MASAYANG isinapubliko ng Malakanyang na isang malaking kompanya mula sa Japan ang interesado sa public utility vehicles (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Ibig sabihin, maglalagak daw ito ng bilyun-bilyong halaga ng investment sa programa.
Ipinahayag daw ito ng Toyota sa isang roundtable discussion sa sidelines ng ASEAN-Japan Commemorative Summit, kung saan kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Japanese business community.
Ang kompanya ay nagpahayag ng masusi at solidong suporta sa layunin ng pamahalaan na mapanumbalik at mapabuti ang kalidad ng transportasyon sa bansa.
Sa pangako nitong maglalagak ng karagdagang P1.1 bilyon na investment, bukod pa sa naunang commitment na P4.4 bilyon, nagbibigay ito ng malaking pag-asa sa modernisasyon ng PUV.
Isa itong mahalagang hakbang sa pagsusulong ng ekonomiya ng bansa, at naglalaman ito ng pangako ng kompanya na magiging bahagi ito ng proyektong magbibigay trabaho sa libu-libong Pilipino.
Ang pagpirma ng siyam na kasunduan na nakatuon sa mga larangan ng enerhiya, imprastruktura, at manufacturing ay naglalarawan ng masusing pagpaplano para sa pangmatagalang pakikipagtulungan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Nakatutuwang isipin na bukod sa financial commitment, ang pamahalaan ay patuloy na nakakakita ng mga oportunidad na magdadala ng benepisyo sa mga mamamayan.
Sabi nga ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go, ang pag-angat ng aktuwal na pamumuhunan sa halagang P169 bilyon mula sa mga biyahe ni Pangulong Marcos sa Japan ay nagpapatunay na may positibong resulta at magandang kinabukasan para sa bansa.
Sa kabuuan, ang matinding suporta ng Japanese company sa PUV modernization program ay naglalarawan ng isang bagong yugto ng pag-unlad at pagsasamahan sa pagitan ng dalawang bansa.
Kaya naman, asahang sa mga susunod na taon ay mas dadami pa ang mga pribadong kompanya mula sa iba’t ibang panig ng mundo na magiging bahagi ng pagbabago at kaunlaran sa Pilipinas.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.
The post KOMPANYA SA JAPAN MAG-I-INVEST NG P1.1-B SA PUV MODERNIZATION PROGRAM appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: