Facebook

HINDI INUTIL SA VICE OPS SA R4-A, DAPAT PATUNAYAN NI BGEN. LUCAS! (Part 2)

SA pagkapagpalawig ng termino ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr., bilang pinuno ng humigit-kumulang sa 228,000 na miyembro ng Philippine National Police (PNP) ay kailangan nang maisakatuparan ang mandatong nabigo nilang gampanan sa ilang buwan nitong panunungkulan, kaya’t di makabangon-bangon sa pangit na imahe ng kanilang hanay.

Parang naulit ang kasaysayan nang bigyan ni President Ferdinand “Bongbong: Romualdez Marcos Jr. (PBBM) ng extension ang panunungkulan ni Acorda Jr. hanggang March 2024 kagaya ng ginawa ng kanyang amang diktador na Pangulong Ferdinand Edralin Marcos noong ito pa ang nanunungkulang presidente ng bansa.

Ang pagpapalawig ng panunungkulan ng magreretiro na sanang heneral ang isa sa mga malaking pagkakamali sa karera-politikal ni PBBM na kahawig din ng ginawa ng kanyang ama na isa sa naging ugat ng pag-aalburuto noon ng maraming senior officer (police colonel at heneral) na naging mitsa ng February 1986 EDSA Revolution na bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas.

Nabanggit ng SIKRETA sa nakaraang pitak na kung pangungunahan ni PNP Chief Acorda Jr. hanggang sa kanyang mga regional, provincial director at mga city/town police chief ang naunang nailunsad na internal cleansing sa kapulisan, ay walang dahilan para di masugpo ang nagkalat na vice operation na numero unong sanhi ng tumataas na insidente ng kriminalidad sa mga rehiyon sa bansa.

Hindi naman maitatatwa na sa lahat na rehiyon sa Pinas ay laganap ang operasyon ng mga ilegal, pero kaiba itong CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) dahil sa mala-kabuteng dami ng mga vices at paihi na tila ligal na negosyong hindi kinakanti at sinusugpo ng mga R4-A cop.

Sa Batangas ang perwisyong operasyon na protektado ng maraming pulis na ala-mini-casino na sugalan na may shabuhan at pugad pa ng prostitusyon ay ang puesto pijo ng isang Glenda sa Brgy. Santiago sa bayan ni Malvar Mayor Crestita Reyes at ang kapareho nitong pasugalan sa Brgy. Pinagtong-olan sa siyudad ni Lipa City Mayor Eric Africa.

Daang libong piso ang ipinamumudmod na lingguhang padulas sa kapulisan sa Batangas, NBI, LGU at barangay na kinokolekta naman ng mga “kapustahan” (police tong collector) na sina ex-Sgt. Adlawan at Jeff kaya mahigit sa isang taon nang nakapag-ooperate sa hurisdiksyon nina Batangas PNP Provicial Director Col. Samson Belmonte, Capt. Nemecio Calipjo Jr. at LtCol. Rix Villareal.

May paihian o burikian pa ng petroleum product si alias JB na kung tawagin ay “salubong” sa mga bayan ng Lemery at Calaca. Sinasalubong ng tanker nina JB sa bayan ng Lemery at dalampasigan ng Brgy. Salong,Calaca ang mga pinatulo o paihi na diesel at gasolina buhat sa mga barkong dumadaong sa karagatan ng Calaca at iniimbak sa harapan ng bahay ni JB sa Poblacion ng naturang bayan.

May mga pergalan din sa Batangas sina alyas Jayson Bakla a.k.a Bakal sa Brgy. Antipolo del Sur; Charlie sa Brgy. Sampaguita, parehong sa Lipa City; Amy sa Brgy. Tugtog, San Jose at Dante sa Brgy. Sto Nino, San Pascual.

Sa lalawigan ni Cavite Junvic Remulla ay tatlong permanenteng saklaan ang pinatatakbo ng isang “Hero” sa mga bayan ng Noveleta, Ternate at Magallanes, ngunit nganga lamang dito si Cavite Provincial Director Col. Elieuterio Ricardo Jr.at kanyang mga police chief.

Lahat na intelhencia o suhol mula sa mga iligal ay sinasahod naman ng isang “Richard” gamit na panakot ang mga pangalan mismo ni PNP Chief Acorda Jr., PNP Region 4-A Director PBGen. Paul Kenneth Lucas at Col. Ricardo Jr., kabilang na ang tongpats mula sa pergalan (perya at sugalan) nina Rommel Daing sa Brgy. Maguyam; Mike sa Brgy. Balabad, kapwa sa bayan ng Silang at Tetet sa Brgy. Salawag, Dasmarinas.

Lantaran naman ang operasyon ng sugalang ala mini casino nina Jose at Pearly sa bayan ni Taytay Mayor Allan De Leon na mahigit sa isang taon na ding dinudumog ng mga sugarol at drug addict sa parking area ng G Vives Resto Bar, sa Rizal Avenue Street, Brgy. San Isidro. Dedma lang ito kay Taytay Police Chief Lt. Col. Gaylord Pagala.

Sa Riverside, Brgy. San Jose, Montalban naman ay may pergalan ang drug pusher at ex-convict na si alyas Boy Life at misis nitong si alyas Eve Gurang, ngunit nganga din lang dito si Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe B. Maraggun.

Sa probinsya ng Quezon ay tila pader ang operasyon ng paihian ng nakaw na mantika mula sa may 10 oil mill sa Lucena City at mga tulad nitong refineries sa Metro Manila at Naga City ang isang Troy . Ilang taon na ang operasyon ni Troy na nagnanakaw din ng petroleum product sa kanilang kuta sa Brgy. Salinas, siyudad ni Lucena Mayor Mark Don Victor Alcala at Police Chief LtCol. Ruben Ballera.

Pakilala ng notoryus ding shabu pusher na si Troy na political leader siya ni Gov. Angelina “Helen” Tan kaya’t di matinag ni LtCol. Ballera at Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte ang kanyang operasyon.

Sa nangyayari ngayon sa rehiyon, ay palitan na si BGen. Lucas kung kinakailangan sa kanyang puwesto bilang R4-A director, pagkat mistulang inutil ito at hindi niya mapatigil ang operasyon ng mga nabanggit na illegal vices at iba pang uri ng kriminalidad sa kanyang area of responsibility (AOR). Abangan ang kailigalan naman sa Laguna.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144

The post HINDI INUTIL SA VICE OPS SA R4-A, DAPAT PATUNAYAN NI BGEN. LUCAS! (Part 2) appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HINDI INUTIL SA VICE OPS SA R4-A, DAPAT PATUNAYAN NI BGEN. LUCAS! (Part 2) HINDI INUTIL SA VICE OPS SA R4-A, DAPAT PATUNAYAN NI BGEN. LUCAS! (Part 2) Reviewed by misfitgympal on Disyembre 04, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.