BAGO ang lahat ay nais ko munang pasalamatan ang ating matikas at mabuting kaibigan na si G. Joey Venancio, sa pagbibigay sa atin ng pagkakataon na makapagsulat sa nirerespeto at malaganap na pahayagang ito na Police Files Tonight.
Samantala, bago ako pumalaot sa sa talagang paksa ng kolum na ito ay nais ko ring batiin ang ating mga ipinagmamalaking mga nakababatang mga billiard players na sina James Aranas at Johann Chua dahil sa panalo nila sa katatapos na 2023 World Cup of Pool na ginanap sa Lugo, Spain.
Tinalo nina Aranas at Chua sa finals na ginanap kaninang madaling araw ang German tandem nina world number 3 Joshua Filler at Moritz Neuhausen sa score na 11-7.
Bago ang kampeonato ay tinalo rin nila ang Austria na pinangungunahan ng pambato nila na si world number 4 Albin Ouschan at partner niya na si Mario He sa score na 9-8, sa semifinals, at Chinese Taipei na represented nina world number10 player Ko Pin Yi at kapatid nito na si Ko Pin-Chung sa score na 9-8 sa quarterfinals.
Sa madaling salita pinataob nila ang ilan sa pinakamagagaling na billiard players sa mundo kasama na si world number one Francisco Sanchez-Ruiz at partner nito na si David Alcaide sa Round One pa lang.
Dahil sa panalo nina Aranas at Chua ay ito na ang ikaapat na pagkakataon na nagkampeon ang Pilipinas na isang World Cup of Pool record, bilang bansang may pinakamaraming kampeonato sa torneo.
Una na nang ibinulsa ng mga alamat na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante sng kampeonato noong 2006 sa Wales na inulit nila noong 2009 sa Maynila bago nanalo naman sina Lee Van Corteza at Dennis Orcullo noong 2013 sa London.
Kaya naman siguradong masaya ang buong bansa sa panalong ito nina Aranas at Chua kasama na ang mga billiard aficionados diyan sa National Press Club at siyempre si PTFOMS Executive Director Usec. Paul Gutierrez.
Ayos ba brod?!!
***
Ngayon naman ay pasadahan naman natin ang kasalukuyang kontrobersya na bumabalot sa advertising video ng bagong campaign slogan ng Department of Tourism na ‘Love The Philippines’.
Inuulan ng batikas ang contractor ng DOT na DDB Philippines dahil sa paggamit umano nito ng mga hindi orihinal at stock footage kaugnay ng ad campaign.
Siyempre hindi ito nakaligtas sa mata ng publiko kaya obligado ang DDB na humingi ng sorry kay Tourism Sec. Christina Frasco na tanda ng pag-amin ng kanilang pagkakamali.
Sa nasabing ad material, sa halip na mga magagandang tanawin sa bansa ay tourist attractions mula sa mga bansang Indonesia, Thailand at UAE ang sinasabing ipinakita ng DDB.
He-he! Hindi natin maintindihan ang DDB dahil sa laki na nang kinita nila sa kontrata ay mukhang nagtipid pa sila at hindi na nag-location shooting.
Pero ang masakit ay gumamit pa nang tourist attractions ng ibang mga bansa, ibig bang sabihin nito ay wala silang maipakitang magagandang tanawin dito sa atin?
Kaya naman may katuwiran pumutok ang butse ni Albay Rep. Joey Salceda dahil hindi na nga isinama ang Mayon Volcano sa ad campaign ay gumamit pa ang DDB ng foreign tourist sites.
Ginawa namn nilang mga engot ang mga Pinoy kasama na sina Pangulong BBM at Sec. Frasco kaya naman karma agad ang inabot nila.
Abangan natin ang susunod na kabanata sa mainit na kontrobersyang ito!
The post SABLAY ANG DDB AD AGENCY; HARI ANG MGA PINOY SA BILYAR appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: