ISANG sampal ang ibinigay ng Korte Suprema sa pamilya Gatchalian, ang napabalitang may-ari ng minahan sa Sibuyan at mga naglalaway na politiko ng Romblon na makikinabang sa paggahasa sa isla nang bumaba ang hininging Writ of Kalikasan na nagbabawal sa Altai Philippines Mining Corp. na magmina ng nickel deposit sa isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon. Iniutos ng Korte Suprema sa Court of Appeals (CA) na mangalap sa loob ng 10 araw ng katibayan at testimonya upang ipaliwanag ang panig ng Altai Mining.
Isinusuka ang Altai Mining Corp. sa matulaing isla ng Sibuyan dahil kahit sinuspinde ng DENR ang kanilang operasyon ng walang takdang panahon, hindi ito tumigil sa pangunguha ng nickel ores sa Sibuyan. Ikinatatakot ng mga mamamayan ng Sibuyan ang pagkawasak ng kaligiran dahil sa pagbaligtad ng mga nagmimina sa mga lupain sa paanan ng bundok.
Napansin ito ni Senadora Risa Hontiveros noong bumisita siya noong Pebrero kasama ang kanyang legislative staff sa Sibuyan upang tingnan ang sitwasyon doon. Nakunan nila ng video ang pagmimina ng Altai Mining bilang ebidensiya, o patunay na tuloy na operasyon ng Altai Mining sa isla. Handa nilang iharap ang video kasama sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon sa aming kaututang dila sa isla (ako’y taga Odiongan), mukhang tinakot ang mga residente ng mga pulis na tinawag mula sa PNP Provincial Command upang magmanman sa Sibuyan. Kahit suspendido, hinayaan ng mga pulis na ilabas ang trak trak na mga nickel ores na namina ng kontrobersyal na Altai Mining. Nagmistulang escort ng mga trak ang mga pulis upang mailabas ng isla ang ang mga mineral na nakulimbat ng kompanyang Altai. Makikita sa mga lumabas na video na may ilang mamamayan ang nasaktan sa hanay ng mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Dinala sa pansamantalang pantalan ng isla ang mga nickel ores at inilulan sa mga barko upang iluwas sa China. Pag-aari ng pamilya Gatchalian ang Altai Mining at ang subcontractor na Atlantic Dynamo na siyang bumubungkal at nagbaligtad sa mga lupain sa paanan ng Mt. Guiting Guiting sa Sibuyan.
Ipinabububuwag ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pantalan dahil walang itong permit. Ang PPA ang may kapangyarihan sa ilalim ng batas na subaybayan ang lahat ng daungan at pantalan sa buong bansa. Sinuspinde ng DENR ang operasyon ng Altai Mining dahil pinutol nito ang mga puno sa isla ng walang pahintulot. Ayon kay netizen Nette Romero Gonzalez, halos 65 libo ng iba’t ibang kahoy ang pinutol ng Altai Mining.
Nagharap ang mga abogado ng mga apektadong pamilya sa isla ng petisyon para sa Writ of Kalikasan, isang remedyong legal, na pipigil sa Altai Mining sa walang habas na pagmimina. Isinampa nila ito sa Korte Suprema
Pumipigil ang Writ of Kalikasan sa anumang proyekto, pampubliko o pribado, na maaaring magbigay ng masamang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan at kaligiran. Ayon sa Konstitusyon ng 1987, may karapatan ang bawat mamamayan na magkaroon ng malinis na kaligiran upang pangalagaan ang kalusugan.
Humingi ng Writ of Kalikasan sa husgado dahil sa pangamba na maaring masira ang kaligiran, partikular ang mga bukirin at ilog ng Sibuyan sa patuloy na operasyon ng Altai Mining. Kinilala ang Sibuyan sa magandang kaligiran kung saan mayroon “biodiversity” dahil sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman.
Kung masira ang kaligiran, kinatatakutan ang baha, landslide, at pagguho ng lupa sa isla. “Katapusan na dahil wala kaming tatakbuhan,” sabi ng isang residente sa isyu.
Dahil sa kontrobersya, pansamantalang nanahimik ang Altai Mining sa pagmimina ng nickel deposit sa Sibuyan. Sa unang tingin, mukhang iniwan na ng Altai Mining ang Sibuyan upang sa ibang isla sila magmina. Hindi inabandona, sa maikling salita.
Binago ng Altai ang estratehiya kung matatawag na estratehiya iyon. Dahil mahaba ang pisi ng pamilya Gatchalian, isa sa malaking pamilya sa pulitika at negosyo iniba nila ang kanilang operasyon sa Sibuyan. Sa laki ng halaga na isinuka sa unang tangka, hindi sila papayag na aatras ng ganoon lang.
Kinasabwat nila ang mga taga-Sibuyan na nagpapagamit sa kanila. Nagtayo sila ng iba’t ibang organisasyon hindi lang upang ipagtanggol ng kanilang sarili kundi gipitin at siraan ang mga environmental defender na tumutol sa buktot na agenda.
Kahit ang Simbahan, hindi nila nilubayan sa bagong operasyon. Ginagamit nila ang social media sa paninira. Dumadami ang mga bagong fake accounts at pahina sa social media upang atakihin ang mga environmental defender.
Narito ang pahayag ni Rodne Galicha, isang environmental defender sa isla: “The issuance of Writ of Kalikasan by the Supreme Court is a significant and strategic step to protect Sibuyan Island, its delicate ecosystems and peaceful peoples. This means that the petition lodged is sufficient in form and substance. Being remanded to the Court of Appeals, more evidence are to be received and respondents have 10 days to explain their side. We thank the petitioners with their legal counsel, and those who provided affidavits, testimonies and relevant documents.
“Since 2005 until now, Sibuyanons have been standing up – grassroots-led mobilizations, one killed in a rally, and a barricade dispersed. Indeed, the people united will never be defeated. There may be some who yielded to promises and money, but they all still have time to bring back Sibuyanon dignity to survive and thrive through the bounties of our island and harmonious relationships. At the end, who benefits much in this mining brouhaha? Join us in this crusade against exploiters worth fighting for.”
***
HINDI pa tapos ang isyu sa Sibuyan. Lalaban tiyak ang mga Gatchalian sa usapin sa Korte Suprema. Marapat igiit ng mga mamamayan at environmental defender na manatili ang Writ of Kalikasan sa isla. Permanente kung maari. Hindi pansamantala.
Mayroon CSR MASIKAP? Ano ito? Kinukuwestiyon ngayon ng iba’t ibang mga organisasyon na nasangkot dahil sa misrepresentation ng mga lumagda sa Memorandum of Cooperation (MoC) sa Altai. Pinabulaanan ito ng mga tunay na lider at matatanda ng katutubong Sibuyan Mangyan Tagabukid, Magdiwang Agrarian Reform Cooperative, San Fernando Agrarian Reform Community Cooperative, Nature’s Ambassadors for Sibuyan Island Youth Group, San Fernando Irrigators Association, pati na ng mga kababaihan sa San Fernando at Magdiwang. Malinaw ang panloloko ang ginawa sa MoC.
Ginagamit ang poder upang kunin ang mga nickel deposit ng isla at ibenta sa China. Ayon sa isang tagamasid: “Altai and its community relations are taking advantage of social media, weaponizing it through misinformation, harassment and greenwashing.” Hindi pa tapos ang isyu ng illegal mining ng mga Gatchalian sa Sibuyan.
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post SAMPAL appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: