Facebook

SUWAIL NA HEPE NI PDGEN. ACORDA JR.!

INILUNSAD ni Batangas Provincial Director Col. Samson Belmonte ang all-out anti-criminality drive lalong-lalo na laban sa operasyon ng illegal vices tulad ng STL bookies at iba pang uri ng bawal na pasugal sa mga siyudad at mga bayan sa lalawigan ng Batangas.

Mahigpit din ang direktiba ni Col. Belmonte na walang sasantuhing iligalista maging ang mga operator ng paihi, pasingaw, patulo at paawas na lalong kilala sa taguring “buriki.” Aarestuhin at kakasuhan ang mga ito.

Batay sa mensahe ni Batangas PNP Provincial Public Information Officer P/Capt. Pauline P. Fernando, may 319 na katao na ang naaaresto sanhi ng maigting at tuloy-tuloy na kampanya ng anti-gambling operation sa may 235 na pagsalakay ng ibat ibang istasyon ng lokal na kapulisan sa mga gambling den sa kanilang area of responsibility AOR).

Sa mga nasakoteng suspek, 175 sa mga ito ay sangkot sa STL bookies operation at 60 naman ang naaktuhang nagsusugal ng illegal card at table game tulad ng color game, beto-beto at pusoy.

Hindi din nakaporma maging ang mga sugapa sa mahjong, bilyar at tupada kung saan nakumpiska sa kanila ang mga ebidensyang bet money at iba pang delito para sampahan ng karampatang kaso sa Batangas Prosecutors Office, ayon pa kay Capt. Fernando.

“Ang pag-aresto at pagkakumpiska ay nakabatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na sugal at dahil sa mga natanggap na reklamo mula sa mga netizen”, ayon kay Police Colonel Belmonte at batay pa din sa inilabas na pahayag ni Capt. Fernando.

Malaking-malaki ang pagkakaiba nina Col. Belmonte at Laguna Officer-in-charge PNP Provincial Director Col. Harold Depositar. “Action man” si Col. Belmonte, tumutugon ito (Col. Belmonte) sa reklamo at panawagan ng mga mamamayan na uhaw sa tunay, makatao at matapat na paglilingkod ng kapulisan na pambihirang matagpuan sa hanay nina PNP Chief Benjamin Acorda Jr.

Sa dami na ng naisiwalat na kabalbalan sa hurisdiskyon ni Col. Depositar tulad ng kaliwat-kanang operasyon ng STL con-jueteng o STL con-drug, pergalan (perya at sugalan) at petro pilfirage ay walang nakikitang positibong aksyon, mistulang inutil na ang dati ay masipag na Laguna provincial director? Parang lupa’t-langit ang agwat sa kalamangan at kahusayan ni Col. Belmonte kay Col. Depositar.

Kaya nga lamang may ilan pa ding mga police chief si Col. Belmonte na hayagang sumusuway sa kanya at kay PDG Acorda Jr. kaugnay sa direktiba ng One-Strike at No-Take Policy.

Sila ay ang mga hepe ng pulisya sa Batangas City, sa bayan ng Laurel, Padre Garcia, Nasugbu at Lemery na napapagdudahang tatamad-tamad, nagpapabaya sa kanilang tungkulin, at nangunngunsinte o dili kaya’y tumatanggap ng lingguhang intelhencia o suhol mula sa mga vice operator?

Reklamo ng mga taga Batangas City, pinag-ugatan na ang operasyon ng pergalan (peryahang may mga color game at iba pang pasugal) sa Brgy. Gulod Itaas na nasa pamumuno ni Chairman Ahbet De Ocampo at area ni City Police Chief LtCol. Diana Del Rosario ngunit walang aksyon ang lady cop laban dito.

Pagyayabang ng pergalan at drug pusher na si alyas Agnes ay mag-aambag siya ng campaign fund mula sa kita ng kanyang pasugalan para sa kandidatura ni Kap. De Ocampo sa darating na October 2023 BSK election. Aniya pa (Agnes) saan man ma-assign ang kumadre niyang si LtCol. Del Rosario ay makapaglalatag siya ng peryahan, ngunit liban sa sangkaterbang sugalan ay nagpapabenta pa ito (Agnes) ng shabu.

Naipatayo ng salot na si alyas Agnes ang kanyang pergalan katabi ng Padre Pio Chapel sa nabanggit na barangay. Ang pergalang ito ang dahilan kung bakit simula nang maupo noong Mayo 2023 si LtCol. Del Rosario, bilang Batangas City cop ay lalong lumarga ang bentahan ng droga partilkular ng shabu sa naturang syudad.

Umaastang lider ng grupong PIPA at nagmamalasakit sa mga mahihirap na mamamayan, kaya nagpatayo ng abot-kayang entertainment sa mga siyudad, bayan at kasuluk-sulukang barangay ang PIPA ngunit sa halip na libangan, mga ilegal na pasugalan ang inilatag ng pesteng pergalistang tulad ni alyas Agnes.

Sa Padre Garcia ay tatlo naman ang nag-ooperate na saklaan ng mga drug pusher na sina Tisoy at Nonit. Sila din ang operator ng STL con-jueteng o bookies sa 18 barangay sa naturang munisipalidad. Rebisahan ng kanilang pa-jueteng ang bahay ng isang alyas Villestas sa Brgy. Banaba na bentahan din ng shabu, taguan ng mga matataas at di lisensyadong kalibreng baril nina Tisoy at Nonit. May dalawa pang paihian-sa Brgy. San Felipe at Brgy. Bawi na kanila ding pinatatakbo ngunit dedma lang ito kay Padre Police Chief Maj. El Cid Villanueva.

Sa munisipalidad ni Laurel Mayor Lyndon M. Bruce ay laganap sa 21 barangay ang operasyon ng STL bookies ni alyas Kap Broce na sinasabayan pa ng bentahan ng shabu sa kanilang rebisahan sa Brgy. Berinayan. Ipinananakot ni Broce ang pangalan ng isang retiradong PNP general at maging ng kanilang alkalde sa mga kapulisan ni Laurel Police Chief Maj. Edgar Sumadsad.

Sa bayan ng Nasugbu ay talamak ang operasyon ng STL bookies at limang sakla den ng drug pusher din na si Willy Bokbok, ngunit di naman alintana ni Police Chief LtCol. Reynaldo C. Domelod. Sa Lemery na hurisdiksyon ni Maj. Gerry Abalos ay kalapit lamang ng Martinez Compound sa Brgy. Bucal ang “salubong” sa tanker at capsule truck at mga sasakyan ng sindikato ng buriki gang na pinamumunuan ni JV.

Sa halip magkuta sa iisang lugar “sinasalubong” na ng tanker truck at close van nina alyas JV sa tabi ng Martinez Compound ang sasakyan ng magnanakaw na driver at doon isinasalin kina alyas JV ang kanilang kargamentong petrolyo. Imbakan ng mga drum at container ng binuriking gasolina, krudo at gaas ni alyas JV ang harapan ng kanilang bahay sa Poblacion Monic. Panganib sa mga mamamayan ang imbakan ng paihi ni alyas JV sa Calaca, ngunit nganga rin lamang dito si Police Chief LtCol. Eduardo Balita at Mayor Naz Ona maging sa operasyon ng STL con-jueteng/drug ng isang alyas Ona. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144.

The post SUWAIL NA HEPE NI PDGEN. ACORDA JR.! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SUWAIL NA HEPE NI PDGEN. ACORDA JR.! SUWAIL NA HEPE NI PDGEN. ACORDA JR.! Reviewed by misfitgympal on Agosto 09, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.