Facebook

Peace Walk para sa Mindanao Week of Peace, ginanap sa Cotabato City

BILANG bahagi ng pagdiriwang Mindanao Week of Peace, isang grupo na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagsama-sama sa isang masayang Peace Walk na ginanap nitong Disyembre 2, 2023.

Dinaluhan ito ng may 300 katao mula sa 23 organisasyon mula sa ibat-ibang sektor gaya ng mga guro, mag-aaral, lider ng komunidad, pinuno ng relihiyon, non-governmental organizations (NGOs), civil society organizations (CSOs), kabataan, kababaihan at security sector.
Nagsimula ang makulay na parada sa Cotabato State University Campus Park at natapos sa PC Hill, Cotabato City.

Layunin ng mahalagang kaganapan na ito na ipakita ang sama-samang pagpapahalaga upang palaganapin ang kapayapaan at pakikiisa ng bawat isa mula sa iba’t ibang komunidad sa Mindanao.
Ipinagdiriwang ang Mindanao Week of Peace taun-taon mula sa huling Huwebes ng Nobyembre hanggang sa unang Miyerkules ng Disyembre base sa Proclamation Order No. 127 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Nagsisilbing paala-ala ang kaganapan sa kapangyarihan ng sama-samang pagpupunyagi na layuning kilalanin ang iisang hangarin ng mga Mindanaoan na mamuhay sa kapayapaan, pagkakaisa at pagkakasundo ang bawat isa anuman ang estado sa buhay, relihiyon at kultura.

Kasunod ng Peace Walk, isang programa ang ginanap sa 6CMO.

Nagbigay ng pambungad na pananalita si LTC Dennis C Almorato, Battalion Commander ng 6CMO. “Ang ating Peace Walk ngayon ay hindi lamang isang simpleng paglalakad; ito’y isang malakas na pahayag na ang kapayapaan ay hindi lamang isang pangarap kundi isang layunin na ating makakamit nang magkakasama. Ang bawat hakbang natin ay simbolo ng ating lakas, katatagan at pangakong magtulungan para sa isang mapayapang kinabukasan.”

Nagpahayag ng kanilang mensahe ang mga panauhin na kumakatawan sa ibat-ibang sektor kabilang sina Archbishop Emeritus Antonio Ledesma mula sa Archdiocese of Cagayan de Oro; Sheikh Abdulrahim Sangkua ng World Association for Alazhar Graduates; Mr. Philip Cuevas ng Cotabato State University – Indigenous Peoples Center; PLT Jay-ar Rimorin, Assistant Company Commander ng 44th Special Action Company, 4th Special Action Battalion, PNP Special Action Force; at Mr. Nash Mantao, Youth Development Officer ng US Agency for International Development (USAID).

Nagpakitang-gilas din ang mga mag-aaral ng Cotabato Rasheeda High School at Cotabato City Central Pilot School Drum and Lyre Corps sa kanilang pagtatanghal.

Nagpalipad din ng mga kalapati matapos ang pagkanta ng komunidad na sumisimbolo sa iisang mithiin: ang pangmatagalang kapayapaan.

Nagtapos ang programa sa Symbolic Gesture of Peace, kung saan ang mga kalahok ay nagdikit ng kanilang post-it sa Freedom Peace Wall na nagpapahayag ng kanilang commitment sa pagtataguyod ng pangmatagalang pagkakasundo.
Inihayag ni Ms. Nicole Lopez, National Coordinator of HWPL Philippines, ang mensahe ni Chairman Lee Man-hee ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light, kung saan pinaalalahanan ang bawat isa na palakasin ang panawagan para pahintuin ang digmaan, partikular sa giyera ng Israel at Hamas .

Patuloy na nagsasagawa ng serye ng programa para sa Mindanao Week of Peace ang HWPL sa pakikipagtulungan ng Kutawato Greenland Initiatives bilang pakikiisa na rin sa UN International Volunteer Day (December 5). Nitong December 3, isang clean-up drive ang ginanap Manila Bay, kung saan ipinapakita ang kahalagahan ng patuloy na pangangalaga sa kalikasan. Nitong Disyembre 4-5, isang Toy Donation Drive para sa Badjao Community at clean-up initiative ang ginanap sa Cotabato City, isang pagpapalakas sa diwa ng pagbibigay at kapakanan ng pamayanan. (ANDI GARCIA)

The post Peace Walk para sa Mindanao Week of Peace, ginanap sa Cotabato City appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Peace Walk para sa Mindanao Week of Peace, ginanap sa Cotabato City Peace Walk para sa Mindanao Week of Peace, ginanap sa Cotabato City Reviewed by misfitgympal on Disyembre 04, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.