
AMINADO ako na hindi ako magaling sa numero. Kahit noong nag-aaral ako sa elementarya, hayskul, at kahit kolehiyo sa Maynila, kailangan kong magbuti upang pumasa sa aking mga subject na arthmetic, mathematika, algebra, geometry, trigonometry, at iba pang subject sa numero. Ngunit may isang bagay akong tinandaan na itinuro ng aking mga titser: Lahat ng katotohanan sa sanlibutan ay nasusukat at naipahahayag ng numero.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Sa mga datos nalalaman kung ano ang takbo ng pambansang ekonomiya. Sa mga datos ng PSA nababatay kung lumalago o bumabagsak ang ekonomiya, kung dumadami ang bilang ng may trabaho, o kung nababawasan. Ito ang sukatan ng sigla ng pambansang kabuhayan.
Kamakailan, dumating sa aming hapag ang mga nakakatuwang datos mula PSA na nagpatunay na bumawi ang pambansang ekonomiya mula sa sadsad nito mula ng ipataw ni Gongdi ang maituturing na pinamalupit na lockdown noong 2020. Nakuha ng pambansang ekonomiya ang sigla bago ang lockdown ni Gongdi.
Ayon sa datos ng PSA, tumaas ng 5.9% ang GDP, o halaga ng kalakal at serbisyo ng pambansang ekonomiya sa ikatlong quarter ng taong ito. Bumagsak sa 4.1% ang inflation rate o ang datos sa bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin sa bansa.
Ayon sa survey firm Social Weather Station, bumagsak ang bilang ng mga nagsasabing nagugutom sila mula 10.8% noong Hunyo 2023 sa 7.7% sa Septembre 2023. Ipinakita ng datos ang pagbaba ng halos isang ikatlo (1/3) ng dami ng mga nagsabing naghihirap sila.
Bunga ang ganitong perception ng mga polisiya ng gobyerno sa pagpapalago ng kabuhayan, trabaho at pagpapababa inflation.
Batay sa datos ng pinakahuling PSA’s Labor Force survey, bumagsak ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho edad 15 pataas sa 2.09 milyon mula 2.26 milyon noong Septembre. Sa kabuuang bilang ng 49.89 milyon sa labor force ng bansa, nanatili ang unemployment rate sa 4.2%. Ang ibig sabihin nito ay nasa tatlong milyon ang walang trabaho.
Sinikap ng Marcos administration na mapababa ang unemployment rate ng mga Filipino. Nilagdaan niya bilang batas ang Trabaho Para sa Bayan Act (RA 11692) at kamakailan, ang Public- Private Partnership (PPP) Act. Layunin ng dalawang bagong batas na lumikha at palaguin ang oportunidad sa trabaho.
***
TINUTUKAN ng gobyerno ang pagpapalago ng trabaho sa mga nakalipas na buwan. Sa mga kasunduan pangkabuhayan na nilagdaan niya kasama ang ibang pinuno ng mga bansang kanyang pinuntahan, kalakip ang pagnanasa na maparami ang bilang ng mga Filipino na magkakaroon ng mga bagong trabaho.
Kalakip ng pagpapabilis sa mga gastos ng gobyerno ang magbigay ng maraming trabaho at bigyan ng sigla ang pagpapagawa ng mga imprastraktura. Susi ang mabilis na paggasta ng gobyerno ang pagpasok ng bagong puhunan at pabilisin ang produksyon ng pambansang kabuhayan. Umuugat dito ang paglaki ng buwis upang tugunan ang pangangailangan sa imprastraktura.
Programa sa trabaho – ito ang direksyon na tinatalunton ng pamahalaan. Isang programa sa hanapbuhay ang Build Better More.
Bibigyan diin ng gobyerno ang palakasin ang edukasyon at lakas paggawa (manpower). Ito ang magpapanumbalik ng sigla ng ekonomiya. Gumagastos ng bilyon ang gobyerno upang palakasin at itaas ang kasanayan ng lakas paggawa upang makaagapay sila sa mga bagong sigwa ng teknolohiya tulad ng pagsulong ng Artificial Intelligence (AI) applications.
***
NOONG Sabado, Binigyan kami ng aming kaibigan na si Ba Ipe ng kopya ng kanyang aklat “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crime Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et. Al.” Pinagtiyagaan ng aming kaututang baso na ipaliwanag ang sakdal na crimes against humanity na isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC) laban kay Gongdi at mga kapanalig.
Laking gulat namin nang tahasang sabihin ni Ba Ipe na hindi tinulungan sina Trillanes at Alejano ng kanilang mga kasama sa oposisyon. Dumistansiya kahit si Bam Aquino. Hindi kumilos si Leni Robredo. Pare-pareho silang natakot. Nilibak ni Ping Lacson at JV Ejercito ang sakdal. Matamlay si Koko Pimentel.
May kasabihan ang mga Tagalog na “ako ang nagbayo at nagsaing ngunit iba ang kumain.” Si Trillanes, Alejano, at sampu ng kanilang mga kasama sa Samahang Magdalo at legislative staff ang nagsikap pag-aralan at dalhin ang skdal sa ICC, ngunit may mga elemento na gustong kunin ang kredito sa kanila. Nais palabasin na sila ang mga unang tumutol sa EJKs ni Gongdi.
Tanging si Trillanes at Alejano sa tulong ng isang pribadong abogado na si Jude Josue Sabio ang nagsampa ng sakdal sa ICC noong ika-24 ng Abril, 2017. Ito ang mga panahon na may alyansa ang grupong Kaliwa kay Gongdi. Kasapi sa kanyang Gabinete ang ilang elementong Kaliwa tulad ni Rafael Marino, Judy Taguiwalo, Liza Maza, at Leoncio Evasco, ayon sa aklat ng aming kaibigan. Kumalas sila noong 2018 at nagsampa ng sariling sakdal sa ICC.
May mga ilang tilamsik ng diwa na binanggit sa kanyang aklat si Ba Ipe. Sumulong na sa formal investigation ang sakdal laban kay Gongdi at mga kaalyado. Ayon sa aklat, maraming puedeng mangyari at kasama dito ang posibilidad na dakpin si Gongdi at mga kapanalig at ikulong sa piitan ng ICC sa The Hague. Sinabi rin ng aklat na wala ng hadlang para tuluyang siyasatin si Gongdi ng ICC. Maaari silang pumasok sa bansa dahil walang ibinigay na order si BBM na pagbawal sila na magsiyasat sa mga mamamatay tao.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Namakyaw ng halaman, umakyat ng bundok, bumili kunwari ng fishball, tinawag na kalaban ng kapayapaan ang tumututol sa confi funds, nagwaldas ng P125-M in just 11 days, sumawsaw sa isyu ng ICC. Pero hanggang ngayon ay tameme sa mga pagnanakaw at pangha-harass ng Tsina sa WPS?” – Leisbeth Recto, netizen, kritiko
“Sara Duterte’s silence in the West Philippine Sea incident and overall situation is deafening. Tuta talaga ng Tsina.” – Dino de Leon, netizen
“Nasaan na ang makabayang si Robin Padilla? Bakit wala man lang tayong marinig na pagkondena mula sa kanya sa mga ginagawang harassment ng Tsina?” – Leisbeth Recto, netizen, kritiko
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post BUMABANGONG KABUHAYAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: