Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil sa maganda nitong performance sa unang taon sa panunungkulan.
“So far, so good naman po. Ang importante dito ay maipagpapatuloy ang magagandang programa na naumpisahan po ni dating Pangulong Duterte at ilapit po natin ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan, lalo na ‘yung pangkalusugan,” sabi ni Go matapos mamahagi ng ayuda sa mga residente ng Hagonoy sa Davao del Sur.
Binigyang-diin ni Go na dapat patuloy na palakasin at iangat ng administrasyong Marcos ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino, tulad ng nakabalangkas sa Philippine Development Plan 2023-2028 na itinuturing na roadmap ng bansa tungo sa inklusibong pagbabago sa ekonomiya.
Kinilala ni Go ang kahalagahan ng pagbuo ng matibay na pundasyong inilatag ni dating Pangulong Duterte lalo sa pagtiyak ng accessibility ng mga serbisyong medikal, gayundin ang pagbibigay ng mas ligtas at mas komportableng buhay.
Sinabi ni Go na patuloy niyang susuportahan ang mga pambatasang prayoridad ng administrasyong Marcos, partikular na ang pagpapalakas sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
“Sa katunayan, bilang tagapangulo ng Komite ng Kalusugan sa Senado, kamakailan lamang ay naipasa natin ang isa sa kanyang priority measures, ang Regional Specialty Centers Bill, na pangunahin kong itinataguyod at isa sa mga may-akda sa Senado,” ani Go.
Ang Senate Bill 2212, o mas kilala sa tawag na Regional Specialty Centers Act, ay naipasa bago ang session break at ngayon ay naghihintay ng pag-apruba ng Pangulo bago maisabatas.
Ang pagtatatag ng mga especialty centers ay kabilang sa agenda na nakapaloob sa PDP 2023 hanggang 2028.
Bilang bahagi ng majority bloc sa Senado, nangangako si Go na aktibong mag-aambag sa pagsasabatas ng mga panukalang ang makikinabang ay mga marginalized sector.
Kinilala ni Go ang epektibong pagtugon ng administrasyong Marcos sa mga hamon na dala ng pandemya. Binigyang-diin din niya ang pagsisikap ng pamahalaan na iusad ang bansa tungo sa pagbangon.
“Sana ay patuloy na unahin ang mga pinakanangangailangan na walang malalapitan kundi ang gobyerno, at siguruhing mayroon silang mga trabaho at ikabubuhay, kalidad na edukasyon, maasahang serbisyong medikal, ligtas na pamayanan at sapat na pagkain dahil ayaw nating magutom, lalo ang mga mahihirap,” ayon kay Go.
“Importante dito ang laman ng tiyan ng mga kababayan natin,” idiniin niya.
The post Unang taon sa Palasyo… PERFORMANCE NI PBBM, PINURI NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: