Facebook

IBANG-IBA SI YORME ISKO AT DTI DOH FDA KONTING GALAW-GALAW NAMAN!

NAKU naman, sige pagtitiisan ko pa nang konti itong Department of Trade and Industry (DTI) natin, baka bago mag-2nd State of the Nation Address (SONA) si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., e magpakitang gilas naman. Kung di kayang ma-solve ang expensive na sibuyas, iba pang agri products, baka itong problema ng imported toys, may makita tayong magandang trabaho si Trade Sec. Alfredo Pascual na isang finance expert daw.

Teka, e bakit si Sec. Pascual ang may pakialam sa nagkalat na imported toys na peligroso sa health, safety ng ating mga bata, kasi po, ang DTI ay isa sa chief implementor ng Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394) na ang mandato ay proteksiyonan ang interes ng consumer (mamimile) at magtakda ng regulasyon at tuntunin para sa maayos na takbo ng mga negosyo at industriya sa bansa.

I-promote ang general welfare, ang lahatang kabutihan ng consumer, at tiyakin na walang manloloko, mapagsamantalang negosyante at magpoprotekta sa pamilyang Filipino laban sa mga produktong maglalagay sa kanila sa panganib at buhay.

Nagkalat lang sa tabi-tabi ang mga imported toys na kaya lang kumikilos ang DTI kapag matindi na ang reklamo ng tao, o may nasaktan, o may namatay sa paglalaro ng mga imported toys – na marami ay galing sa China, na kung quality ang pag-uusapan, subok nang isa o dalawang gamit lang, goodbye kasi depektibo.

Trabaho ng DTI at katulong nito ang Department of Agriculture (DA) and Department of Health (DoH), Food and Drugs Administration (FDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Food Authority (NFA), Department of Transportation (DOTr) at iba pa para sa product safety ng pagkain, gamot, mekanismo, appliances at kasama rito ang imported toys na nasusuring mabuti kung ligtas ba sa toxic at nakalalasong materyales.

Tulad nitong laruang Lato-Lato na kung di pa nag-trending sa social media na delikado ito sa mga bata, hindi pa kikilos itong DTI at FDA, aba, konting galaw-galaw, umalis naman kayo sa inyong airconditioned rooms, mag-ikot at proteksiyonan ang publiko.

E, puro banta, puro warning lang ang naririnig namin laban sa mga mapagsamantalang negosyante, at kulang sa sigla, kumbaga, sabi nga ng mga obrero, kulang sa libog sa trabaho.

E, armado naman sila ng batas pero kulang talaga sa sigla sa mahigpit na pagpapatupad ang mga ahensiyang tulad ng DTI para maparusahan ang mga tiwali, mapagsamantalang negosyante.

Kaya hindi mawala na mag-isip ng malisya ang publiko na baka raw naaayos sa “cash-sunduan” ang mga kaso laban sa mga violators ng Consumer Act (RA 7394), kaya ang produktong mapanganib sa tao, di masawata, patuloy na nakakalat sa kung saan-saan ibinebenta.

Hindi lang yang Lato-lato ang dapat bantayan, marami pang imported toys, DTI, DOH, at FDA: nagkalat ang mga peke o mahinang klaseng beauty products, mga gamot, mga de latang pagkain na may foreign languages, mabuti sana kung nakasulat sa English para mabasa kung ano-ano ang mga sangkap na ginamit.

Marami sa mga produktong ito e smuggled, at nakatago sa mga bodega, kaya may papel din dito ang Bureau of Customs (BoC) upang mapigil ang pagkalat ng mga peke at dangerous products na hindi maayos ang pagkagawa, posibleng may dala pang virus, bakterya at iba pang uri ng sakit na nakamamamatay.

Hindi lang deceptive at defective ang mga produkto, kung magreklamo ang mga napinsalang consumer, mabagal ang kilos ng mga dapat na kumastigo sa mga manloloko.

Kailan kaya makararanas ng mabilis na aksyon ang mga nalolokong consumer mula sa DTI at iba pang ahensiya ng gobyerno na ang trabaho, protektahan tayong consumer.

Konting pasiklab naman diyan, pwede po ba?
***
IBANG klase talaga si dating Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na isa ngayon sa host ng EAT BULAGA sa pag-welcome sa pagbabalik nina Tito, Vic and Joey sa telebisyon sa programang TVJ sa TV-5.

Sabi ni Yorme Isko at ni Paolo Contis, magiging masaya ang noontime show ngayon sa TV, kasi, marami nang mapagpipilian ang publiko.

Natawa ako nang sabihin ni Kois na buffet o kung sa pagkain, hanggang kaya, eat all you can ang mapapanood ng madlang pipol, sabi nga niya, magiging inspirasyon nila sa EAT BULAGA ang pag-ere ng TVJ Dabarkads show nina Tito Sotto, utol niyang si Bossing Vic at mala-henyo sa comedy na si Joey de Leon.

In not so many words, sabi ni Yorme Isko, walang magiging competition ang TVJ dahil ito pa nga ang magiging dahilan upang lalo nilang pagbutihin ang kanilang pagpapasaya sa manonood ng EAT BULAGA.

Para sa atin, magandang gesture ito ni Yorme na ang pagpapasaya sa publiko ay hindi dog-eat-dog kasi, sila naman ay iisa ang ambisyon, ang magpasaya sa masang manonood.

Pagalingan na lang, sabi nga, at nagtitiwala ako, malaki ang magiging kontribusyon ni Yorme Isko sa ikasisigla ng EAT BULAGA, at magiging tunay na inspirasyon nila ang batikan, tunay na mga idolo nila at ng bayan, ang TVJ.

Mabuhay ang telebisyong Pinoy sa pagpapasaya sa madlangbayan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post IBANG-IBA SI YORME ISKO AT DTI, DOH, FDA, KONTING GALAW-GALAW NAMAN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
IBANG-IBA SI YORME ISKO AT DTI DOH FDA KONTING GALAW-GALAW NAMAN! IBANG-IBA SI YORME ISKO AT DTI DOH FDA KONTING GALAW-GALAW NAMAN! Reviewed by misfitgympal on Hulyo 04, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.