chief?
Dahil sa wari’y BULAG, PIPI at BINGI ang mga nabanggit na hepe ng kapulisan sa lalawigan ng Batangas, damay din sa pangit na performance nila ang kauupo sa puwestong si Col. Belmonte. Sayang naman, kung dahil sa kahinaan at kapabayaan ng mga nabanggit na mga police chief ay ang babagsakan ng matindi at bigat ng paninisi ay si Col. Belmonte?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.
The post COL. BELMONTE, MAJ. AMUTAN, BULAG, PIPI AT BINGI SA BURIKI SA MALVAR, GAMBLING-CON-DRUG SA BATANGAS? (PART 2) appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: