Facebook

COLONEL JACK MALINAO JR., SHERLOCK HOLMES NG PNP!

NAKATAWAG pansin sa SIKRETA, ang pagkalutas ng isang malaki at “sensational case” na kung sa pelikula ay blockbuster dahil sa magaling na intelligence at investigation work na ipinamalas ni Philippine National Police (PNP) Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr. at ng kanyang mga tauhan.

Ito ay ang misteryosong pagkawala ng isang beauty queen sa lalawigan ng Batangas na nalutas nina Malinao Jr. na maiihalintulad sa kakaibang angking galing at talento sa crime solution sa mga di birong kaso na hinawakan ni Detective Sherlock Holmes na bida sa mga fictional police story ni British author Arthur Conan Doyle.

Ang biktimang si Catherine Camillon ay iniulat na missing person noong Oktubre 12, 2023. Blangko ang kapulisan, kabilang na sina Malinao Jr. sa pagkikilanlan sa mga dumukot sa beauty queen, subalit nagkaroon ng lead sa kaso sa pamamagitan ng CCTV footages na nahugot ni Malinao Jr. at mga tauhan nito. Naidagdag pa nina Malinao Jr. ang mga collaborative testimonies ng mga saksi na naging susi para makilala at maiugnay sa insidente ng mga salarin.

Matapos ang may dalawang linggong “nag-ala Sherlock Holmes” si Malinao Jr. ay inaanunsyo ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ang pagkalutas ng Camillon Kidnapping.

Isang police major kasama ang tatlong iba pa ang kinasuhan sa prosecutor’s office ng police team mula sa Criminal Investigation and Detection Group Regional Office 4-A (CIDG-R4-A) na pinamunuan ni Malinao Jr. kaugnay sa naturang krimen.

Naka-iskor ang PNP na maituturing na malaking accomplishment ng kapulisan, kaya ang pagpupugay kay Malinao Jr. na produkto ng prestiyosong Philippine National Police Academy (PNPA) ay hindi basta-basta lamang.

Hindi natin personal na kilala si Malinao Jr., ngunit sa ating pagsasaliksik, siya pala ay kung tawagin ng kanyang mga kasamahan ay isang “certified performer” at napakarami na ring gawad at parangal na natanggap dahil sa mga malalaking sensational crimes na kanyang nalutas sa mga nakaraan niyang assignment, kaya nga bagay ang bansag nitong “Detective Sherlock Holmes”.

Hindi karakang napapahanga at nagpupugay ang SIKRETA sa mga police official at mga subordinate ng mga ito, dahil na rin sa mga serye ng katiwaliang kinasangkutan pa naman ng ilang mga PNP top brasses. Ngunit dahil sa nakarating na pinaka-huling ulat hinggil sa pagkalansag ng isang malaking sindikatong gumagawa ng mga pekeng branded na sigarilyo tulad ng Marlboro cigarette ay tuluyan nang napabilib ang SIKRETA ni Malinao Jr.

Nilusob may ilang araw pa lamang ng mga tauhan ni Malinao Jr. ang kuta ng isang alyas Dodong Alahas sa bayan ng San Luis, Batangas at doon ay nakumpiska ang mga fake na Marlboro cigarettes at iba pa, kung saan ay naaresto ang maraming mga trabahador na mahigit na palang isang taon na nag-ooperate sa naturang bayan.

Si alyas Dodong Alahas ay kilalang lider din ng petroleum at oil smuggling na nagpupuslit ng imported product mula sa Russia at Malaysia gamit na entry point ang probinsya ng Masbate at Batangas City Pier.

Protektor ang sindikato ni Alahas ng isang ex-Sgt. Adlawan na mahigit sa isang taon na palang nangongolekta ng intelhencia o protection money gamit na panakot ay ang mga pangalan ng ilang CIDG official at operative sa lalawigan ng Batangas. Pati mga pergalan (perya at sugalan) operator ay may tara din kay ex-Sgt. Adlawan.

Si Alahas ay maintainer din ng pinaka malaking sindikato ng paihi o buriki na nagkukuta sa Brgy. Calansayan sa munisipalidad ni San Jose Mayor Bien Patron, ngunit hindi naman malansag ng lokal na CIDG, Batangas Provincial Police Office at maging ng National Bureau of Investigation (NBI).

May mga sindikato pang napakatagal nang nag-ooperate sa Batangas at sa CALABARZON area na tinataguriang “untouchable” dahil sa proteksyon sa kanila ng ilang tiwaling miembro ng kapulisan at NBI.

Kabilang dito ay ang mahigit sa isang taon nang nag-ooperate na mapamerwisyong puesto pijo o permanenteng ala mini casino na ginagamit pang drug den at prostitution hub. Kabilang dito ang ino-operate ng isang Glenda sa Brgy. Santiago sa tabi lamang ng CP Reyes Satellite Clinic bayan ni Malvar, Batangas Mayor Crestita Reyes.

Isa pang tulad nito ang minamantine ni Glenda sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City. Parehong “pinapatungan” ang mga naturang vice den ng ilang lokal na kapulisan at maging ng ilan ding local government official (LGO).

Ang magkasosyong Jose at Pearly ay mahigit na ding isang taon namang nag-ooperate ng naturang vice den sa ground floor na nagsisilbi ding parking area ng G Vibes Resto Bar sa Rizal Avenue Street, Brgy. San Isidro sa bayan ni Taytay, Rizal Mayor Allan De Leon. Walang dudang kayang-kayang sawatain at lansagin ang mga ito ni Malinao Jr.

Saludo ang SIKRETA kay Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., ang Sherlock Holmes ng PNP.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144

The post COLONEL JACK MALINAO JR., SHERLOCK HOLMES NG PNP! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
COLONEL JACK MALINAO JR., SHERLOCK HOLMES NG PNP! COLONEL JACK MALINAO JR., SHERLOCK HOLMES NG PNP! Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 25, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.