MALIWANAG na ang Pulahang Tsina ay nang-aagaw ng ating nasasakupan. Ginagamit nila ang panggigipit at pambu-bully sa ating mga mangingisda at tropa. Kamakailan nagpakita sila ng karagdagang dahas kung saan nabahala na ang ating hukbo dahil tumataas ang insidente ng dahas na ginagamit ng Chinese Coast Guard at PLA sa Ayungin Shoal na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone. Sa nakikita ng abang lingkod ninyo, ito’y lantaran na pakay ng Pulahang Tsina. Ito ay ang pananakop ng mga Pulahan sa ating teritoryo. Maliwanag, hindi lang pang-harass sa mangingisda, at pang-agaw ng isda ang isyu dito, nagsasagawa ang Pulahang Tsina ng mga pangharang pag water cannon ng China Coast Guard at pambangga sa mga resuppy vessels patungong Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre, dating kilala sa pangalang USS Harnett County, ay isang decommissioned WW2 LST-542-class tank landing ship. Ito ay ibinigay sa Hukbong Pandagat at ipinangalan na BRP Sierra Madre. Isinadsad Ito sa Second Thomas Shoal o mas kilala sa Ayungin Shoal upang magsilbing tanda o marker ng ating hangganan sa teritoryo. Dahil dito ang BRP Sierra Madre ay instalasyon ng ating hukbo, at ang ginagawa ng PLA sa resupply ships nito ay masasabing deklarasyon ng digmaan. Marami ang nagsasabi na dapat gumanti na ang ating Katihan at palubugin ang mga barko ng PLA. Tumaas ang sentimyento ng Pilipino nang napilitang pabalikin ang isang grupo ng mga sibilyan na maghahatid sana ng mga regalo para sa mga nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Bagama’t pikon na pikon din ang inyong ang inyong abang lingkod, napagtanto ko na nasa atin ang simpatiya ng mga kaibigan natin sa ibang dako ng daigdig. Batid nila na ang Pulahang Tsina ang inuudyok tayo sa digmaan. Dito kailangan natin dagdagan ang ating mga patrol vessels, maglagay ng ating mga paliparan sa Ayungin, at magdagdag ng mga kagamitan katulad ng mga F16, malaking tulong para sa ating Hukbong Panghimpapawid. Sa maikli, palakasin ang ating pwersa. Mabuti naman at nakikita na ng bagong liderato ito. Panalangin ko na bigyan tayo ng karagdagang pagtitimpi ni Poong Kabunian habang tayo ay naghahanda, nagpapalakas. Kaya hanggang kaya, tayo ay magtitimpi.
***
DAHIL nalalapit na ang Pasko, uso ngayon ang huntahan ng mga kalipi at iba pang mahal sa buhay. Bukod sa salu-salo sa handaan, nararapat na masama dito ang mga laro o “parlor games na magsisilbing panlibang at pampalipas-oras. Kaya naisip kong isama ang “parlor game suggestments” ni Baron Revilla na hinarbat naman ng isang kaibigang itatago lamang natin sa pangalang Mo Ordoñez. Daghang salamat sa imo sa nenok:
FAMILY CHRISTMAS PARTY GAME IDEAS:
1. Agawan ng lupa
2. Palayuan ng narating o padamian ng nunal sa talampakan.
3. Hilahan pababa (siraan at intriga)
4. Pagalingan ng anak (kantahan, sayawan o pagalingan sa pag-tumbling)
5. Kailan ka ba magaasawa (Question and Answer portion)
6. Body Shaming (uy antaba-taba mo na, ek ek…)
7. Sumbatan sa naitulong
8. Paramihan ng pera (kadalasan darating suot-suot ang nagkikislapan na alahas)
9. Pagandahan ng trabaho
10. Padamihan ng sakit (diabetes, high blood, ek ek,)
11. Pabonggahan ng sasakyan
Kung may idadagdag pa kayo libre ang pakiramdam o sa Ingles, feel free.
MALIGAYANG PASKO SA ATING LAHAT!!!
***
JokTaym:
(c/o Maris Hidalgo, OFW, netisen, kritiko)
DODONG: Away kami ni misis, nag historical siya…
PILO: Pare, baka ibig mo sabihin naging hysterical siya…
DODONG: Hindi pare, historical kasi inungkat niya mga kasalanan ko noong nakaraan.
***
Wika- Alamin:
BALOK: manipis na balat na nakabalot sa dila ng baka o baboy. Sa pagluluto binabalian ang dila ng baboy o baka at tinanggal ito. Kapag ginamit sa salita: “Sa pagluluto ng lengua tinatanggal muna ang balok sa bawat dila…”
***
mackoyv@gmail.com
The post HANGGANG KAYA, TAYO’Y MAGTIMPI appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: